“Kayong dalawang magkapatid, kailan ninyo kami bibigyan ng apo?”
Mula sa pinggan ng pagkain ay umangat ang tingin nina Pepper at Leonard at nagkatinginan. Mukhang sila ang sentro ng sermon ni Aling Elsa. Linggo noon at gaya ng nakagawian ay salo-salo sila.
Mula nang maging glass sculptor siya ay humiwalay na siya ng bahay. Mas nakakapag-concentrate siya sa trabaho dahil mag-isa lang siya. Tuwing linggo siya dumadalaw sa mga ito.
“Nay, nag-iipon pa po kami ni Almira,” sabi ni Leonard. “Saka tiyak na po kami sa isa’t isa. Ito pong bunso ninyo ang tanungin ninyo. Tumatandang dalaga na.”
Lumabi siya. “Kuya, imposibleng mangyari iyon.”
“Bakit hanggang ngayon ay wala ka pa ring ipinakikilalang boyfriend sa amin?” tanong ni Aling Elsa. “Sabik na sabik na akong magkaapo.”
“Anong boyfriend? Anong apo?” naalarmang sabi ni Mang Damian. “Bata pa si Pepper. Wala pa siyang treinta. Bakit kailangan na niyang mag-asawa?”
Bumulanghit ng tawa si Leonard samantalang si Aling Elsa ay nasapo ang noo.
“Damian, beinte-dos pa lang ako ay anak ko na si Pepper,” pagpapaalala nito. “Ilang taon na tayo? Baka hindi ko na makita ang mga apo ko sa kanya.”
“Kung magsalita ka’y parang matanda na tayo. Kalabaw lang ang tumatanda. Walang problema kung mag-aasawa na si Leonard. Lalaki iyan. Pero hindi ako papayag na ipamigay si Pepper sa kung sinu-sinong lalaki lang diyan. Bunso ko yata iyan.”
She felt proud. Mahal na mahal siya ng kanyang ama. Kahit minsan ay sumosobra na. Nang maging nobyo niya si Perry ay nagalit ito. Masyado pa kasi siyang bata noon. Kung kailan sumang-ayon na ito sa relasyon nila ay saka lumipad patungong ibang bansa si Perry. Mula noon ay naging mahigpit na ito sa mga lalaking nakikipag-kaibigan sa kanya. Si Perry lang ang lalaking nagustuhan nito para sa kanya.
“Tay, malaki na po ang bunso ninyo,” paliwanag ni Leonard. “Napag-iiwanan na siya ng panahon. Tanggapin na ninyo ang katotohanang kailangang-kailangan nang mag-asawa ni Pepper.”
“Kuya, mag-aasawa lang ako kapag bumalik na si Perry.”
“Umaasa ka pa rin ba sa kanya?” nalulungkot na tanong ni Leonard. Lagi siya nitong dini-discourage pagdating kay Perry. Malabo na raw itong bumalik.
“Oo naman,” aniya. Optimistic siya. Hindi siya nagpaligaw sa iba dahil nangako si Perry na babalik para sa kanya. Umaasa siya sa pangakong iyon.
“Ni hindi na halos kayo nagkakausap. Paano kung may asawa o anak na siya? Ano ang mangyayari sa iyo ngayon? Magiging old maid ka,” anang si Leonard sa nananakot na tinig.
“Nay, si Kuya nananakot,” sumbong niya.
“Leonard! Huwag na huwag mo nang sasabihing tatandang dalaga ang kapatid mo. Hayaan mo siyang hintayin si Perry. Kung hindi na pwede si Perry, marami pa namang lalaki diyan sa tabi. Maganda ang kapatid mo. Hindi malabong makakita siya ng lalaking karapat-dapat para sa kanya.”
Kahit na marami pang lalaki sa tabi-tabi, mananatili pa rin kay Perry ang puso niya. Binata pa rin ito. Kung nag-asawa na ito o may nobya, sana ay nabalitaan na niya.
“Pero ‘Nay, miyembro na po siya ng Asosasyon ng Matatandang Dalaga ng St. Jerome,” tukoy nito sa grupo nilang magkakaklase noong high school na hanggang ngayon ay wala pa ring mga asawa.
“Saling pusa lang ako doon,” depensa niya. “Dahil gusto kong mag-asawa.”
“Basta dalas-dalasan mo lang ang paliligo. Mukha kasing hindi na nasasayaran ng suklay iyang buhok mo,” tudyo nito.
Sinuklay niya ng daliri ang nakalugay na buhok. Kulot pa rin iyon. Kahit uso na ang rebonding ay hindi sumagi sa utak niya ang magpatuwid ng buhok. Pakiramdam niya ay mawawala ang pagiging artistic niya kapag tumuwid iyon. Naniniwala siya na ang pagkakulot ng kanyang buhok ang source ng kanyang creativity.
“Naliligo po ako,” depensa niya. “At ang buhok ko na iyan, style ang tawag diyan. Proud ako dahil kulot ako. Kulot yata ako sa puso’t diwa.”
“Mabuhay ang mga kulot!” sabi ni Leonard sabay taas ng kamay.
“Magtigil kayong dalawa!” saway ni Aling Elsa. “Siyanga pala, Pepper. Pupunta ka ba sa mga Almenderoz sa Huwebes?”
“Opo. Tutulungan ko po si Diane para sa paghahanda sa party.”
“Mabuti naman at kompleto tayong sasalubong kay Chase,” excited na sabi nito. “Ano na kaya ang itsura ng batang iyon?”
Ilang taon nang lumagi sa ibang bansa si Chase kasama ang mga magulang nito. Dapat ay kasama ng mga ito si Diane subalit mas ginusto nitong manatili sa bansa. Di nakayang iwan ang katipang si Marvin na asawa na nito ngayon.
“Basta kami ni Chase bati na kami,” sabi ni Leonard. “Tutal pinakawalan naman niya si Almira para sa akin. Ewan ko lang ang ibang tao dito.”
“Masaya ka dahil may nagawa siyang mabuti para sa iyo. Sa akin puro na lang kalokohan ang ginawa niya.”
“Nagbabago ang mga tao,” sabi ni Aling Elsa. “Malay mo mabait na siya ngayon.”
“Sana nga, ‘Nay,” hiling niya.
PASIMPLENG binawasan ni Pepper ang chicken strips. Nasa kusina siya upang I-supervise ang mga pagkain sa welcome party ni Chase. Tinutulungan niya si Diane sa pag-aasikaso sa lahat maliban sa pag-eestima sa mga bisita. Hindi siya sanay sa maraming tao. Lalo na kapag hindi masyadong malapit sa kanya.
“Bakit ka nagkukulong dito sa kusina?” tanong ni Diane nang pumasok sa kusina upang I-refill ang ilang putaheng ubos na sa buffet table. Sa mismong garden ng mga Almenderoz ginaganap ang party.
“Alam mo naman na hindi ako mahilig makihalubilo sa ganitong okasyon. Maliban na lang kung mga kaklase natin noong high school ang makakasama ko o kaya ay kapamilya ko,” paliwanag niya.
“Mamaya pa raw sila dadating.” Nagsususpetsa nitong inilapit ang mukha sa kanya. “Sigurado ka bang iyon ang dahilan? O ayaw mo lang makita si kuya? Ni hindi mo pa siya sinisilip mula kanina. Hindi mo ba siya babatiin?”
Kumuha siya ng barbecue at kinain. “Makikipag-plastikan ako sa kanya? Alam mong hindi ko ugali iyon. Mainit pa rin ang ulo ko sa pinaggagawa niya sa akin noon.”
“Sabihin mo lang na ‘hi’ o kaya ‘hello’,” suhestiyon nito. “Wala namang masama.”
“Pagkatapos pwede na ulit akong magkulong dito?”
Naitirik nito ang mata. “Ewan ko sa iyo. Tulungan mo na lang akong magbitbit ng pagkain sa labas nang makasagap ka ng hangin.”
Nakasimangot siyang sumunod kay Diane. Nagmamadali siyang naglakad. Abala ang lahat sa pakikipag-kwentuhan kaya walang masyadong nakapuna sa kanya. Maging si Diane ay may nakipag-usap din na isang bisita kaya mukhang nakalimutan na ang tungkol sa kanya. Makakalusot na siya.