Chapter Pepper’s Chase: 6

Namutla si Madam Chekai. “P-Pero hula lang naman iyon at…”

“Kahit na!” putol niya sa anumang sasabihin nito. “Kahit na hula lang iyan, bawiin mo pa rin! Paano kung magkatotoo iyon?”

Pumasok ang mga organizer ng fortune telling booth. “Anong gulo ang nangyayri dito? Bakit kayo nagsisigawan?”

“She’s a fake!” sigaw niya habang itinuturo si Madam Chekai. “Manloloko! Hindi ako tatandang dalaga. Magkaka-boyfriend pa ako!”

Wala siyang nagawa nang ilabas nina Perry at Diane katulong ang mga organizer. Inakay siya ni Diane sa comfort room. Nang mapag-isa ay nag-iiyak siya.

“Tumahan ka na, Pep,” pang-aalo nito. “Hula lang iyon.”

“Hula? Iyon nga ang pinakaayaw ko. Ang magkaroon ako nang ganoon na hula. Tatandang-dalaga na nga ako hindi pa ako binigyan ng chance na magka-boyfriend. Masamang-masama ang loob ko.”

“Ano ka ba? Nagpapapaniwala ka sa ganyan. Nagpunta tayo dito para magsaya at hindi para magngangawa ka. Hindi naman lahat ng hula ay totoo. Tayo pa rin ang gumagawa ng sarili nating tadhana.”

Pinalis niya ang luha. “Sa palagay mo ba hindi magkakatotoo iyon?”

Ngumiti ito at tumango. “Oo naman. Kaya lumabas na tayo dahil kanina pa tayo hinihintay ni Perry.”

Paglabas nila ng powder room ay agad silang sinalubong ni Perry. “Okay ka na ba, Pepper?” nag-aalalang tanong nito.

Umiling siya. Nalulungkot siya kung sakaling maging totoo ang hula. Ibig sabihin ay mawawala sa kanya si Perry. Doon labis na sumasama ang loob niya. Mula bata pa sila ay gusto na niya ito. Ano ang gagawin niya?

Hinawakan nito ang dalawa niyang kamay at tinitigan siya. “May gusto akong ipagtapat sa iyo, Pepper. Gusto kitang maging girlfriend.”

ABOT-TAINGA ang ngiti ni Pepper habang magkahawak-kamay sila ni Perry sa pagtingin sa mga accessories na nakatinda sa booth. Humahanap siya ng isang bagay na maari niyang ibigay dito bilang remembrance sa memorableng araw na iyon.

Hinihintay nilang matapos ang kasal ni Diane sa marriage booth. May nag-request dito at sa crush nitong si Marvin kaya hinuli ito ng mga organizers ng booth.

“Gusto mo ba ng bracelet?” Inangat niya ang bracelet na gawa sa makulay na nylon strings at itinirintas. “Uso ito ngayon.”

“Huwag mo na akong ibili ng kahit ano,” anito. “Kahit naman wala kang ibigay sa akin, lagi pa rin kitang maalala.”

Ngumiti siya at hinigpitan ang hawak sa kamay nito. Hindi siya nagkamali nang sagutin ito kanina. He’s so sweet.

Hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman kaninang nagtapat ito sa kanya. Siya na ang pinakamasayang babae sa mundo. Sinabi rin nito na iyon ang sekretong sinasabi ni Madam Chekai. Na may damdamin ito para sa kanya.

“Sana lagi tayong ganito,” aniya.

“Excuse me, Miss,” anang isang babae.

Naningkit ang mga mata niya nang makitang si Madam Chekai. “Ano na namang kailangan mo sa akin? For your information, hindi totoo ang hula mo.” Umabrisyete siya kay Perry. “As you can see, may boyfriend na ako.”

“Hindi talaga totoo ang hula ko sa iyo,” seryosong sabi nito. “May nagbilin sa akin na iyon ang sabihin kapag ikaw ang nagpahula sa akin.”

Bumitiw siya kay Perry at lumapit kay Chekai. “Ibig mong sabihin may sumabotahe sa akin?” Kinabahan siya. “Sino?”

Nakagat nito ang labi. “Chase. Chase Almenderoz.”

TINAKBO ni Pepper ang corridor ng bawat building. Kanina pa niya hinahanap si Chase para komprontahin. Walang nagawa si Perry para pigilan siya. Gusto nitong sumama subalit sinabi niyang sarili niyang laban iyon. Pinaghintay na lang niya ito kay Diane para sabihin ang nangyari.

Saglit siyang tumigil sa pagtakbo para magpahinga. Matinik si Chase. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya nakikita. Dapat lang na magtago itong mabuti kung mahal pa nito ang buhay nito.

Malapit na siyang makarating sa kabilang dulo ng tinatakbong building nang may marinig siyang nagtatawanan. Hindi siya maaring magkamali. Nangingibabaw ang boses ni Chase. Tiyak niyang kasama nito ang mga alipores.

Dahan-dahan siyang naglakad upang hindi makalikha ng ingay. Huhulihin niya ito sa akto. Kailangang hindi ito makatunog. Dahan-dahan siyang sumilip at nakita itong nakaupo sa hagdan, ilang baitang mula sa taas.

“Nakakatawa! Talaga bang parang mamamatay siya sa takot?” Hawak nito ang tiyan at hindi magkandatuto sa katatawa.

Nakuyom niya ang palad at gusto niya itong bigyan ng suntok nang mga oras na iyon. Ginawa siya nitong katatawanan. At ipinagmamalaki pa nito sa mga alagad.

Sige, tumawa ka lang nang tumawa. Tingnan natin kung hanggang kailan ka tatawa. Bilang na ang mga oras mo, banta niya sa isip.

“Parang mauubusan siya ng dugo kanina nang sabihin ni Chekai na tatandang-dalaga siya,” kwento ng isa sa mga organizer ng fortune telling booth na kasabwat rin nito. “Tapos nagwala. Akala nga ni Chekai hindi na siya aabutin ng paglubog ng araw.”

“Pasensiya na,” anito na may himig pa rin ng tuwa sa tinig. “Hindi ko nasabi na asal-bundok si Pepper. Natural na doon ang nagwawala. Mabuti na lang at napigilan siya. Kawawa naman si Chekai.”

Hindi siya nakatiis. Lumabas iya sa pinagtataguan at binatukan ito. Muntik na itong umurangod sa hagdan at mahulog.

“Hoy, pulpol! Huwag ka munang magsaya.”

“B-Babaeng piranha?!” bulalas nito.

Namaywang siya. “Para sa kaalaman mo, di natuloy ang maiitim mong balak.”

Tuluyang naglaho ang ngiti nito. “Anong ibig mong sabihin?”

“Alam ko nang pakana mo lang ang hula ni Chekai sa akin para inisin ako. Palpak ang hula niya na tatandang-dalaga ako at di na magkaka-boyfriend.”

Ngumisi ito at lumapit sa kanya. “Kahit di ako manghuhula, iyon din ang prediction ko. Sino ba ang papatol sa tulad mo na mukhang walking Christmas tree? Kung anu-anong borloloy ang nakasuot sa iyo. Hindi ka na nga marunong mag-ayos, daig mo pa ang lalaki sa pagiging siga. Walang lalaking magtitiis sa iyo.”

“I’m sorry to inform you pero may boyfriend na ako,” pagmamalaki niya.

Kumunot ang noo nito. “Sinong tanga iyon?”

“Excuse me. Hindi tanga si Perry. Matalino siya, mabait at gentleman. He’s an ideal boyfriend. Hindi katulad mo na walang kwenta.”

Humalakhak ito. “Kaya pala. Isang santo ang boyfriend mo. Naawa lang siguro siya sa iyo. Tingnan ko lang kung tumagal siya sa iyo. Hindi ka niya pagtitiisan.”

“Mali ka. Hindi ka kasi marunong magmahal. Sa dami ng girlfriend mo, wala kang minahal. Naiinggit ka sa mga taong masasaya at nagmamahalan. Alam mo, baka sa iyo bumalik ang kalokohan mo. Sa ugali mong iyan, ikaw ang tatandang binata.”

Iniwan niya itong tulala. Sa kanilang dalawa, siya ang dapat na makapag-asawa at magkaroon ng pamilya, hindi ito. Dahil marunong siyang magmahal. Hindi katulad nito na wala nang ginawa kundi gawing laruan ang mga babae. Makakarma rin ito.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.