Inangat ni Lancelot ang tingin sa sinusulat. "Anong atraso ko sa iyo?"
"Tumawag si Miss Rojana sa akin. Sabi niya, nakita daw niya ang character sketch at manga strip ng Mystic High. Ang pagkakatanda ko, sa iyo ko lang ipinakita iyon dahil di pa maayos. Wala akong planong ipakita sa iba lalo na sa publication ninyo. Anong nangyari, Lancelot?”
Nabitawan nito ang ballpen at iniwas ang tingin sa kanya. Alumpihit ito sa upuan. Di nito alam kung paano magpapaliwanag sa kanya. "Sorry."
"Sorry lang? Alam mo naman na hindi pa final iyon. Nakatuwaan ko lang. Hindi ganoong klase ng trabaho ang ipapasa ko sa publication. Hindi ganoon ang mga professional. At taga-Bright Minds Academy tayo. We must always put our best foot forward. Kailangan nating tiyakin na ibinigay natin ang pinakamagandang gawa natin. Di tayo susugod sa giyera nang patpat lang ang dala.”
"Oo na. Kasalanan ko na," parang maiiyak na sabi nito at bumagsak ang balikat. "Nagpadala sila sa akin ng mga suggested cover para sa new edition ng Mystic High. Hindi ko nagustuhan kaya naisip ko na ipadala ang artworks mo. Sabi ko lang naman ganoong klase ang gusto kong maging cover. Huwag ka nang magalit sa akin. Gusto ko lang talagang ipagmalaki ang gawa mo kasi magaling ka."
Humalukipkip siya. "Ikaw nagagalingan sa akin. Paano naman ang iba? Hilaw nga ang ipinasa ko. Dahil sa iyo, pinagpapasa tuloy ako ng artwork para sa cover ng Mystic High ni Miss Rojana."
Halos lumuwa ang mga mata nito sa pagkamangha. "Seryoso ka ba?"
Tumango siya pero di pa rin siya ngumingiti. "Gusto rin nilang isalin sa digital ang manga strip para mas madaling i-edit at iniisip pa nila kung gagawing webcomic o printed manga. Kasalanan mo iyan!"
Humalakhak ito at itinaas ang nakakuyom na palad sa hangin. Parang bata ito na nagsasaya. "Ayos! Good news iyan." Hinawakan nito ang dalawang kamay saka pinisil. "Sabi ko naman sa iyo magaling ka talaga. Partida. Di mo pa official portfolio 'yung ipinakita ko sa kanila."
Sinapo niya ang sariling pisngi. Nanginginig pala siya. Di man lang niya napansin. Maisip pa lang niya ang kailangan niyang gawin para sa project kay Lancelot, di na niya alam kung paano hihinga nang normal. "Nape-pressure ako. Hindi ko naman kasi pinaghandaan ito. Di ko rin alam kung kaya ko ang responsibilidad. Babayaran ako para gawin ang trabaho. Paano kung di ko magawa nang maayos? Paano kung mawala 'yung drive ko na mag-illustrate?"
"Ibig sabihin ayaw mong gawin 'yung project?"
Pasimple niyang sinipa ang paa nito sa ilalim ng mesa. "Silly. Syempre gusto ko. This is a huge opportunity, but I won't back down on a challenge. Ako talaga ang gagawa ng manga version ng Mystic High. Ako talaga!”
Kinuha nito ang nanlalamig niyang mga kamay at pinisil. "Partners na tayo. Official na ngayon dahil ikaw na ang gagawa ng manga ko. Nagustuhan ng editor ko 'yung revision sa Mystic High. Ikaw ang gagawa ng cover ng new edition. Magkakasama pa ang pangalan natin sa cover. Natupad ang pangarap ko."
Nakatitig ito sa kanya na parang gusto siya nitong tunawin habang nagsasalita ito. Heto na naman siya na parang hinihila sa isang makulay na ipo-ipo. Iyon siguro ang gustong marinig ng kahit sinong babae na humahanga kay Lancelot. Bakit ba kung magsalita si Lancelot parang siya lang ang importanteng babaeng sa buhay nito? Hindi naman ito nanliligaw. At kung lalagyan niya ng ibang kahulugan ang paglalambing nito, malamang isa siyang malaking HOPIA. Malay ba niya kung ganoon din ito kalambing sa ibang babae kapag kasama nito, lalo na sa fans nito?
Dinuro niya ang noo nito at itinulak palayo. "Tse! Ang babaw naman ng pangarap mo. Di mo man lang ginustong makatrabaho sila Budjet Tan o si Elmer Damaso o kaya ‘yung mga sikat na mangaka sa Japan.”
“Nangyari naman agad ang pangarap ko, di ba? Sa iyo na ang Mystic High. Hindi na fanart lang ang gagawin mo dahil magiging official cover at manga na ang gawa mo. Saka sigurado ako na marami nang ibang nangangarap na makasama ang ibang sikat na manga artist. Samantalang ikaw lang ang pangarap ko.”
Kahit anong pigil ni Sylvie sa sarili, di niya mapigilang ngumiti. Mahirap kontrolin ang kilig sa harap nito. Hindi niya alam kung paano kontrolin. Akala niya di na uso ang kilig sa kanya. Na di na siya tatablan dahil alam naman niyang laro lang iyon kay Lancelot. Pero masaya siya kahit na di ito seryoso. Masaya siya kahit na alam niyang hanggang pagkakaibigan lang ito. Ganoon lang.
Tinaasan niya ito ng kilay pero di maalis ang ngiti sa labi niya. "Hindi ko gagawin iyon kapag hindi ka pa kumain ngayon,” banta niya. “Makuha ka sa tingin. Hindi ko alam bakit nagpapakamatay ka diyan sa project na iyan.”
"Gusto ko lang naman na maging magaling katulad ni Mark Andrew. 'Yung pwede mo akong makausap tungkol sa Politics, o Science o sa nangyayari sa lipunan. Hindi ‘yung lagi akong nakanganga o tulala.”