"Hindi mo naman kailangang gawin iyon. Hindi mo kailangang maging isa pang Mark Andrew. Magkaiba kayong dalawa.”
"Gusto kong subukan na gawin ang ginagawa niya. Sabi mo maganda siyang inspirasyon sa iba. Kaya sisimulan ko na sa sarili ko. Di ako kasing talino niya pero kaya kong mag-aral nang mabuti. Mabuti nang subukan kaysa naman sabihin ko na di ko kaya,” anito at nagkibit-balikat.
"Oo na. Basta huwag kang papakagutom. Aanhin mo naman ang talino kung magkakasakit ka dahil sa nalipasan ka ng gutom? Alam mo ba kaya naiinis ako dati kay Mark Andrew kasi hindi niya pinapansin ang pagkain sa sobrang busy na magbasa o magsulat? Tapos maaalala lang niya kapag namimilipit na siya sa sakit dahil sa hyper-acidity o kaya nahihilo na siya sa gutom. Wala namang kadala-dala. Pag nawala ang sakit, balik na naman sa dati. At ayokong mangyari iyon sa iyo."
Dinampot agad nito ang hand sanitizer at ipinahid sa kamay. "Bakit di mo naman agad sinabi sa akin? Takot ako sa hyper-acidity. Mahapdi kaya iyon." At sumubo ito ng eggdrop soup. "Makakapaghintay naman 'yang West Philippine Sea na iyan. Ayoko talagang nag-aalala ka sa akin."
Saka lang nagpatuloy kumain si Sylvie. Maliit na bagay lang ang pagtiyak niya na ayos lang si Lancelot sa dami ng mabuting nagawa nito sa kanya. Nagbukas ang panibagong pinto sa kanya dahil sa binata. May sumeryoso sa kanya bilang isang illustrator. At kung papalarin, magiging Filipino manga illustrator na siya. Kung magtutuloy-tuloy ito, may mga oportunidad pang naghihintay sa kanya.
Hinintay muna ni Sylvie na tapusin ni Lancelot ang assignment nito bago sila lumipat sa isang art gallery na ilang metro lang ang layo sa cafe. Gawa sa iba’t ibang recycled materials ang tampok na exhibit sa gallery.
“Isang araw, sigurado na mailalagay din sa ganitong exhibit ang artworks mo,” untag ni Lancelot habang magkatabi sila sa bench. Pinagmamasdan niya ang album cover ng bandang Phantom na isang maskara na gawa sa iba’t ibang recycled materials.
Ipinatong niya ang kamay sa kamay nito na nakapatong sa espasyo sa pagitan nila. "Lance, salamat sa pagtitiwala sa kakayahan ko. Hindi ko lang naisip na makakapag-drawing ulit ako o makakapagpinta. Nawalan ako ng gana sa totoo lang. Inalis ko na iyon sa mga plano at pangarap ko. Ngayon mas sobra pa sa inaasahan ko ang naibigay sa akin."
Nilingon siya nito nang may ngiti sa mga mata. “Basta gawin mo lang ang bagay na nagpapasaya sa iyo. Di ba may magandang resulta lalo na't di mo inaasahan? Gawin mo lang ang parte mo. Hayaan mong sorpresahin ka ng Diyos sa biyaya Niya."
"Parang ikaw."
Kumunot ang noo nito. "Ako?"
"Hindi ko naman inaasahan na dadating ka sa buhay ko. Ayaw mo talagang umalis sa tabi ko kahit masama na ang ugaling ipinapakita ko sa iyo. Okay naman kasi ako na mag-isa. Kinakaya ko na walang nag-aalala sa akin na ibang tao. Sinukuan ko na 'yung mga bagay na nagpapasaya sa akin. Pero dumating ka. Noong una, pakiramdam ko parusa ka sa akin ng Diyos. Nagtatanong ako kung bakit kailangan mo pa akong guluhin samantalang wala naman akong ginagawang masama. Nananahimik na nga ako sa buhay ko. Ginulo mo ang buhay ko. Kinaladkad mo ako palabas sa lungga ko."
"Kasi katulad mo, dumating ka rin sa buhay ko na bagsak na bagsak ako. Ako mismo wala nang tiwala sa sarili ko."
“Huh?” Ikiniling niya ang ulo. "Paano nangyari iyon?"
"Isang araw ikukwento ko sa iyo. Pero sa ngayon, basahin mo muna ‘yung report ko sa West Philippine Sea. Tingnan mo kung maganda.” At inabot nito ang draft notebook sa kanya.
“Nabanggit mo na ‘yung mga argumento mo sa akin kanina. Okay naman”
“Basta. Gusto ko aprubado mo. Malay mo isang araw magamit ko ang kwento ko para sa world peace. Tapos ako ang ipadala sa China para i-charm sila,” anito at hinaplos ang sariling baba. “Di ba may South Korean nga na Kpop artist na ipinadala para makatulong sa peace process sa North Korea?"
“Oo. Si PSY,” aniya at natawa. “Ibang klase rin ang pangarap mo.”
“Sabi mo kasi taasan ko. Kaya gusto kong maging bahagi ng pag-abot ng world peace.”
"Paano kung di ka na ibalik ng China sa amin?"
"Babalik ako. Di naman ako papayag na ma-miss mo ako." At hinaplos ng daliri ang pisngi niya.
"Tse! Okay na itong report mo kahit di ko basahin. Tara! Ilibre kita ng gelato bago tayo umuwi para naman magpasalamat ako sa pagpapasa mo sa artwork ko nang walang permiso sa publication."
“Naks! Ang galante talaga ng manga artist ko.”
Magkahawak-kamay silang lumabas ng art gallery. Masaya si Sylvie na dumating ang lalaki sa buhay niya. At sa palagay niya, marami pang magagandang bagay na naghihintay sa kanya.