Kinakabahan si Pepper habang nakatayo sa gilid ng gymnasium. Anumang oras ay ia-announce na ang nanalo sa poster-making contest. Ito ang kauna-unahang pagkakataong sumali siya sa isang art contest sa naturang paaralan. Noong elementary ay siya ang laging nananalo.
Subalit iba ang high school. First year pa lang siya. Marami pa siyang kakaining bigas bago niya matalo ang mga datihan nang sumasali sa kompetisyon.
Napapitlag siya nang may tumapik sa kanya. “Hoy, anong ginagawa mo?” tanong ni Diane. “Nagdadasal ka ba?”
“N-Nagre-relax. Kinakabahan kasi ako. Baka hindi mapasok ang entry ko.”
“You are good,” sabi ni Perry na malapit sa kanila ni Diane.
Ito ang childhood sweetheart at crush niya. Matalino ito at mabait. Hindi katulad ng ibang mga lalaking kakilala nila na mapang-asar. Mahiyain lang ito. Kaya kahit nagpaparamdam na siyang gusto niya ito, mukhang hindi nito pinapansin. Pero sabi ni Diane ay crush din siya nito. Nahihiya lang aminin.
“You worked hard for it,” sabi ni Diane.
“Saka wala ka bang tiwala sa talent mo?” sabi ni Perry. “Ikaw ang inaasahan ng klase natin. Entry mo lang ang nakuha sa atin at ilalaban sa higher year. Hindi ba, achievement na iyong maituturing?”
Nagkaroon siya ng pag-asa. Basta ito ang nagsabi ay naniniwala siya. “Sa tingin mo malaki ang tsansa ko na manalo?”
“Wala. Wala kang kapag-a-pag-asang manalo,” anang isang mapangutyang tinig sa likuran niya.
Napapikit siya nang mariin bago dahan-dahang hinarap ang bagong dating. Naroon si Chase kasama ang mga tapat nitong alipores. Nakangiti ito sa kanya. Isang ngiting nangangakong sisirain nito ang araw niya.
Kahit matindi ang inis dito ay hindi niya maikakailang malakas ang karisma nito. Habulin ito ng babae. Mula first year hanggang fourth year. Minsan ay may mga babae pang dumadayo mula sa ibang mga eskuwelahan para lang masilayan ito.
Iyon nga lang, mas nangingibabaw ang inis niya dito kaysa atraksiyon. Wala na itong ginawa tuwing magkikita sila kundi inisin siya.
“Ano naman ang alam mo sa magandang poster at sa pangit?” tanong niya. “Magaling ka lang namang mambabae.”
Umani iyon ng halakhak mula kay Diane. Ito lang ang kakampi niya sa lahat ng oras. Si Perry ay hindi nakikisali sa kalokohan niya. Masyado itong mabait.
Bahagyang natameme si Chase. Maging ang mga alipores nito ay hindi rin magawang dumepensa. Maya-maya ay ngumiti ulit ito. “Hindi lang ako sa babae magaling. Magaling rin akong kumilatis ng talent nila. Katulad ng gawa ni Vesta. May class ang gawa niya kumpara sa gawa mo. Walang kalatuy-latoy. Katulad mo.” Hinawakan nito ang beads na nakapalawit kasama sa kanyang buhok. “Saan mo ba napulot ang basurang ito? Mukha ka tuloy Christmas tree na naglalakad.”
“Mas mukhang junk shop, boss!” segunda ng isa mga alipores nito kasunod ang maugong na tawanan mula sa kampo nito.
Nakuyom niya ang palad. Kailangan niyang magtimpi. Kung hindi ay di siya makakapag-isip ng maipanlalaban dito.
“Kuya, fashion ang tawag sa ayos ni Pepper,” depensa ni Diane. “At tungkol naman sa ng girlfriend mo, wala iyong binatbat sa gawa ni Pepper. Hindi mo ba nakikita ang emotions sa gawa niya? Ang symbolism?”
Kumunot ang noo ni Chase kasabay ng pagkamatay ng tawanan ng mga kasama nito. “A-Anong emotions? Anong symbolism?” naguguluhang tanong nito. “Kailangan pa ba iyon sa poster-making?”
“Oo naman!” sabi ni Perry. “Importante ang…”
Hinila sila ni Diane palayo. “Tama na ang pagpapaliwanag, Perry. Wala rin namang papasok sa utak ng mga iyan dahil wala silang alam sa art. Hindi rin nila maiintindihan. Sayang lang ang effort mo.”
“Salamat sa pagtatanggol mo sa akin, Diane,” aniya. “Kung hindi mo ako sinagip baka ano pa ang magawa ko sa mga iyon.”
“Namumuro na rin sa akin iyang si Kuya,” sabi ni Diane. “Iyon lang ang pagkakataon para makaganti sa kanya.”
Mas kampante na siya hanggang dumating ang awarding. Abot-abot ang dasal niya na sana ay manalo siya. Kahit anong place. Maipakita lang niya kay Chase at sa mga gunggong nitong kasama na may talent siya.
“Our second place is from the fourth year level. Vesta Ramirez!”
Awtomatiko siyang ngumiti nang nakasimangot na bumaba ng stage ang girlfriend ni Chase. Umaasa itong makukuha ang first place. Matalo man siya ngayon, at least naipakita niya kay Chase na may mas magaling pa sa girlfriend nito.
Subalit pagtatawanan pa rin siya nito oras na matalo siya. Kaya kailangan pa rin niyang magdasal. Baka sakaling magkaroon ng himala at manalo siya. Kailangan din niyang magtiwala sa sarili niya. Kailangan!
“And our first place for the poster-making contest is from the first year level. Pepper Lee Montinola!” sigaw ng emcee.
Niyugyog siya ni Diane. “Nanalo ka, Pep! Nanalo ka!”
Itinulak siya nito paakyat sa stage upang tanggapin ang certificate at cash prize. Kakaiba ang pakiramdam kaysa noong dati siyang nanalo. Hindi lang ito isang simpleng poster-making competition. Nanalo rin siya laban kay Chase.
Niyakap siya ni Diane. “Ang galing mo!”
“Sinabi ko naman sa iyo, hindi ba?” sabi ni Perry nang kamayan siya. “Kailangan mo lang ng tiwala sa sarili at sa gawa mo. At dasal din siyempre.”
“Salamat, Perry. Kung hindi mo pinalakas ang loob ko, hindi ko magagawang pagtiwalaan ang sarili ko.”
“Uuuyyy!” tudyo ni Diane. “Iba na yata iyan.”