Nagbitiw sila ng kamay ni Perry. Agad itong yumuko. Alam niyang namumula ito. Nagtawanan rin sila pagkatapos. “Ibabalita ko ito sa nanay at tatay ko.”
“Baka naibalita na ito ng kuya mo,” sabi ni Diane. “Ibinilin ni Tita Elsa sa kanya kaninang hinihintay kita, itawag daw ang resulta ng contest.”
“Ililibre ko kayo. Halika na!” sabi niya habang hila-hila ang dalawa palabas ng school gymnasium.
Nadaanan nila si Chase habang yakap-yakap ang girlfriend nitong masama ang loob. Sumama ang timplada nito nang makita siya. Hindi siya nagpatalo at iwinagayway ang certificate niya. Siya ang nanalo sa laban nilang dalawa. At hindi siya magpapatalo kahit ano pa ang plano nito. Handa siya.
HUMIHINGAL si Pepper na lumabas ng horror booth. Tawa siya nang tawa habang hila si Diane. Marami na silang nasubukang booth. Mas maingat lang sila dahil may mga booth na nanghuhuli. Mauubos ang prize money niya sa pagbabayad ng penalty.
“Nakakatuwa talaga sa loob. Hindi naman nakakatakot ang mga multo at halimaw,” aniya habang nakayukyok at nakatuon ang mga palad sa tuhod. “Mga tao lang din naman sila. Nakakatawa ang mga itsura.”
“Huwag ka nang magtatawa diyan. Nagtititili ka nga sa loob, eh,” kontra nito.
“Hindi ako natatakot. Magugulatin lang talaga ako,” depensa niya. Luminga siya sa paligid. “N-Nasaan si Perry?”
Tumuwid ito ng tayo. “Oo nga. Akala ko kasunod lang natin kanina. Balikan natin. Baka ako na ang nangyari doon.”
Maya-maya ay may narinig silang nagsisisigaw. “Bitiwan mo ako! Huwag! Huwag! Tama na! Ayoko na! Palabasin ninyo ako!” tili nito.
Humalakhak si Diane nang makitang niyayakap ng white lady si Perry. Subalit wala sa isip niya ang pagtawa. Hindi siya papayag na may mananakit kay Perry.
“Tama na iyan!” sigaw niya. “Bitiwan mo siya!”
“Sorry, ha!” sabi ng white lady na isa palang bading. “Cute kasi siya, eh!”
Nang ilabas nila si Perry ay namumutla ito. Dali-dali nila itong binilhan ng softdrinks. “Uminom ka muna,” sabi niya.
“P-Pasensiya na,” anito nang mahimasmasan. “Takot kasi ako sa mga multo. Nadala ko iyon hanggang paglaki ko. Kaya nga takot ako sa dilim.”
“Bakit hindi mo sinabi sa amin?” sermon niya. “Sana hindi na kita binitiwan kanina. O kaya naprotektahan kita.”
“Saan?” natatawang sabi ni Diane. “Sa multong bakla?”
Pinanlakihan niya ito ng mata. “Hihirit ka pa! Kita mo ngang takot na takot si Perry. Mabuti pa magpahinga muna tayo,” suhestiyon niya.
Papunta sila sa may fountain upang doon magmiryenda nang madaaanan nila ang fortune telling booth. “Uy, mukhang interesting ito.”
“Kaklase iyan ni Kuya Chase. Sabi niya, may pagka-psychic iyang si Madam Chekai. Nahulaan daw niya kung sino sa mga kaklase nila kuya ang mabubuntis at magda-drop out. Nagawa rin niyang hulaan na magbe-break si Kuya at ang isa pa niyang girlfriend dahil sa ibang babae.”
“Ah, iyong sa kuya mo hindi na kailangan ng hula,” aniya. “Talaga namang lagi siyang nakikipaghiwalay sa mga girlfriend niya. Wala nang bago doon.”
“Pero magaling daw talaga siyang manghula ng lovelife,” anito.
“Lovelife ba kamo?” aniyang kumikislap ang mga mata. “Naku, exciting iyan!”
Gusto niyang malaman kung magkaka-boyfriend siya. O kaya ay kung crush din siya ni Perry. Para naman magkaroon siya ng pag-asa sa buhay.
“Pumasok na tayo!” sabi ni Diane.
“Huwag na,” kontra ni Perry. “Puro kalokohan lang ang hulang iyan. Magsa-sayang lang tayo ng panahon. Tao ang gumagawa ng sarili niyang tadhana.”
“Huwag ka ngang killjoy,” sabi ni Diane. “Halika na.”
Kahit ayaw ni Perry ay sumunod siya kay Diane. Wala rin itong nagawa kundi sumunod sa kanila. Medyo madilim sa loob. Ang tanging nasisinagan ng spotlight ay ang babaeng may katabaan at may suot na damit na pang-Arabiana.
May talukbong itong makulay na seda sa ulo at ang tanging nakikita ay ang mukha. Makapal din ang make up nito. Marahil ito na si Madam Chekai. Sa harap nito ay may mga baraha at bolang kristal na mas mukhang itinaob na fish bowl.
“Lumapit kayo. Magpapahula kayo, hindi ba?” sabi ni Madam Chekai habang tumitirik ang mata.
“Hindi ba kaya nga nagpupunta dito para magpahula?” sawata ni Perry.
“Shhh!” saway ni Diane dito. “Opo, nandito kami para magpahula.”
Bumalik sa normal ang paningin nito at matiim na tumingin kay Perry. “Ikaw, lalaki. May lihim kang iniingatan. Isang lihim,” anito sa misteryosang tinig.
“Anong secret iyon?” tanong niya kay Perry.
“H-Ha? Wala iyon. Nagpapapaniwala ka naman,” kaila ni Perry. “Ano naman sa palagay mo ang lihim na itatago ko sa iyo?”
Ngumiti siya. “Mukhang alam ko na ang secret na iyon,” aniya at lumapit sa mesa ni Madam Chekai. Panahon na para makumpirma niya kung ang lihim ni Perry ay tugma sa hinala niya. Kung totoong may lihim itong damdamin para sa kanya. Inilahad niya ang palad. “Ako naman po, Madam Chekai. Tingnan po ninyo kung malapit na akong magka-boyfriend. Crush ba ako ng crush ko? Sino ba ang mapapangasawa ko?” sunud-sunod niyang tanong.
Hinawakan nito ang kamay niya. Tinitigan nito ang palad niya. Pagkatapos ay lumipat sa kanyang mukha. “Ikinalulungkot ko pero ayon sa guhit ng palad mo ay hindi ka na magkaka-boyfriend.”
“H-Hindi na ako magkaka-boyfriend?” naguguluhan niyang tanong. Baka ang ibig nitong sabihin ay hindi pa siya magkaka-boyfriend. Bata pa siya at hindi pa siya nagpapaalam sa mga magulang kung pwede siyang magpaligaw o magkanobyo.
“Hindi ka na magkakanobyo at hindi ka na rin magkakapag-asawa kahit kailan. Nakatakda kang tumandang dalaga,” mas malinaw na sabi nito.
Unti-unting naglaho ang ngiti niya. “Hindi na ako magkaka-boyfriend? Hindi na rin ako makakapag-asawa? Tatandang dalaga na ako. Habambuhay?” Nakaramdam siya ng pamamanhid ng katawan. “H-Hindi pwede ang sinasabi mo,” pabulong niyang sabi.
Awtomatikong pumunta si Diane sa likuran niya. “Halika na, Pepper. Umalis na tayo. Sa ibang booth na lang tayo pumunta.”
Nahawakan niya nang mariin ang satin na mantel ng bilog na mesa. “Hindi tayo aalis hangga’t hindi binabawi ng babaeng ito ang hula niya.”
Pati si Perry ay inakay siya palayo. “Hula lang iyan. Don’t be upset. Halika na.”
Pumiksi siya. “Ayoko! Bawiin muna niya ang hula niya sa akin.” Itinuro niya si Madam Chekai. “Ikaw! Iibahin mo ba ang hula sa akin o gusto mo ng gulo?”