Chapter Pepper’s Chase: 2

Nagpanting ang tainga niya. Kung may isang bagay siyang ikinapipikon, iyon ay ang panunukso sa kanya ng kulot. Lahat ng manukso sa kanya ng kulot-salot ay nakakatikim ng leksiyon.

“Galawin mo na ang lahat huwag lang ang buhok ko!”

Sa isang iglap ay hawak na niya ang kamay nito palayo sa kanyang buhok. Hindi siya nakapagtimpi at kinagat ang kamay nito. Naglaho sa isip niya kung nasaan sila at kung sino ang maaring makakita sa kanila.

Mariin niyang ibinaon ang ngipin sa balat nito. Iyon lang ang tanging paraan para mawala ang galit niya. Umalingawngaw sa buong plaza ang sigaw nito.

“Arrraaaayyyyy!”

“NAKAKAHIYA ang ginawa mo kagabi, Pepper. Para kang isang asong may sira sa ulo at basta na lang kinagat si Chase. Hindi ka na nag-isip. Doon pa sa mismong pagsasalita ni Mayor ka nagwala. Ano na lang ang iisipin ng mga taong-bayan? Na hindi kita tinuruan ng kagandahang-asal!”

Napapangiwi si Pepper sa sermon ng inang si Aling Elsa. Sermon na agad ang ipina-agahan nito sa kanya. Kagabi ay nakalusot siya dahil natulog agad siya. Ngayon ay wala siyang takas. Kailangan niyang harapin ang mala-armalite na bunganga nito.

Nagkagulo ang buong plaza nang magsisigaw si Chase. Lalo pa niyang nadiinan ang pagkakakagat sa kamay nito sa inis niya dahil daig pa nito ang kinakatay na baka sa pagngawa. Mabilis na umaksiyon ang mga bodyguard ng mayor at pati na rin ang kapulisan. Akala yata ay may assassination attempt sa mayor.

Mas malaking kahihiyan ay nang malamang nag-aaway lang silang dalawa ni Chase. Nahimasmasan lang siya nang hatakin siya ng nanay niya at ilayo dito. Ayon sa Kuya Leonard niya ay mabilis itong isinugod sa ospital. Hindi natuloy ang coronation.

Kasalanan ni Chase ang lahat. Napurnada ang magandang gabi dahil sa kaartehan nito. Parang kinagat lang, kailangan pang dalhin sa ospital. Ayaw lang nitong matuloy ang pagtanggap niya ng korona bilang Prinsesita.

“Ngayon, magsalita ka Pepper Lee Montinola! Sabihin mo sa akin kung anong mukha ang ihaharap ko sa mga taong-bayan.”

Mula sa pagkakayuko ay pinagmasdan niya ang namumula sa galit nitong mukha. “Nay, ano pa po bang mukha ang gusto ninyong iharap sa kanila? Saka wala naman po kayong dapat na ikahiya sa ginawa ko. Ipinaglaban ko lang karapatan ko bilang tao. Hindi po ba ang sabi ni Tatay, kapag may katwiran…”

“Ipaglaban mo!” Naki-duet na dugtong ng kuya at tatay niya.

Pumalakpak ang Kuya Leonard niya, ang nag-iisang kakampi niya. Ito ang nag-iisa niyang kapatid kaya malapit sila sa isa’t isa.

“Tama lang ang ginawa mo, Pep!” cheer nito. “Tama lang iyon sa mayabang na tulad niya. Sa wakas ay naiganti mo rin ako. I’m proud of you!”

“Magtigil ka, Leonardo!” galit na sabi ni Aling Elsa. “Mali na nga ang kapatid mo ay kinukunsinti mo pa. Kaya lumalaking mas mahaba pa ang sungay at buntot kaysa sa iyo dahil sa kagagawan ninyong mag-ama.”

“Mahal, bakit pati ako’y nadamay diyan?” tanong ni Mang Damian na hindi pinapansin ang panenermon ng nanay niya at patuloy sa pagkain.

Kahit tutol ito sa mali niyang ginawa ay ayaw nitong maririnig ang panenermon ng nanay niya sa kanya. Kahit paano ay parang kakampi na rin niya ito dahil hindi ito sumesegunda sa sermon. Tahimik lang ito.

“Ikaw ang numero-unong nangungunsinti sa anak mo. May nalalaman pa kayong kapag may katwiran ipaglaban mo. Kaya kahit wala sa katwiran ang mga anak mo, sige pa rin nang sige. Nadadawit tuloy sa gulo. Lalo na itong bunso mo. Kababaeng tao daig pa ang siga.”

“’Nay, hindi ko naman po kasalanan ang nangyari kagabi,” aniya nang hindi makatiis. “Si Chase po ang nanguna. Tinuruan ko lang po siya ng leksiyon.”

Namaywang si Aling Elsa. “Aber, ano ang ginawa niya at sinasabi mong makatarungan ang pangangagat mo sa kanya?”

Suminghot siya kahit hindi pa nagsisimulang mamuo ang luha sa kanyang mga mata. “K-Kasi po, ‘Nay, sinabihan po ako ni Chase ng kulot.”

Hinimas nito ang likod niya na parang naawa. Naiintindihan siya nito dahil hindi ito ang unang pagkakataon na may nanukso sa kanya ng kulot. “Anak, talaga namang kulot ka. Ano ang ikakagalit mo doon?”

“Oo nga naman,” sang-ayon ni Mang Damian. “Dapat mong ikarangal na isa kang kulot. Ang mga ninuno natin ay mga kulot. Pero mga dakila silang tao. Saka iyong ibang tao nagpapakulot para lang magkaroon ng buhok katulad natin. Samantalang ikaw ay hindi na. Baka naman naiinggit lang si Chase dahil hindi siya kulot.”

“’Tay, alam ko po na dapat kong ikarangal ang pagiging kulot. Pero nagalit po ako dahil sinabihan niya akong kulot-salot. Kamalasan ko daw po ang dahilan kaya umulan. Kaya po sa inis ko, kinagat ko siya.”

“Salot? Tinawag ka niyang salot?” nanlalaki ang butas ng ilong na tanong nito.

Lihim siyang napangiti. Mas mahinahon ang tatay niya kumpara sa high blood niyang nanay. Pero kapag sinabing kulot-salot, naghihimutok din ito.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.