Chapter ACWTK2: 45

"PWEDE ba akong dumalaw sa iyo?"

Awtomatikong sumilay ang ngiti sa labi ni Sylvie habang kausap sa cellphone si Lancelot. Nakabukas ang speaker phone niya habang ginagawa ang panel para sa manga webcomic ng Mystic High. Wala silang pasok at katatapos lang ng periodical exam nila. Kaya naman sinasamantala niya na maluwag ang oras niya para magtrabaho.

Dahil hindi pwedeng madaliin ang trabaho niya, nagdesisyon ang publication na gawing webcomic ang illustration ng Mystic para bahala na siya kung kailan siya mag-a-update. Di rin mako-kompromiso ang timetable ng publication. May pressure lang sa kanya dahil nadulas si Lancelot na magkakaroon ng webcomic matapos i-release ang new edition ng libro nito na ito ang gumawa.

Mas ganado pa siya ngayon dahil kadarating lang ng touchscreen monitor niya. Binili iyon ng magulang sa kanya matapos malaman na aprubado ang cover ng Mystic High na ginawa niya. Parang bata siya na may bagong laruan. Magandang investment daw iyon sa mga magulang niya. Masaya lang ang mga ito na bumalik na siya sa pagpipinta at pagdo-drawing. Bawas na alalahanin iyon sa magulang niya. Maitutuon na ng mga ito ang atensyon sa pagbubuntis ng ina ngayong bumabalik na siya sa normal.

Nakakadalaw na ulit ang mga kaibigan niya. Lumalabas na siya kasama ng mga ito at may mga bagong kaibigan na rin siya dahil na rin sa kay Lancelot. Suportado pa siya ng mga fans at kaibigan nito matapos malaman na siya ang gumawa ng illustration ng bagong Mystic High.

Ayaw lang niyang magpaabala sa free day niya dahil gusto niyang umusod sa manga na ginagawa. Maliban kay Lancelot.

"Busy ako. Kung gusto mong ma-update ang webcomic mo, di mo ako guguluhin,” aniya sa magaang boses kahit na gusto itong makita. Nasanay na siya na laging kasama si Lancelot. Di nga siya halos mapaghiwalay. At ayaw niyang masyadong ipahalata dito na gusto niya itong makita.

"Dadalhan lang naman kita ng pagkain. Alam ko naman kung gaano ka ka-busy. Saglit lang ako. Baka nga di ako tumagal nang five minutes. Nami-miss lang kita. May uwi si Papa na yema langka galing sa Davao.”

"Oo na. Pwede ka nang pumunta." Alam talaga nito kung ano ang kahinaan niya. Sino ba naman ang tatanggi sa yema langka?

Mas maganda na rin ang relasyon ni Lancelot sa ama. Marami na daw kasing napag-uusapan ang mga ito mula sa pulitika at social issues. Nakakapagkwento na rin ang binata sa kay Tito Arnulfo ng mga gusto nitong plot sa kwento. Mas bukas na rin ang komunikasyon ng mag-ama. Siguro dahil nakita na ng ama ng binata kung ano ang nagpapasaya dito. At nakita na rin ni Lancelot na gusto lang din ng ama nito na ma-challenge pa ito at mag-improve.

Wala pang limang minuto na natatapos ang pag-uusap nila ni Lancelot nang mag-ring na ang intercom sa kuwarto niya. "Sylvie, may bisita ka,” sabi ng mama niya. “Bumaba ka na sa sala.”

“Okay. Bababa na po ako, Mama.Thank you po.” Ibinalik niya ang awditibo sa cradle. “Ang bilis naman ng lalaking iyon. Akala ko aalis pa lang ng bahay.”

Masyado nang at-home si Lancelot sa bahay nila. Baka kampante ito na kahit ayaw niyang makipagkita dito, naroon naman ang mama niya para makakwentuhan nito. Pati ang kapatid niya na di pa lumalabas, excited kapag naroon si Lancelot.

Pero iba ang naabutan niya sa sala. Nahigit niya ang hininga nang makita ang mga magulang ni Mark Andrew. "Tito Josh! Tita Jini!” Naluluha niyang niyakap ang dalawa sa saya. Malapit din siya sa magulang ng dating nobyo at anak na ang trato sa kanya. “Umuwi na po pala kayo. Sana man lang nakapaghanda ako o nasundo ko po kayo sa airport."

Ilang buwan matapos mamatay ni Mark Andrew, lumipad na ang mga ito papunta sa Amerika. Nag-aaral doon ang Kuya Billy ni Mark Andrew at pinili ng mag-asawa na makasama ang isa pang anak.

Tinapik ni Tito Josh ang ulo niya. "Hindi na kailangan. May sumundo na sa amin sa airport at nag-stay kami sa isang hotel dito.”

"Kumusta na po?" tanong ni Sylvie at sinenyasan ang mga ito na umupo sa sofa.

Ngumiti si Tita Jini kahit na bakas ang pagod sa mga mata. "We are good. Nakakapag-adjust na kahit paano sa buhay sa States. My Amazon store is doing good. Baliw na baliw sila sa mga Filipino fruit preserves at native bags. Nakaka-adapt na rin ang Kuya Billy mo sa med school. We are okay. We are okay."

Di madali para sa magulang ni Lancelot ang pagkawala nito. Mataas ang pangarap nito para sa binata. May lahing pulitiko ang mga Cahayon. Tumindi ang pressure kay Mark Andrew nang magbulakbol sa pag-aaral ang Kuya Billy nito habang nag-aaral sa Amerika. Di naman pala ito pumapasok sa eskwalahan kundi party dito, gala doon ang ginagawa, sa laking pagkadismaya ng magulang nito.

"Umuwi kami dahil may kailangang asikasuhin sa properties namin sa Tanay. Uuwi rin kami doon mamaya,” sabi ni Tito Arnulfo at ininom ang juice na idinulot dito.

“Ibebenta na ba ninyo ang farm sa Tanay?” tanong ng ina ni Sylvie na humalo na rin sa kwentuhan.

“Hindi naman. Kapatid kong si Tino ang magma-manage. Hindi namin mapakawalan dahil gusto namin na sa farm pa rin manirahan kapag nag-retire kami. Gusto rin namin na may babalikan si Billy kung gusto niyang umuwi sa Pilipinas. Marami pa rin kaming alaala sa lugar na iyon. Doon lumaki ang mga bata,” kwento ni Tito Josh na ma lumbay sa mga mata.

Ilang beses na siyang nakapunta sa ancestral house ng mga Cahayon. Isinama siya ni Mark Andrew para ipakilala sa mga kamag-anak at kababata nito. May masasayang alaala din siya sa lugar na iyon.

"Dumaan kami sa puntod ni Mark Andrew kaninang umaga. Nadadalaw mo ba siya, Sylvie?” tanong ni Tita Jini.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.