Chapter ACWTK2: 46

Tumango agad si Sylvie. "Opo. Lagi po akong dumadalaw sa kanya lalo na kapag may mga bagong nangyayari sa akin.”

“Nang malaman ni Sylvie na buntis ako, dumalaw pa siya kay Mark Andrew bago pumasok sa school. Mahal na mahal pa rin niya ang anak ninyo,” kwento ng ina. “Parang wala pa ring nagbago.”

Naging alanganin lang ang ngiti ni Sylvie. “Nitong huli lang po naging busy ako sa dami ng activities."

"Nakita ko nga na book cover illustrator ka na. I am sure matutuwa ang anak namin kung buhay pa siya,” anang si Tito Josh na may pagmamalaki sa boses.

Ni hindi pa niya nadadalaw si Mark Andrew para sabihin dito. Nakaka-guilty na wala siyang oras dito dahil sa pag-aaral at kay Lancelot nakatuon ang atensyon niya. Nakokonsensiya siya dahil may pagkakataon na ayaw niyang isipin ang dating nobyo dahil nagdadala ito ng lungkot at sakit sa kanya.

Wala siyang ibang nasasabihan tungkol doon. Para sa lahat, perpektong nonyo si Mark Andrew at di ito mawawala sa puso niya. Mahigit isang taon din niyang di inalis sa puso niya ang sakit. Iyon lang ang paraan niya para protektahan ang puso niya. Pero ngayong nakalaya na siya sa sakit, ayaw na niyang bumalik doon.

Huminga ng malalim si Tita Jini. Maluha-luha ito nang tumingala pero parang wala itong nakikita. "Nami-miss namin nang todo si Mark Andrew. Malaking tulong ang presensiya ng mga nagmamahal sa kanya gaya ninyo. Tapos umalis pa kami ng Pilipinas. Nakaka-homesick sa Amerika. Iba pa rin dito sa atin."

Ginagap ng mama ni Sylvie ang kamay ni Tita Jini. "Para naman sa kinabukasan ng anak ninyong si Billy na mabantayan ninyo siya. Nag-aaral na ulit siya. Dati namomoroblema kayo dahil puro pagbubulakbol ang ginagawa niya at wala sa direksyon ang buhay niya."

Kaya doble ang pagsisikap ni Mark Andrew sa pag-aaral dati dahil gusto nitong punan ang pagkukulang ng nakatatandang kapatid. Mabait at masunurin si Billy dati hanggang magkagusto ito sa babae na di gusto ng magulang para dito. Galing kasi sa magulong pamilya. Kaya naman nagrebelde si Billy. Ayon kay Mark Andrew, hindi nito gugustuhing madismaya ang pamilya nito.

"Iyon ang nagsalba sa katinuan ko. Mababaliw ako kung hindi pa nagtino si Billy. Mahirap maging magulang. Mahirap mawalan,” mapait na usal ni Tita Jini at yumakap sa ina niya.

"Miss Sylvie, nandito na si Sir Lancelot,” untag ni Mang Udo.

Tumayo agad si Sylvie at sinalubong ang binata na may dalang dalawang ecobag. Nawala sa isip niya na dadating ito. "Hi! May padala rin na durian si Mama. Sabi ko mangangamoy kaso di ko mapigil. Kumapit na rin yata ang durian sa damit ko,” anang binata at inamoy ang sarili.

Natawa siya at nakiamoy dito. “Di naman masyado. Hayaan mo nang si Mang Udo ang magdala niyan sa kusina. Ipapakilala kita sa bisita namin.”

“Na amoy durian?” nahihindik na wika ni Lancelot. “Hindi mo naman sinabi na may bisita pala kayo.” Pero wala itong nagawa nang hilahin niya ito palapit sa sofa. Hi! Good afternoon po."

"Lancelot, si Tita Jini at Tito Josh. Parents sila ni Mark Andrew. Kauuwi lang nila galing sa States,” pagpapakilala niya sa magulang ni Mark Andrew.

Inalok ng binata ang kamay sa mag-asawa. "Ma'am, Sir, I'm Lancelot Valdrez. Kaklase po ako ni Sylvie. Hindi ko man po nakilala ang anak ninyo pero malaki po ang paghanga ko sa kanya."

"He is Knight, a popular young adult writer,” dugtong naman ng mama ni Sylvie. “Siya rin ang ginawan ng book cover ni Sylvie.”

"Oh! Siya ang nagse-share ng mga articles ng anak ko. Nababasa ko nga pati ang comment ng mga fans niya.” Niyakap ni Tita Jini si Lancelot at tuluyan nang tumulo ang luha nito. “Thank you, hijo. Dahil sa iyo, buhay pa rin ang alaala ng anak namin. P-Pakiramdam ko kasama ko pa rin siya ngayon.”

Tumalikod si Sylvie dahil nagiging emosyonal siya. Ayaw na niyang umiyak. Ayaw na niyang malungkot.

"Si Sylvie po ang totoong naniwala sa mga kay Mark Andrew. Siya po ang nagpapatakbo ng page. Kung wala po siya, di po namin malalaman ang tungkol sa gawa ng anak ninyo at kung ano ang mga kontribusyon niya,” puno ng paghangang sabi ni Lancelot at naramdaman niya ang mga mata nito sa kanya.

"Salamat sa walang sawang pagmamahal kay Mark Andrew kahit na ganoon ang nangyari sa anak namin. Kahit na nasaktan ka niya, Sylvie,” sabi ni Tita Jini.

Nahigit ni Sylvie ang hininga at yumuko. “O-Okay na po ako ngayon, Tita.” Dali-dali niyang pinahid ang luha at nakangiti nang inangat ang mukha. Di na siya mahina ngayon. Di na siya malungkot. “Huwag po ninyo akong alalahanin.

Gumagawa na ulit ako ng artwork. I go out with friends. May bago na rin po akong mga kaibigan.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.