Chapter Pepper’s Chase: 9

“Perfect!” usal ni Pepper matapos ilagay ang salad sa loob ng refrigerator. Naihanda na niya ang lahat ng pagkain para sa pagdating ni Diane.

Ise-celebrate nila ang pagbubuntis nito. Dalawang buwan na itong nagdadalang-tao. Matagal nang hinihintay ng asawa nitong si Marvin ang pagkakaroon nito ng anak. Sa wakas ay natupad na rin ang matagal nang hiling ng mga ito.

Pabalik na siya ng silid para ayusin ang sarili nang tumunog ang telepono. Nasa kabilang linya ang pinsan ni Perry. “Lynda, bakit ka napatawag?”

“Ate Pep, malapit nang umuwi ng Pilipinas si Kuya Perry.”

Halos mapatalon siya sa tuwa. “T-Totoo? Kailan daw?”

“Baka sa isang linggo na. Itatawag ko sa iyo ang eksaktong date.”

Babalik na si Perry. Tama ang hula ni Chekai. Malapit na sa kanya ang lalaking babago sa kanyang buhay. Magkikita na sila sa wakas. Kulang na lang ay ang alok nitong kasal sa kanya. Na siyempre, hinding-hindi niya tatanggihan.

Pagkababa niya ng telepono ay saka naman tumunog ang doorbell. Si Diane. Kailangan itong malaman ni Diane. Halos magkandarapa siya sa pagtakbo sa pinto. Excited siya. Kung mayroon siyang gusto maka-share sa kaligayahang nararamdaman ay si Diane iyon. Matutuwa ito para sa kanya.

Pagbukas ng pinto ay dali-dali siyang yumakap dito. “Diane, babalik na si Perry!”

Kakaibang init ang naramdaman niya sa kayakap. Napapikit siya nang mariin nang maamoy ang mabangong cologne nito. Jovan Musk for men. At matipuno rin ang dibdib nito. Nararamdaman niya iyon mula sa pagkakahilig ng pisngi niya dito. Animo’y kaya niyang sandalan sa lahat ng oras.

Naguluhan siya. Jovan Musk for men? Nakahilig siya sa matipunong dibdib? Paanong mangyayari iyon samantalang mas matangkad pa siya kay Diane?

Dumilat siya at dahan-dahang inangat ang paningin sa kayakap. Namutla siya nang makitang hindi siya Diane iyon. Sa halip ay bumungad sa kanya ang guwapong mukha ni Chase na magkahalo ang pagtataka at nakakalokong ngiti.

NAMULA SI Pepper nang malamang si Chase ang kayakap niya. Dali-dali siyang kumalas dito na animo’y napaso. Baka isipin nito na matandang dalaga na siya at sabik sa lalaki kaya pati ito ay pinapatulan niya.

Mabilis na hinanap ng kanyang paningin si Diane. Nakatayo ito sa bandang likuran ni Chase at tulala. Marahil ay hindi pa rin makapaniwalang niyakap niya ang kuya nito na itinuring niyang mortal na kaaway.

Lumapit siya kay Diane at patay-malisya sa malisyoso at nakakalokong ngiti ni Chase sa kanya. Kinintalan niya si Diane ng halik sa pisngi.

“Halika sa loob. May maganda akong ibabalita sa iyo,” aniya at binale-wala ang nangyaring malaking kahihiyan kanina.

Ano naman ang dapat pa niyang sabihin tungkol doon? Mas mabuti nang ituring iyon na malaking bangungot. Hindi na lang niya papansinin ang makahulugang tingin ni Chase sa kanya.

“Si Kuya Chase ang naghatid sa akin. Ayaw niya akong payagang mag-isa. Alalang-alala sa akin. Ayaw niyang mag-drive ako nang mag-isa. Natatakot na baka mabangga ako at mapaano ang baby ko.”

“Unang pamangkin ko yata iyan. Dapat lang na matiyak kong protected siya.”

Naaliw siya at nakalimutan ang inis niya dito. Kahit mapang-inis ito kay Diane noong mga bata pa sila ay nagbago na ito. Now he knew how to care. Hindi niya iyon nakikita noon. Siguro kahit na iniinis nito noon si Diane ay mahal pa rin nito ang kapatid.

Hindi katulad ng Kuya Leonard niya. Kung kailan tumanda sila, saka pa siya nito madalas na alaskahin.

“Bakit hindi ka na lang mag-asawa nang may makulit kang iba? Hindi iyong ako na lang nang ako ang binabantayan mo. Akala ko si Marvin lang na asawa ko ang overprotected. Pati ba naman ikaw?”

“Pinoprotektahan lang kita. At hindi ko kailangan ng asawa ngayon,” paliwanag nito. “Mas importante sa akin ang itinatayo kong negosyo. Kapag successful na ako, pwede akong makapulot ng mapapangasawa kahit anong oras. Wala pa ako sa critical stage kung saan may red light na sa noo ko na tumatandang binata na ako. Hindi ako katulad ng iba diyan na malapit nang paglipasan ng panahon, umaasa pa rin sa wala.”

Muntik na siyang mapatayo at ihagis ito palabas ng bahay. Kung hindi lang siya nakapagtimpi at naisip na hindi niya maaring pasamain ang loob ni Diane. Pero malapit na talaga siyang mapikon dito.

Tumikhim si Diane para bigyan ito ng babala at upang pahinahunin siya. “Ikaw naman, Pepper. Ano iyong sinasabi mong balita tungkol kay Perry?”

Nawala ang inis sa mukha niya at napalitan ng malapad na ngiti. Nawala sa isip niya ang lambong na dulot ni Chase nang marinig ang pangalan ni Perry.

“Tumawag si Lynda sa akin kanina,” excited niyang balita. “Uuwi na raw si Perry next week. Hindi pa nga lang sinabi sa akin ang definite date.”

“Nakakapagtampo naman iyong si Perry. Ni hindi sinabi sa atin na uuwi siya. Sabagay baka gusto niyang sorpresahin tayo. Matagal na natin siyang hindi nakikita.”

“Excited na nga akong makita kung gaano na siya kaguwapo ngayon.”

Ang huling picture na ipinadala nito sa kanya ay dalawang taon na ang nakakaraan. Email lang ang paraan nila para magkabalitaan. At madalang pa ito sa patak ng ulan kung sumulat sa kanya. Subalit ngayong babalik na ito’y kalilimutan na niya ang tampo. Mahalagang magkita silang muli at sabihin nitong mahal siya.

“Umaasa ka pa ring babalik siya?”

Natigil siya sa pangangarap nang marinig ang pangungutya sa tinig ni Chase. Tinaasan niya ito ng kilay. “Iyon ang sabi niya sa akin noong huling beses kaming nag-usap. Babalik daw siya para sa akin. Kaya lang siguro siya hindi makabalik agad dahil pinaghahandaan niya ang kinabukasan naming dalawa.”

Napailing ito. “Naniniwala ka naman? Malay mo may girlfriend na pala siya doon. O kaya hindi makabalik ay dahil may asawa’t anak na. Marami yatang magagandang babae sa Amerika.”

“May commitment kami sa isa’t isa. Tinupad ko ang sa akin. Hinintay ko siya. At alam kong tutuparin din niya ang pangako niya. May isa siyang salita!”

Inawat sila ni Diane. “Kuya, huwag mo nang inisin si Pepper. Minsan na nga lang kayo nagkikita, lagi mo pang iniinis.”

Umingos siya. “Hayaan mo na siya. Kaligayahan niya ang inisin ako. Pero hindi na niya magagawa iyon. Because I’m so happy! Happy, happy, happy!” kanta niya sa tono ng kantang Lucky ni Kylie Minogue. Pinalitan lang niya ng salitang happy ang lucky.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.