Chapter No Me Ames: 33

Malinaw na ang lahat. Hindi na matutuloy ang kanilang kasal. Hindi dahil sa hindi ito isang Melencio kundi nagsinungaling ito sa kanya. Ibinigay niya ang tiwala niya dito. Nawalan na ng saysay ang lahat ng iyon.

“Ginawa niya iyon dahil mahal ka niya,” pagtatanggol nito kay Siege. “Naiintindihan ko siya dahil iyon din ang gagawin ko kung ako ang nasa kalagayan niya.”

Nang-aakusa niya itong tiningnan. “Kaya nakipagsabwatan kayo?”

Ipinagtapat nito kanina na ito ang nagbigay ng impormasyon kay Siege kung saan siya matatagpuan. Pati na rin ang ibang detalye tungkol sa sumpa. Maging ang ideya kung paano siya mapapaniwala tulad ng manipulasyon ng larawan at kung anong kwento ang palalabasin ay ito ang nagbigay ng suhestiyon.

Ngumiti lang ito at hindi naapektuhan ng galit niya. “I know what is good for you. At gusto ko ay doon ka sa lalaking mahal mo at mahal ka. Gusto ko na kayong mga anak ko ay mabuhay kasama ang mga taong mahal ninyo. Alam ko na doon lang ninyo makakamit ang tunay na kaligayahan.”

Umiling siya at isinubsob ang mukha sa unan. “Paano akong sasaya kung mawawala rin si Siege sa akin, Mama?”

Hinaplos nito ang kanyang buhok. “Ang dalawang taong nagmamahalan ay hindi dapat matakot sa anumang maaring kahantungan ng pag-iibigan nila. Nang mahalin ko ang Papa mo, hindi ko naisip ang takot na isang araw ay maari siyang bawiin ng Diyos. Alam ko na mahal niya ako at iyon ang mahalaga. Masaya ako sa mga araw na nakasama ko siya.”

“Tama si Mama, Ate,” sang-ayon ni Corrine. “Ganoon din ang nararamdaman ko para kay Emer nang mahalin ko siya. Isang sugal ang pagmamahal. Natatakot pa rin ako na anumang oras ay mawawala siya sa akin pero umaasa ako na babalik siya sa akin. Dapat ay ganoon ka rin kay Kuya Siege. Pakasalan mo siya dahil mahal mo siya.”

“P-Paano ang sumpa?” tanong niya. Isa sa malalaking dahilan si Corrine kung bakit kailangang maputol ang sumpa. Nangako siya ditong ibabalik si Emer. Kailangan niyang pangatawanan iyon.

Ngumiti ito at ginagap ang kanyang kamay. Wala nang kapaitan sa anyo nito. “I’m willing to give him up. Kung kukunin siya sa akin ng Diyos, kailangan kong tanggapin ng maluwag sa loob ko. Baka coincidence lang na nawawala sa mga babae sa pamilya natin ang mga lalaking mahal natin. Pero masaya kami ni Mama na nakasama namin ang lalaking mahal namin kahit sa maikling panahon. Hindi namin dapat sisihin ang isang sumpa. Hindi iyon ang dapat na magdikta ng buhay natin.”

Buong buhay niya, natakot siyang magmahal dahil alam niyang mawawala rin ang taong mahal niya sa kanya. Subalit dumating si Siege at kahit anong pagpipigil ang gawin niya ay nasunod pa rin ang tibok ng kanyang puso. Naghiwalay sila dahil mas pinili niya ang sumpa. Ngayon ay nakatakda itong mawala muli sa kanya. Subalit hindi dahil sa sumpa. Kundi dahil itinaboy niya ito palayo.

Inangat ng kanyang Mama ang mukha niya. “Isipin mo, Meredith. Ngayong alam mo nang hindi siya tunay na Melencio, gusto mo pa bang pakasalan ang sinuman kina Ciriaco at Basilio?”

Umiling siya. “Ayoko na po!” Kahit tutukan pa siya ng baril ay hindi siya magpa-pakasal sa lalaking hindi niya mahal. “Pero hindi na po ako makakabalik kay Siege.”

Baka akala nito ay mas pinili niya na iurong na lang ang kasal nila. Na mas gusto pa rin niyang akuin ang misyon sa pagtapos sa sumpa at ipagpalit ang pag-iibigan nila. Baka kapag nilapitan niya ito ay siya na ang tanggihan nito.

Pinisil ng kanyang Mama ang kanyang kamay. “Hinihintay lang niya ang desisyon mo. Ikaw ang magpapasya sa kapalaran ninyong dalawa.”

Lumingon siya kay Corrine. Animo’y humihingi ng permiso kung dapat nga niyang piliin si Siege. Ngumiti ito at tumango. “Puntahan mo na siya. Huwag mo na akong isipin. Mas gusto kong kong makita kang masaya sa piling ng taong mahal mo. Kaysa makita kang nagdurusa at malaman natin na isa palang kalokohan ang sumpa.”

Niyakap niya ito. “Salamat, Corrine,” naluluha niyang sabi.

“Ako ang dapat magpasalamat dahil naging mabuti kang ate sa akin. Sorry din dahil muntik na kitang ipahamak.”

“Bumaba ka na, Meredith,” anang kanyang Mama. “Nasa baba si Siege. Kailangan na ninyong mag-usap.”

MARAHANG nilapitan ni Meredith si Siege. Nakatalikod ito sa kanya habang nakatingin sa kawalan. Kahit hindi niya nakikita ang mukha niya ay alam niyang malungkot ito. Nasasaktan ito at siya ang may kasalanan.

“Siege,” untag niya dito. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin. Kung saan magsisimula. Marami siyang nabitiwan na masasakit na salita at hindi niya alam kung paano aalisin ang sakit na idinulot niya dito.

Nang humarap ito sa kanya ay malungkot itong ngumiti. Parang gusto siyang lapitan at yakapin subalit nanatili sa kinatatayuan. Ipinamulsa nito ang mga kamay sa slacks. “Nagpunta ako dito para tapusin ang problema natin. Marami akong gustong sabihin sa iyo.”

“A-Ako rin,” sabi niya. “Siege, I…”

Umiling ito. “You don’t have to say anything. Gusto kong malaman mo na hindi na kita pipigilan sa anumang desisyon mo. I’m giving you up.”

“What?” aniyang parang nabingi sa huli nitong sinabi.

Bumuntong hininga ito at yumuko. “I’m setting you free, Meredith. Anuman ang gusto mong gawin, gawin mo. Kung ayaw mong ituloy ang kasal natin at gusto mong magpakasal sa iba, go ahead. Hindi ako magagalit. Desisyon mo iyon at dapat kong igalang.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.