Chapter Pepper’s Chase: 1

Pepper and Chase are worst nemesis. Noong siyam na taon si Pepper ay kinagat niya ang kamay ni Chase at nag-iwan siya ng marka doon. Bilang ganti, kinasabwat naman ni Chase ang isang manghuhula para sabihing tatandang-dalaga siya. Hindi nawala ang resentment nila sa isa’t isa hanggang sa paglaki.

Hanggang magising na lang siya isang umaga na ito ang nasa tabi niya. Both of them were naked and he was claiming that they shared a passionate night together.

Ngiting-ngiti si Pepper habang nakaupo sa stage. Siya ang nanalo sa Prinsesito at Prinsesita ng bayan ng Geronimo. Isa itong pageant para sa mga batang babae at lalaki sa kanilang bayan na nasa elementary. At ang gabing iyon ang coronation night.

Pakiramdam niya ay isa siyang artista dahil kaninang pumarada ang kanilang karosa ay kinawayan siya ng mga tao. Animo’y isa siyang prinsesa sa suot niyang fuschia pink na gown at korona.

Iyon ang kanyang pangarap mula noong magkaisip siya. Pinilit pa nga niya ang nanay niya na isali siya sa Little Miss Philippines pero hindi siya pumasa sa audition. Masyado daw siyang mahiyain. Nang nakakaya na niyang humarap sa tao ay hindi na siya pwedeng sumali dahil overage na siya.

Kaya nang ilunsad ang naturang pageant ay nagpunyagi ang nanay niya para makabenta ng maraming balota. Iyon ang sistema ng labanan. Kung sino ang maraming balota, siya ang mananalong prinsesito o prinsesita. Sa wakas ay natupad rin ang pangarap niya na maging prinsesa kahit isang gabi lang.

Ikinuyakoy niya ang paa at kumaway sa mga magulang at kuya na nasa baba ng stage. Walang sawa sa pagkuha ng litrato ang tatay niyang Mang Damian. Proud na proud ito dahil siya ang nag-iisa nitong anak na babae.

“Kakaway-kaway pa. Akala mo naman sikat,” pasaring ng katabi niyang si Chase. Ito ang nanalong prinsesito at sa kasamaang-palad ay naka-partner niya nang gabing iyon.

Matanda ito ng tatlong taon sa kanya. Noong isang taon lang ito lumipat sa kanilang lugar at akala mo ay kung sinong makaasta. Nasa grade six na ito at kaedad ng Kuya Leonard niya. Subalit isang araw pa lang ito sa kanilang lugar ay inagaw na nito ang crush ng kuya niya na si Almira at naging girlfriend.

Malaki naman ang galit nito sa kanya dahil nagawa niyang kaibiganin ang bunso nitong kapatid na si Diane. Parang aso’t pusa ang dalawa. At kadalasan ay napapaiyak nito si Diane. Laging pinagdadamutan at iniinis.

Unang modus-operandi nila ni Diane ay nang butasan ng pako ang gulong ng bike nito. Hindi ito nakalaban sa bike competition sa kanilang lugar. Na ikinapanalo ng kanyang Kuya Leonard. Pampalubag-loob sa pang-aagaw nito sa crush ng kuya niya.

Kaya kapag nagkikita sila, inaasar siya nito basta may pagkakataon. Mabuti na lang at nasa grade six na ito kaya hindi na sila magkikita sa isang taon.

Umingos siya at ipinagpatuloy ang pagkaway. “Naiinggit ka lang sa akin.”

“Bakit naman ako maiinggit sa iyo samantalang sa ating dalawa, ako ang hamak na mas sikat. Maraming babae ang tumitili sa akin. Kaya nga ako nanalo dahil halos magkandarapa sila sa pagbili ng balota ko. Di tulad ng pangit na katulad mo. Tila kayo-kayo lang ang nagsibili.”

“Mayaman kasi kami kaya hindi na namin kailangan pang makiusap sa iba. May mayaman pa akong ninang na nasa States,” pagmamalaki niya. Bukod sa may kaya rin sila dahil ang pamilya niya ang nagmamay-ari ng nag-iisang hardware sa bayan. “Hindi katulad mo na parang pulubi na namamalimos sa daan. Nagmamakaawa ka pa sa mga taong dumadaan para lang mabili ang balota mo. Nakuha pala sa pagmamakaawa ang pagkakapanalo mo. Nakakahiya naman!”

“Hindi totoo iyan!” nanlalaki ang mga matang tanggi nito. “Sino ang nagsabi sa iyo niyan? Ang kuya mong inggitero, no?”

Umiling siya. “Huwag mong pagbintangan ang kuya ko dahil hindi naman siya ang nagsabi. Si Diane po!”

Sinulyapan nito ng matalim si Diane. Nagbababalang humanda mamaya sa pag-uwi ng mga ito. Paniyak na magbababag na naman ang dalawa.

“Pagbuhulin ko pa kayong dalawa,” inis na sabi nito.

“Subukan mo lang,” hamon niya.

Sa halip na patulan siya ay nakasimangot itong humalukipkip. One point na siya. Subalit tiyak niyang may tumatakbo sa isip nito para makaganti. Hindi ito papayag na manahimik at magpatalo. Mahaba pa ang gabi. Marami pang maaring mangyari.

Hindi siya magpapatalo. Sa murang edad ay natuto siyang protektahan ang sarili. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay nasa paligid ang tatay o ang mga kuya niya para ipagtanggol siya. Dapat ay matuto siyang humarap sa sarili niyang mga laban.

Nasa kalagitnaan ng pagsasalita ang mayor ng Geronimo nang bumuhos ang malakas na ulan. Gymnasium-type ang plaza kaya hindi sila nabasa ng ulan.

Pumalatak si Chase. “Kapag minamalas ka nga naman. Maganda dapat ang panahon. Pero dahil sa isang bata dito, bumuhos na lang basta ang ulan. Mahirap talaga kapag may kasama kang malas,” pasaring nito.

“Ako ba ang malas na tinutukoy mo?”

“Ikaw nga. Sino pa ba?”

Sinabi na nga ba niya’t naghahanap lang ito ng tiyempo para inisin siya. Pati ang ulan sa kanya pa isinisi. Talagang naghahanap ito ng away.

“Sa ating dalawa, ikaw ang malas dito. Kaya umulan nang malakas ay dahil may balat ka sa puwet.” Tinakpan niya ang bibig ng palad at humagikgik.

Bahagya siyang binangga ng siko nito. “Wala akong balat. Ikaw, kitang-kita ang ebidensiya ng kamasalan mo. Kulot ka kasi.” Hinawakan nito ang ilang hibla ng buhok niya at hinila-hila. “Kulot! Kulot! Kulot salot! Kulot salot!”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.