Chapter Pepper’s Chase: 8

Matapos ilapag ang pagkain sa buffet table ay malalaki ang mga hakbang siyang bumalik papasok ng bahay. Pagdating sa sala ay hindi sinasadyang may nakabunggo siya sa sobrang pagmamadali. Nalaglag ang dala nitong bag.

“Sorry po,” aniya sa babaeng nakabangga na nakasuot ng maluwag na damit na pang-Bumbay. Marami itong suot na kung anu-anong bato na burloloy at mayroon din sa noo. Ibinigay niya dito ang nalaglag nitong bag.

“Montinola?” anito habang nakatitig ang mata nito sa mukha niya. “Ikaw iyong kapatid ni Montinola, hindi ba?”

“O-Opo. Kapatid ko po si Leonard. Sino po sila?”

“Chekai! Ako si Madam Chekai. Naalala mo ba noong may fair sa school noon at ako ang nanghula sa iyo? Hindi ba nagwala ka pa nga.”

Napangiwi siya sa alaalang iyon. “Kayo ang kasabwat ni Chase para inisin ako.”

Natawa ito. “Naalala mo pa pala. At huwag ka nang mag-po sa akin. Kaedad ko lang ang kuya mo.”

Mukha itong tumanda ng isang dekada dahil sa ayos at make-up nito. Sabagay, kasama naman iyon sa get-up ng isang manghuhula.

“Bakit hindi ka nakikisali sa mga bisita sa labas?” tanong niya.

“Ayoko sa maingay at matao.”

“Pareho pala tayo,” aniya at umupo sa sofa. Napansin niya ang nakabukas na photo album at tiningnan iyon.

“Naiwan ko iyan kanina dahil nag-CR ako,” paliwanag nito. “May paborito akong picture dito.”

Namula siya nang ituro nito ang picture nila ni Chase. Iyon ay ang coronation night nang manalo silang Prinsesito at Prinsesita. Nakuha ng camera ang eksena nang panggigilan niyang kagatin ang kamay nito.

Mayroon din siyang ganoong picture. Kuha ng official photographer na nag-cover ng event. Iyon ang picture na ipinakatatago-tago niya sa isang kahon. Hindi nangahas ang nanay niya na ilagay iyon sa album dahil sa malaking kahihiyan. Ano kaya ang gustong palabasin ni Chase sa paglalagay ng picture na iyon?

Nanggigil siya nang mabasa ang caption sa ibaba. Chase Pogi with Piranha Princess in Action! Inis niyang isinara ang photo album. Bakit hindi niya iyon nakikita noon? Siguro ay dahil wala siyang hilig magtitingin sa mga pictures kung saan pihadong makikita niya nakakapangilabot na mukha ni Chase. Pogi daw!

“Bakit mo isinara?” tanong ni Chekai.

Natauhan siya nang makita ang pagtataka sa mukha nito. “H-Ha? K-kasi gusto kong magkwentuhan tayo. Ano na ba buhay mo ngayon?”

“Natupad ko na ang pangarap ko. Isa na akong sikat na manghuhula. Hindi mo ba nababasa ang mga horoscope ko sa mga diyaryo?”

“Ikaw na ba ang Madam Chekai na iyon? Madalang akong magbasa ng horoscope pero nakikita ko ang mga predictions mo. Nagkakatotoo ba lahat?”

Saglit itong nag-isip. “Hindi naman lahat. Pero mas marami ang nagkakatotoo. Gusto mo hulaan din kita?” alok nito.

“H-Huwag na lang,” tanggi niya. Sariwa pa sa alaala niya nang hulaan siya nito na tatandang-dalaga siya. Nakaka-trauma kahit hindi totoo.

“Hindi. Huhulaan kita kahit na walang bayad.”

“Baka matulad na naman dati na puro palpak. Ayoko na.”

“Totoo na ito. Akin na ang palad mo.” Napilitan siyang inilahad ang palad. Mataman nitong pinag-aralan ang guhit doon. “Maganda ang pasok ng pera sa iyo.”

Kahit paano ay napahanga siya nito. Wala siyang problemang pinansiyal dahil maraming order sa kanya na glass sculpture at may exhibit pa siya sa ilang buwan mula ngayon. Maganda ang takbo ng kanyang career.

“Walang kaso sa akin ang pera, Madam Chekai. Hindi ako interesado diyan. Iyong lovelife ko ang tingnan mo. Kailan ako mag-aasawa?”

Inalis nito ang tingin sa kanyang palad. “Kailan ang birthday mo?”

Sinabi niya ang petsa. “Mga limang buwan pa kaya matagal pa,” sabi niya.

Inilatag nito ang baraha. “Malapit nang magbago ang buhay mo. Nasa iyo ang desisyon kung pakakawalan mo ang pagkakataon o hindi.”

“Pagkakataon? Anong pagkakataon?”

“Pagkakataon para makuha ang matagal mo nang hinihintay na pagbabago. Malapit mo nang makuha iyon sa pamamagitan ng isang lalaki.”

Naging excited siya. “Lalaki? Malapit nang magbago ang buhay ko sa pamamagitan ng isang lalaki. Malapit ko nang iwan ang buhay-dalaga. Malapit na akong ikasal! Sino ang lalaking iyon? Sino?”

Pumikit ito. “Nararamdaman ko siya. Malapit na siya. Malapit na malapit na.”

“Hanggang ngayon ba nanghuhula ka pa rin, Chekai?”

Pareho silang napalingon sa bagong dating. Laking dismaya niya nang makita si Chase. Matangkad na ito at hindi maitatago ng suot nitong long sleeve polo at slacks ang magandang hubog ng katawan. He’s still the same Chase with smiling eyes, patrician nose and teasing lips. A more matured yet more dangerous Chase.

Mayroon pa rin itong nakakapinginig-tuhod na ngiti. Subalit hanggang ngayon ay mapang-inis pa rin ang ngiting ibinibigay nito sa kanya.

“Chase, magpapahula ka rin?” tanong ni Chekai.

“Hindi.” Umupo ito sa tapat nila. “Mas interesado ako sa hula mo kay Pepper. Sinabi mo na bang hindi na siya makakapag-asawa pa kahit kailan?”

Ngumiti siya nang ubod-tamis para ipakitang hindi na siya maiinis pa nito. “Sabi ni Chekai, malapit na akong ikasal.”

Humalakhak ito. “Nagpapapaniwala ka naman kay Chekai.” Lumipat ito sa tabi niya at hinaklit ang palad niya. “Ako na lang ang manghuhula sa iyo para naman mamulat ka na sa katotohanan.”

Namanhid ang katawan niya nang hawakan nito ang kanyang kamay. Hindi siya makagalaw kahit gusto na niyang bawiin ang palad mula dito. Ni hindi niya magawang magsalita. Sa halip ay nakatitig lang siya sa biglang naging seryoso nitong mukha habang tinitingnan ang palad niya.

“Hindi malinaw ang love line mo,” anito habang tinatalunton ng hintuturo nito ang linya ng palad niya.

Parang may kuryenteng dumadaloy mula sa daliri nito at binubuhay ang bawat himaymay ng kanyang laman. Wala na sa isip niya ang prediksiyon nito kundi sa sensasyong idinudulot nito. Paano nito nagagawang buhayin ang pandama niya?

Nang umangat ang tingin nito ay sinalubong nito ang kanyang mga mata. “Hindi ka na makakapag-asawa pa kahit kailan. Tatandang dalaga ka na,” anito sa nananakot na tinig kasunod ang isang matunog na halakhak. “Habambuhay ka nang magiging member ng organisasyon ninyong matatandang dalaga.”

Binawi niya ang palad at pinigil ang sarili na padapuin ang palad sa mukha nito. Sa halip ay bumaling siya kay Chekai na nangingiti sa sitwasyon.

“Chekai, hindi ba makakapag-asawa pa ako? Sabihin mo sa kanya.”

Maiiyak na siya. Kahit alam niyang hindi totoo, ayaw pa rin niyang may nagsasabi o nagbibiro na tatandang dalaga siya. That is her greatest fear.

“Depende. Kung pakakawalan mo ang pagkakataon,” mahiwagang sabi nito.

Nakuha na niya ang mensahe. Pagkakataon na niyang mag-asawa. Isang lalaki lang ang pumapasok sa utak niya. Si Perry.

Nakangiti siyang tumayo. “Babalik na si Perry,” konklusyon niya. “Aalukin na niya ako ng kasal. At iyon ang pagkakataong hindi ko dapat palampasin.” Sinulyapan niya si Chase. “At kapag ikinasal ako, hindi kita iimbitahin kahit na magmakaawa ka pa.”

Nagmartsa siya pabalik ng kusina nang may ngiti sa labi. Malapit na siyang ikasal. Hindi na rin magrereklamo ang mga magulang niya kung kailan magkakaapo ang mga ito. Basta malapit na!

“Asa ka pang ikakasal ka!” pahabol ni Chase.

Hindi niya ito pinansin. Walang makakapigil sa kanya sa pag-graduate sa Asosasyon ng Matatandang Dalaga ng St. Jerome.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.