Nagtitili si Sylvie sa gitna ng tindahan habang pumapadyak. "Shocks! Magiging cover ang fanart ko ng Mystic High!" Tumakbo siya bigla palabas ng tindahan. Gusto niyang makita si Lancelot at sabihin dito ang magandang balita, kahit pa nga gusto rin niya itong sabunutan sa inis dahil gumagalaw ito nang walang paalam niya
"Miss, di pa bayad 'yang libro," anang matandang babae na bantay ng tindahan.
Saka lang niya napansin na bitbit pa pala niya ang dalawang pinagpipilian kanina. "Sorry po," aniya at dali-daling naglabas ng dalawang daang pisong papel para ibayad. Pareho na niyang kinuha ang libro. "Pasensiya na po talaga."
"Sana matuloy na ma-publish ang manga strip mo. Malay mo maibenta rin namin dito sa tindahan namin," nakangiting sabi ng matandang babae.
"Maraming salamat po." Yumukod siya. Mabilis ang hakbang niya papunta sa cafe. Babawian talaga niya si Lancelot sa kahihiyang iyon.
Naabutan niya ang binata na tutok na tutok habang nagbabasa ng libro at may hawak na ballpen sa kabila. Nakasuot din ito ng reading glasses. Di niya alam kung disguise nito o parte lang ng porma nito pero bagay naman dito dahil mukha itong seryoso. Parang ibang tao ito.
Noong una, akala niya happy-go-lucky lang ito. Na masaya na ito na basta pumasa lang. Nasanay siya sa mga masisipag na estudyante na laging seryoso kung mag-aral. Pero mas matindi palang magseryoso ang mga tulad ni Lancelot. Doble-kayod ito para maintindihan ang mga leksyon. Dahil sa binata, natuto siyang unawain na di lahat kagaya niya na mabilis makakuha ng leksyon o makapagkabisa ng impormasyon. Mas kailangan ng tulong ng mga ito kaysa sa panlilibak o panlalait.
Isinantabi muna niya ang inis dito at nilapitan ito. "Kailangan mo ng tulong?"
"Nandito ka na agad? Akala ko lilimasin mo 'yung libro sa tindahan."
Dapat sana kundi lang tumawag si Miss Rojana, wala pa siyang balak na umalis ng bookstore. Excited siyang ibalita o sakalin ang binata, kung anuman ang mauna doon. "Nakabili na ako ng dalawa. Okay na siguro iyon. Ano naman 'yang nagpapasakit ng ulo mo?"
"Ano ang tamang approach sa pagsakop ng China sa mga teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea? Dapat bang magdeklara ng gyera sa China at paano tayo mananalo? Bakit kailangan kong problemahin ang problema ng Pilipinas samantalang hindi pa naman ako nagbabayad ng tax?" sunud-sunod na tanong nito sabay sapo sa noo. "Hindi ko maintindihan kung bakit ganito kakomplikado ang mundo. Ano bang ginawa ng mga matatanda na nauna sa atin? Ano ba itong ipinapasa nilang problema? At alam mo ba kung gaano kalaking pera ang ibinayad ng gobyerno sa abogado pero parang pinerahan lang ang Pilipinas?"
Itinaas niya ang isang kamay. "Kalma lang. Hihimayin natin iyan. Pero pwede bang umorder muna ako ng pagkain? Hindi pa ako nagla-lunch."
"Ako rin," sabi nito. "Nag-sandwich lang ako. Ikaw na ang umorder para sa akin."
"'Yung isyu natin sa West Philippine Sea. Naguguluhan kasi ako kung bakit ang daming gigil sa China samantalang mas marami palang isla ang nasakop ng Vietnam pero di naman pinapaalam ng media. Tapos ito pang desisyon ng United Nations Law of the Sea, parang wala namang finality kung sino ang may-ari ng Panatag Shoal. At dahil hindi ito isla kundi bato lang. At dahil bato lang ito ayon sa China, sakop ito ng territorial sea. Ang gulo-gulo ng pulitika."
"Sa palagay ko may article si Mark Andrew tungkol diyan..."
"Nabasa ko iyon pero di ako sumasang-ayon sa kanya na dapat makipaggiyera tayo sa China at humingi ng tulong sa America. Madudurog lang tayo, Sylvie. Magagamit lang tayo sa laro ng malalaking bansa. At sa kahit anong digmaan, walang nananalo maliban sa gumagawa ng mga armas na negosyo lang nila. Negosyo ang giyera. At ang mga maliliit at inosente laging talo."
"Whoa!" usal niya.
"Sorry. Mukhang hindi ka sang-ayon sa mga sinabi ko."
Umiling siya. "Hindi. Naniniwala ako sa iyo. Ang totoo, iyan din ang argumento ko kay Mark Andrew. Ayoko ng giyera. Kung madadaan sa diplomasya, bakit hindi? Hindi giyera ang solusyon lalo na kung wala naman tayong maipanggigiyera. Hindi ko sinasabing kailangang sumuko na lang tayo basta. Pero dapat alam natin ang lakas at kahinaan natin. 'Yung mga gusto ng giyera, sila ang mauna na lumaban. Sila ang matatapang, di ba?"
"Anong sabi ni Mark Andrew?"
"That shut him up for a while. Pero sabi niya magpapalista siya bilang Army Reservist para lang patunayan ang punto niya."
Humalakhak si Lancelot. "Hindi talaga siya magpapatalo."
"Kapag may idea siya, di lang siya basta salita. Patutunayan niya na tama siya. Kaya sabi niya, magte-training siya ng ROTC sa college."
"Sayang wala nang military training para sa high school. Bata pa lang ako, gusto na ni Papa na maging CAT officer ako. Corps commander siya at gusto niyang maging pumasok sa Philippine Military Academy kundi lang namatay ang lolo ko at kailangan nilang pagtulung-tulungang asikasuhin ang negosyo at mga ari-arian ng pamilya. Nag-business na lang si papa. Pero sa palagay ko kailangan ng mga Pilipino na magkaroon ng military training. Hindi pwedeng ipadala ang mga keyboard warrior sa giyera, hindi ba? Gusto ko rin maging army reservist..."
Mabilis niyang pinigilan ang kamay nito. "Lancelot, please. Don't even go there. Ayokong mawala ka."
"Relax. Di naman ako sasabak agad sa giyera. Pero iyan ang realidad ng buhay, Sylvie. Sa Korea at sa Israel, nagmi-military training din kahit ang mga artista nila. Ako pa kaya na ordinaryong tao lang?"
"Your fans will disagree. Hindi ka ordinaryong tao lang sa kanila. Mas gugustuhin pa nilang lumaban sa giyera para sa iyo."
Umiling ito. "Sylvie, iba ang totoong giyera. Di nila ibubuwis ang buhay nila para sa akin. Kung kailangang lumaban para sa bayan, kailangan mag-training. At di natin maipanlalaban ang mga keyboard warriors natin. Mga aswang, mangukulam, mambabarang at manananggal pwede pa.”
Humalakhak si Sylvie dahil akala niya seryoso ito. “Gusto kong mabasa ‘yang report mo.” Nangangalahati na siya sa kinakaing unicorn cake pero di pa rin nito ginagalaw ang apple pie nito. “Kumain ka muna kaya bago ‘yang sinusulat mo,” untag ni Sylvie sa lalaki.
“Importante ito kaya hayaan mo lang ako.”
Hinayaan lang niya ito dahil di naman siya mananalo kay Lancelot. Bumagsak ang ilang hibla ng buhok nito habang nagsusulat. Tumakip iyon sa mga mata lalaki at awtomatiko niyang hinawi iyon. “Salamat,” sabi lang nito habang nagsusulat.
“Gusto mo bang subuan na rin kita ng pie?” alok niya.
“Sylvie, hindi mo kailangang maging yaya sa akin."
"Lalamig na ang pagkain," angal niya. "Hindi na iyan masarap."
"Matatapos na ito. Baka kasi mawala sa isip nito. Kailan pa naging komplikado ang lahat ng bagay? Samantalang noong unang panahon, mapayapa namang nagkakalakan lang ang mga Tsino, Vietnamese at mga Pilipino sa Panatag Shoal."
Wala nang balak pang magdagdag ng impormasyon si Sylvie tungkol sa West Philippine Sea kahit na isa iyong paksa na gusto niyang pagdiskusyunan maghapon. Naiinis lang siya. Parang si Mark Andrew ang kasama niya. Kapag nakatuon ang atensyon nito sa isang bagay, nakakalimutan na siya nito at ang pagkain. Hindi naman siya ang tipo na naghahanap ng atensyon. Ayaw lang niyang pinaghihintay ang pagkain.
"Kumain ka na. Huwag mo akong galitin. May atraso ka pa sa akin," aniya at minulagatan ito.