Chapter No Me Ames: 32

Ngumiti siya. “Oo. Sa isang buwan na. Imbitado kayo. Sana makarating kayo.”

Napailing ito at ngumiti ng sarkastiko. “Akala mo ba ay magiging masaya ka sa pagpapakasal sa kanya? Isa iyong malaking pagkakamali dahil mawawala siya sa iyo.”

“Imposibleng mangyari ang sinasabi mo,” tutol niya. Sila ni Siege ang nakatakdang tumapos sa sumpa. Isa itong Melencio kaya hindi ito mapapahamak kung ito ang pakakasalan niya. Kapag naikasal na sila, walang sinumang babae pa sa pamilya nila ang luluha. At hindi mawawala si Siege sa kanya.

Direkta siyang tiningnan ni Ciriaco. Nang mga oras na iyon, tingin niya dito ay isang propetang tagawasak. “Nagsinungaling siya sa iyo, Meredith. Si Siege Matthews ay hindi isang tunay na Melencio.”

NAGPUPUYOS na pumasok si Meredith sa opisina ni Siege. May pinapipirmahang dokumento ang sekretarya nitong si Karl na mabilis ding pinalabas ni Siege nang makita siya. “Sweetheart, kanina pa ako naghihintay sa iyo.”

Akmang yayakapin siya nito nang humakbang siya palayo. “Totoo ba na hindi ka isang tunay na Melencio, Siege? Na gumawa ka lang ng istorya para ikaw ang pakasalan ko?” tanong niya sa matigas na tinig.

Tinakasan ng kulay ang mukha nito. “Saan mo nakuha kwentong iyan?”

Naningkit ang mga mata niya. “Sinabi ni Ciriaco sa akin. Nagtanong-tanong siya sa mga kamag-anak nila at napatunayan niyang hindi ka nila kapamilya. Kinasabwat mo si Mang Ambrosio kapalit pagtulong mo sa problema nila sa lupa. Totoo ba?”

Gawa-gawa lang ang kwento tungkol sa Lola Iluminada nito na pinsan ni Segusmundo. May Lola Iluminada nga ito subalit hindi kaugnay sa isang Melencio. Ang mga larawan kung saan magkasama sa isang family reunion si Mang Ambrosio at Mama nito ay minamipula lang sa computer. Ang mga lumang larawan nila Siege ay inilagay lang doon upang patunay na may ugnayan ang dalawang pamilya.

Nang ipagtapat iyon ni Ciriaco kanina, pakiramdam niya ay bumagsak ang mundo niya. Lahat ng pangarap niya para sa kanila ni Siege ay nasira. Subalit umaasa pa rin siya na si Ciriaco ang nagsisinungaling at hindi si Siege. Na isa pa rin itong tunay na Melencio at walang makakapigil sa kasal nila.

“I-I’m sorry,” anito sa malungkot na tinig.“Pero hayaan mo akong magpaliwanag.”

Iwinaksi niya ang kamay nang tinangka siya nitong hawakan. Isang malaking sampal sa kanya ang paikutin at lokohin ng lalaking mahal. “You lied to me! You tricked me into marrying you. Bakit nagawa mo akong lokohin, Siege?”

“Because I love you! At hindi ako makakapayag na magpakasal ka sa ibang lalaki sa maling dahilan. Matatanggap ko pa kung sinabi mo sa akin na hindi mo ako mahal. Pero ipinagpalit mo lang ako sa isang matandang sumpa. Ginawa ko iyon dahil ayokong pareho tayong magdusa.”

Mariin siyang napapikit at naramdaman ang pamamasa ng mga mata. Nasaktan niya ito. Kasalanan niya ang lahat. Sana ay noon pa niya napigilan ang puso. Dapat ay hindi niya ipinadama dito ang kanyang pagmamahal. Subalit huli na.

“Ipinaliwanag ko na sa iyo. Kailangan ko iyong gawin dahil sa sumpa. Kapag ikaw ang pinakasalan ko sa halip na isang tunay na Melencio, mawawala ka sa akin.”

“Bakit ang ibang babae sa pamilya ninyo, mas pinili ang lalaking mahal nila kaysa sa sumpa?”

“Nakita mo ba ang resulta, Siege? Nawala ang lalaking mahal nila. Lahat sila ay nasaktan. Ayokong mapahamak ka dahil sa akin.”

Hinaklit siya nito sa magkabilang balikat. “Mas pipiliin ko nang mapahamak basta’t kasama kita at pinili mo ako dahil ako ang mahal mo. Na ipinaglaban mo ako sa kabila ng lahat ng panganib na nakaamba sa atin. Na ako ang pakakasalan mo kahit na natatakot ka. Na mas mahal mo ako sa kahit anong sumpa. Pero hindi mo ako ipinaglaban, Meredith. Kung hindi pa ako nagpanggap na isang Melencio, hindi ako ang pipiliin mong pakasalan.”

“Ginawa ko ito para sa iyo. Dahil mahal kita.”

Mapait itong ngumiti. “Mali ka. Mas pinaghari mo ang takot sa isang bagay na maaring isang ilusyon lamang kaysa sa tibok ng puso mo. Pinili mong talunin ng takot ang pagmamahal mo sa akin. Kung hindi ka marunong sumugal sa pag-ibig at sa kaligayan mo, hindi ka talaga sasaya.” Binitiwan siya nito. “Magdesisyon ka kung ano ang pipiliin mo. Ako o ang sumpa. At kapag pinili mo ang sumpa, hindi na ako magpapakita pa sa iyo kahit kailan.”

Parang naparalisa siya nang iwanan siya ni Siege sa silid na iyon. Nayakap lang niya ang sarili habang patuloy sa pagluha. Muli siyang ginapangan ng takot. Mas matindi sa takot tuwing naiisip niya na babawiin ito ng sumpa sa kanya. Dahil sa pagkakataong ito, ito na mismo ang nagdesisyon na aalis ito sa kanyang landas. Ngayon ay naiipit siya dalawang nagbabanggaang bato.

Ano ang dapat niyang pangibabawin? Ang tapang na ipaglaban ang pagmamahalan nila o ang takot sa kapangyarihan ng sumpa.

“MA, HE lied to me,” parang batang nagsusumbong si Meredith habang umiiyak sa kandungan ng kanyang Mama. Nagkukulong siya sa silid nang puntahan siya nito kasama si Corrine upang aluin siya.

Hinintay niyang bumalik si Siege sa opisina nito subalit sinabi ng sekretarya nito na hindi na ito babalik pa. Ipina-cancel nito ang appointment sa buong maghapon. Hindi na rin natuloy ang pagpapasukat niya ng damit pangkasal.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.