“Opo, ‘Tay. Kung sinabi niyang kulot-salot, ibig sabihin idinamay niya ang lahat ng mga kulot. Hindi lang ako. Pati kayo parang sinabihan rin niya ng salot. At dahil pamilya tayo ng kulot, parang sinabi na rin niya na pamilya tayo ng salot.”
Napatayo si Mang Damian at galit na hinampas ang mesa. “Sinabi niya iyon? Aba’t dapat malaman ng batang iyon na wala siyang karapatan na…”
“Isa ka pa, Damian!” saway ni Aling Elsa. “Umupo ka diyan at huwag mong hampas-hampasin ang mesa. Matanda ka na pero sumasali ka pa sa away ng mga bata. Mahiya ka naman sa balat mo. Maya-maya, pupunta tayo sa kabila para mag-sorry kay Chase. Hinihintay ko lang ang bibingka na ide-deliver sa atin para sa maidala sa kina Kumareng Julia. Kaya maging mabait kayo.”
“’Nay, kailangan pa ba ng peace offering?” angal niya.
“Oo. Nang matuto ka ring makipagkapwa-tao.” Tumigil ito saglit nang marinig ang tunog ng doorbell. “Teka, may tao yata. Titingnan ko lang kung sino pero babalikan ko kayo. Kaya huwag pa kayong magsaya diyan.”
Nang makitang nasa labas na ito ay walang ingay siyang sumunod upang makita kung sino ang dumating. Nagtago siya sa gilid ng pinto.
Nanlaki ang mga mata niya nang makita si Aling Julia, ang nanay nina Chase at Diane. Galit na galit ito. Sa likod ay kasunod nito sina Chase at Diane.
“O, Mareng Julia, ikaw pala,” sabi ng nanay niya. “Maaga yata kayong napadalaw. Papunta na rin sana kami sa inyo. Pasok kayo.”
Mula sa kusina ay nakita niyang sumilip si Mang Damian at Kuya Leonard niya. Sinenyasan niyang lumapit ang mga ito at maki-usyoso na rin.
Namaywang si Aling Julia at di natinag sa kinatatayuan. “Nasaan ang magaling mong anak?”
“Nasa loob at nag-aagahan. Sumalo muna kayo sa amin.”
“Ayoko nang magpaliguy-ligoy pa,” mataray na sabi ni Aling Julia. Ibinuka nito ang abaniko at parang señorang nagpaypay. “Ano ang ipinagkakalat ng anak mo na ang anak ko raw na si Chase ay parang pulubing nagmamakaawa sa mga tao para lang mabili ang balota niya.”
Gulat na naitakip ni Aling Elsa ang palad sa bibig. “Ganoon ba, Mare? Hindi ko kasi alam na may ganoong balitang kumakalat. Wala kasing naiku-kwento sa akin ang anak ko. Pero totoo bang nagmamakaawa si Chase sa mga tao?”
Namula sa galit si Aling Julia. “Hindi! Malaki ang sweldo ng asawa ko sa South Africa, Mare. Nagtatrabaho siya sa minahan ng diyamante kaya hindi kailangang magmakaawa ng anak ko. Mapera kami. Isa pa, sa guwapo nitong anak ko, mga kaklase na mismo niyang babae ang nagkukusang bumili at magbenta ng balota para sa kanya. Baka sila ang nagmamakaawa sa mga tao at hindi ang anak ko.”
“Ginayuma niya ang mga kaklase kong babae para tulungan siya,” sintir ng Kuya Leonard niya. “Lalo na ang pinakamamahal kong si Almira. Ipinagpalit niya ako sa kumag na iyan.”
“Shhhh!” sabay nilang saway ni Mang Damian dito.
Oras na malaman ng nanay niyang naroon sila at nakikinig nang walang permiso, malilintikan sila. Baka di lang sermon ang abutin nila. Maaring paluhurin rin sila sa asin. Ayaw niyang maging daing ang mga tuhod niya.
Hinawakan ni Aling Elsa ang kamay ni Aling Julia bilang suporta. “Alam ko naman na hindi kailangang magmakaawa ni Chase sa mga tao. Mayaman tayo. Kaya nga naging magkapit-bahay tayo dahil pareho tayong mayaman.”
“Hindi lang naman iyan ang ipinunta ko, Mare.” Hinila ni Aling Julia si Chase na may benda sa kamay. “Tingnan mo ang kaawa-awa kong anak. Alam mo bang nilagnat siya kagabi dahil sa kagagawan ng bunso mo,” mangiyak-ngiyak na sabi nito. “Takot na takot ako dahil akala ko mawawala na sa akin ang panganay ko.”
Hindi siya nakatiis at lumabas sa pinagtataguan. Walang nagawa ang kuya at tatay niya para pigilan siya. Hindi siya papayag na lumabas na masama sa paningin ng lahat. Kailangang ipagtanggol niya ang sarili.
“Bakit po kung mag-alala kayo sa anak ninyo, daig pa niya ang nakagat ng aso?” hindi niya mapigil na sabat. “Wala naman po akong rabies.”
“Sabi ng Science teacher ko, isandaang beses na mas makamandag ang rabies ng tao kaysa sa hayop,” sagot ni Chase. “Kaya hindi na ako magtataka kung may malala na akong sakit ngayon. Mas matindi kasi ang kamandag mo sa karaniwang tao. Para kang piranha. Sagad sa buto kung mangagat.”
“Kasalanan mo iyan dahil tinawag mo akong kulot-salot.”
Kung naging mabait lang ito sa kanya ay hindi niya ito kakagatin. Kung nag-iisip ito, dapat alam nito ang maari nitong sapitin sa pagkalaban sa kanya.
“Totoo bang tinawag mo siyang kulot-salot, anak?” tanong ni Aling Julia sa nagbabantang tinig.
Napayuko si Chase. “Iniinis po kasi niya ako.”
“Di ba sinabi ko nang magpasensiya ka sa bata. Huwag kang mapang-inis. Nagbibinata ka na pero wala ka pa ring pinagkatandaan. Mag-sorry ka kay Pepper.”
Ilang sandaling nagsalubong ang tingin nila. Matapang niyang sinalubong ang mga mata nito. Mukhang wala itong balak na mag-sorry. Wala iyong problema sa kanya.
Sa gulat niya ay inabot nito ang walang bendang kamay. “Sorry,” walang buhay na sabi nito. Di bukal sa loob nito dahil parang lumabas sa ilong.
Tinapik siya ni Aling Elsa. “Ikaw, Pepper. Mag-sorry ka rin.”
Masama man ang loob ay tinanggap niya ang pakikipagkamay nito. “Sorry din,” matabang niyang sabi. Kung ayaw nitong makipagbati sa kanya, mas lalo siya.
Muling nagsalubong ang kanilang mga tingin. Pinisil nito ang kamay niya. Isa iyong hamon. Isang senyales na hindi pa tapos ang laban. Nagsisimula pa lang sila.