Hindi maiwasang ngumiti ni Meredith habang pinagmamasdan ang mga bisita sa hardin, partikular na ang grupo ng mga kaklase niya noong high school. Wala nang matandang dalaga sa mga kaklase niya sa St. Jerome.
Si Arice ay kahawak-kamay ang asawa nitong si Linux. Sino ang mag-aakalang dating mortal na magkaaway ang dalawa? Si Pepper ay nakahilig sa asawang si Chase. Kadarating pa lang ng dalawa mula sa exhibit ng una sa France. Si Cyrene naman ay kabuwanan na. Sweet na sweet ito sa asawang si Rhance. Hindi rin nagpahuli sina Brazile at Keith na halos hindi na maghiwalay ng tingin.
Dati, wala nang pag-asang makasal ang mga ito tulad niya. Akala nila ay habambuhay silang magiging miyembro ng Asosasyon ng Matatandang Dalaga ng St. Jerome. Ngayon ay natakda nang mabuwag ang grupo dahil sa nalalapit niyang kasal.
“Happy?” tanong ni Siege nang samahan siya sa terrace.
“Very,” sabi niya at kinuha ang kopita ng alak mula sa isang kamay nito. “At ginulat mo ako. Paano mo silang napapunta dito nang ganoon kabilis?”
Nagulat siya pagdating nila kanina mula sa biyahe galing sa San Miguel nang naroon na ang lahat ng mga kaibigan, kapamilya at malalapit sa kanila. It was an engagement party. At nalaman din niyang kasunod niyon ang kanilang kasal matapos ang isang buwan. Halos hindi na siya makahinga sa bilis ng pangyayari.
“Ini-organize ito ng mga Mama natin. Nang malaman nilang nagkita tayo sa San Miguel at ako ang napili mong pakasalan, pinaghandaan na nila ang pagbabalik natin.”
Namangha siya nang malaman kung gaano na karami ang nakaayos para sa kasal nila. Mula sa reception hanggang sa entourage ay nakaayos na. Final approval na lang niya ang hinihintay kung sakaling may gusto pa siyang baguhin.
“Nagtatampo sa atin si Brazile dahil hindi natin sila naabisuhan. Nauna pa tayong nagpakasal sa kanila. Nawalan tuloy sila ng maid of honor at bestman. Ipinaliwanag ko na lang na biglaan ang lahat. Naiintindihan daw niya dahil ten years din ang ipinaghintay niya sa okasyong ito,” natatawa niyang kwento.
Matagal nang napupuna ni Brazile ang nararamdaman nila para sa isa’t isa. Subalit tuwing nagtatanong ito ay lagi niyang ikinakaila. Ngayon ay wala na silang dapat pang ilihim. Si Brazile ang una niyang sinabihan na ikakasal na sila ni Siege. At masaya ito para sa kanya.
“Well, I also waited for ten years to do this.”
Mula sa bulsa ay inilabas nito ang singsing na may tampok na diyamante. Hindi niya magawang magsalita nang isuot nito ang singsing sa kanyang daliri.
Niyakap niya ito ng mahigpit at napaiyak. “I also dreamt of this, Siege. A-Akala ko hindi na magiging totoo,” aniya sa pagitan ng hibik.
Hinaplos nito ang kanyang buhok. “Huwag ka nang umiyak, Meredith. Baka akala ng mga bisita pinaiyak kita.”
Kumalas siya dito at hinampas ito sa dibdib. “Talaga namang pinaiyak mo ako. Iyon nga lang, sa kaligayahan mo ako pinaiyak. You made me so happy, Siege. Sana lagi na lang tayong ganito.”
Hinalikan siya nito sa mga mata. “Ipinapangako ko rin na hindi na tayo maghihiwalay pa, Meredith. Hindi na ako aalis sa tabi mo. I love you,” bulong nito.
Pumikit siya at ngumiti. “I love you, too.”
Malaya na nilang nasasabi ngayon ang nararamdaman nila para sa isa’t isa. Wala na siyang pakialam pa sa anumang maaring mangyari bukas. Ang mahalaga sa kanya ay matutupad na ang kanyang pangarap kapiling niya ang lalaking mahal niya.
“SUSUNDUIN na kita diyan. Matatapos na ang breakfast meeting namin.”
“Huwag na,” sagot ni Meredith habang kipit sa balikat ang awditibo ng telepono. “Magkita na lang tayo sa office mamaya.”
Kausap niya si Siege sa kabilang linya. May breakfast meeting ito sa Malacañang kasama pa ang ibang publisher. Gusto nitong sunduin siya sa bahay para sabay na silang pumunta sa designer na para sa wedding gown niya.
“Pero Meredith baka ano ang mangyari sa iyo…”
“Siege,” aniya sa nananaway na tinig. “Nagiging overprotective ka na naman. Bumalik ka na sa breakfast meeting mo at baka mainip na ang Presidente. Wala kang karapatang paghintayin siya.”
Humugot ito ng malalim na hininga tanda ng pagkatalo. “Okay, babalik na ako sa meeting. I love you, future Mrs. Matthews.”
Isang matunog na halik na ang isinagot niya dito bago nagpaalam. Ilang sandali lang na hindi sila magkita, nami-miss na siya nito. She felt the same thing. Pero kapag naikasal na sila, wala nang maari pang maghiwalay sa kanila.
”Ma’am, may naghahanap po sa inyo,” anang kawaksi nilang si Ditas nang makasalubong niya pababa ng hagdan. “Ciriaco Melencio daw po.”
“Kilala ko siya.” Nagmamadali siyang bumaba ng sala at naabutan niya si Ciriaco na tahimik na nakaupo. “Ciriaco, natutuwa ako at napadalaw ka. Kumusta na?”
Hindi maganda ang naging huli nilang pag-uusap. Hindi nito natanggap na si Siege ang pinili niyang pakasalan. Kaya hindi niya alam kung bakit ito dumalaw.
“Nabalitaan ko na ikakasal na kayo ni Siege,” walang emosyon nitong wika.