“Why are you doing this? Hindi mo ba ako ipaglalaban katulad ng ginawa mo noon?” tanong niya na may halong hinanakit. Nangako ito sa kanya na hindi siya pakakawalan. Na hindi siya isusuko. Subalit ngayon ay para itong isang talunan.
“Naipaglaban na kita noon. Sinuway ko ang lahat ng gusto mo. Nagsinungaling ako. Nilinlang kita. Sinira ko ang sarili kong prinsipyo para mabawi ka. At hindi ko na gagawin pa iyon dahil baka tuluyan nang mawala ang respeto mo sa akin. I’m giving you up because I love you.”
Nakagat niya ang labi. “Kung nagdesisyon akong magpakasal sa iba, ano ang gagawin mo?”
Bumagsak ang balikat nito. “I’ll leave you alone. Aalis siguro ako at lalayo. Kailangan kong tanggapin na wala ka na sa akin,” malungkot nitong wika.
Parang may bikig siya sa lalamunan dahil sa pinipigil niyang luha. Itinaboy niya ito palayo. Ngayon ay tuluyan na itong mawawala sa kanya. Dahil sa kanyang karuwagan. Dahil hindi niya ito ipinaglaban. Kapag nawala ito nang tuluyan sa kanya, hindi na siya sasaya kahit kailan.
“H-Hindi mo ba ako tatanungin kung ikaw ang pinili ko?”
“Para mabigo ulit? Alam ko na ang sagot mo. Kaya hindi ko na kailangan pang ipilit ang sarili ko sa iyo. Nagawa ko na ang lahat para mabawi ka pero hindi ko hawak ang buhay mo. Sana maging masaya ka sa desisyon mo. Aalis na ako.”
“Aalis ka pa rin ba kung sasabihin ko sa iyo na tuloy pa rin ang kasal natin?”
Puno ito ng kalituhang tumingin sa kanya. “Magpapakasal ka pa rin sa akin?” hindi makapaniwalang sabi nito. Bakas sa mukha ang kaligayahan.
Nang tumango siya ay siniil siya nito ng halik. Higit na puno ng emosyon ang halik nito kaysa sa ibang halik na pinagsaluhan nila. Subalit natitiyak niyang puno iyon ng pagmamahal. Mahigpit din siyang yakap ng mga bisig nito. Parang ayaw na siyang pakawalan pa.
“Is it real this time?” tanong nito matapos ang mahabang katahimikan nang maghiwalay ang mga labi nila.
“I’m marrying you, but this time without any conditions attached. Basta’t ikaw ang Siege na minahal ko, ikaw ang pipiliin ko.”
“Paano ang sumpa? Hindi ka ba natatakot sa maaring kahinatnan niyon?”
Sinalubong niya ang mga mata nito. “Wala na akong pakialam. I’m taking a risk now. The same risk when I loved you. Hindi na ako natatakot sa maaring kahinatnan ng pagpili ko sa iyo. Wala nang sumpa na pwedeng magdikta sa akin. Puso ko lang ang susundin ko.”
“At muntik na akong sumuko. Akala ko mas pipiliin mo pang magpakasal kina Ciriaco o kay Basilio kaysa sa akin.”
Humilig siya sa dibdib nito. “Talaga bang susukuan mo na ako?”
Natakot siya kanina sabihin nitong iiwan na siya. Mas matindi iyong takot kaysa tuwing maiisip niyang mawawala ito dahil sa sumpa. Dahil alam niyang kung hindi pa siya gagawa ng paraan para pigilan ito, mamatay ang puso niya nang mismong sandaling iyon.
“Almost. Pero kaninang papunta ako dito, I’m at the verge of kidnapping you. Para hindi ka na magpakasal sa iba.”
“You don’t have to kidnap me. Sasama ako sa iyo. Wala namang maghahanap sa akin dahil tiyak na kakasabwatin mo na naman ang Mama ko.”
Natawa ito. “Alam mo na pala ang totoo. Pero iniisip lang niya ang kaligayahan mo. Botong-boto siya sa akin.”
“Sinabi niya sa akin na kapag nagmahal ang isang tao, dapat na maging matapang siya. Hindi ako dapat matakot sa isang bagay na walang katiyakan. Mas natatakot ako kung mawawala ka sa akin. Walang mahalaga kundi ikaw.”
“Paano si Corrine? Hindi ba mahalaga din sa kanya si Emer?”
“Tanggap na niya ang lahat ng maaring mangyari kay Emer. Kaysa naman ako ang ibingit niya sa alanganin. Medyo desperada lang siya kaya pati siya na-impluwensiyahan ng sumpa. Hindi daw siya magiging masaya kapag nalaman niyang hindi totoo ang sumpa at nakikita niya akong nagdurusa sa piling ng iba.”
Hinaplos ng daliri nito ang pisngi niya. “Galit ka pa ba sa pagsisinungaling ko?”
“Hindi na. Naiintindihan ko rin na mahal mo ako kaya napilitan kang magsinungaling. Naduwag ako at naging mahina. Mapapatawad mo ba ako?”
“Oo ba. Basta tuloy ang kasal natin. At mamahalin mo ako habambuhay. And this time, wala nang urungan.”
“Wala na. Promise,” paniniyak niya. Dahil siya mismo ay hindi na makakapayag pa kapag hindi natuloy ang kasal nila sa pagkakataong ito.
“Pumasok na tayo sa loob. Ipaalam na natin sa Mama mo na okay na tayo.”
Papasok sa loob ay nakasalubong nila si Corrine na humahangos palabas. “Saan ka pupunta?” tanong niya.
“Nagising na si Emer. Pupuntahan ko na siya sa ospital.”
“Susunod kami,” sabi ni Siege. “Kakausapin lang namin ang Mama mo.”
Ginagap nito ang kamay ni Siege. “Make my sister happy.”
“I will,” usal ni Siege.
“I guess the curse is not real after all,” sabi niya. “Hindi totoong lahat ng babae sa amin ay bigo. I have you now.”
Ngayon ay naiintindihan na niya kung bakit hindi nalungkot ang kanyang Mama o si Corrine nang nagmahal ang mga ito. Kung bakit hindi natakot ang mga ito sa mga posibleng hadlang na harapin kapag nagmahal. Dahil masarap ang pakiramdam kapag nagmamahal nang walang takot.
“Siyanga pala, tumawag si Mang Ambrosio kanina. Nagso-sorry siya sa panggugulo ni Ciriaco. At imbitado rin tayo sa kasal niya next year.”
Kumunot ang noo niya. “Kanino naman siya ikakasal?”
“Would you believe na sa Tita Constanza niya sila ikakasal? Ex-girlfriend niya ang Tita mo. Pero nagkahiwalay sila. Ngayon okay na sila.”
Saka niya naalala na nabanggit ng tiya niya na dapat ay may naunang tatapos ng sumpa subalit hindi nagtagumpay. Kaya pala halos aso at pusa kung magbangayan ang dalawa. Mukhang wala nang tatandang dalaga sa pamilya nila.
“Mukhang hindi talaga ako ang tatapos sa sumpa. Medyo late lang ang misyon nila pero mukhang matutuloy na.” Natigilan siya. “Bakit hindi mo sinabi sa akin kanina ang tungkol dito? Sana hindi na tayo nagpahirapan.”
“Dahil gusto kong ako ang piliin mo at patunayan mong mahal mo ako.”
Iniyakap niya ang kamay sa leeg nito. “Napatunayan ko na ang pagmamahal ko sa iyo, Siege Matthews. Dapat lang siguro na patunayan mong mahal mo ako.”
“I love you. Wala nang maghihiwalay pa sa atin ngayon,” bulong nito bago inangkin ang labi niya.