Tumayo si Diane. “Pwede bang pumunta muna ako sa CR? Ganito talaga ang mga buntis kailangang laging magbanyo.”
“Sure,” aniya. “Diyan ka na sa may bandang kusina para malapit. Mag-ingat ka, ha? At kung may kailangan ka tawagin mo lang ako.”
“Gusto mo bang alalayan kita?” alok ni Chase dito.
“Umupo ka lang diyan, Kuya. Kaya ko ang sarili ko.” Nagpapalit-palit ito ng tingin sa kanila. “Siguro naman pwede ko kayong iwan nang mapayapa. Hindi naman siguro kayo magkakagatang dalawa.”
“Sis, huwag ako ang pagsabihan mo. Hindi naman ako ang piranha dito.”
Hindi na ito narinig ni Diane dahil pumasok na ito sa banyo. Silang dalawa na lang ang naiwan. Hindi niya maipapangako kay Diane na hindi ito makakatikim sa kanya kapag hindi siya nito tinantanan ng pang-iinis.
“Kapag hindi ka tumigil diyan, papantayin ko iyang kamay mo,” banta niya. Ipapakita niya dito kung ano ang mapapala nito sa pagsasabing piranha siya.
“Nakakatakot! Nakikita na ang sintomas ng pagtandang dalaga.”
“Pwede ba, gumawa ka naman ng makabuluhan sa mundo. Hindi iyong buhay ng iba ang pinepeste mo!” mariin niyang sabi dito. “At hindi ako tatandang dalaga! Isaksak mo iyan sa kukote mo!”
Tumayo ito at pilit siyang pinaupo. “Calm down! Bakit ba napaka-high blood mo?”
Nanlilisik ang mga mata niya itong tiningnan. “Dahil sa iyo! Bakit ba ayaw mong sumaya ako? May ginawa ba akong masama sa iyo?”
Bumalik ito sa kinauupuan kanina. “Bakit ba kung magsalita ka parang nagsasalita lang ako para sirain ang araw mo? Nagmamalasakit lang ako.”
“Nagmamalasakit?” sarkastiko niyang sabi. “Hindi ka nagmamalasakit.”
“I am,” giit nito. “Nagmamalasakit ako sa iyo dahil nagsasabi ako ng totoo. Hindi kita pinapaasa na babalik si Perry dito para pakasalan ka. If he really loves you, bakit ngayon lang siya babalik kung kailan namemeligro ka nang tumandang dalaga?”
Niyakap siya ang sarili at tumingala sa kisame niyang may design na kahalintulad sa spiral galaxy. “Hindi ba iyon nga ang romantic. Babalik siya para sa akin para sagipin ako sa pagtandang dalaga. He’s my knight in shining armor.”
Pumitik ito sa harap ng mukha niya. “Huwag kang mangarap ng gising. Perry is not a prince. Hindi siya babalik para sa iyo.”
“Naiinggit ka lang. May love life kasi ako at ikaw ay wala. Naiinggit ka sa mga taong in love dahil hindi mo alam ang pakiramdam noon. Inggitero!”
“Hell!” Itinaas nito ang dalawang kamay at tumayo. “Bahala ka kung ayaw mong makinig. And for your information, wala akong dahilan para mainggit sa iyo. I don’t need a love life. Mas mabuti na iyon kaysa mag-ilusyon. Aalis na ako.”
“Saan ka pupunta?”
“I’ll check my office for a while. Pakisabi kay Diane na babalikan ko na lang siya mamayang hapon. At diyan naman sa ilusyon mo, sana lang hindi ka magsisi kapag napatunayan mong tama ako.”
“Oo na. Salamat na sa advice at pagmamalasakit kahit hindi ko kailangan,” aniya sa tonong nagtataboy para lang matapos na ang usapan nila.
Umaangil na tunog ng papalayo nitong sasakyan ang naabutan ni Diane paglabas ng banyo. “Nasaan si Kuya?” natatakang tanong nito.
“Umalis na. Pupunta raw sa opisina at babalikan ka mamaya.”
Tinabihan siya nito. “Sabi niya sasamahan niya ako hanggang mamaya.” Hinuli nito ang tingin niya. “May pinagtalunan ba kayong dalawa?”
“Lagi namang mayroon. Pinakikialaman na naman niya ang love life ko. Hindi daw babalik si Perry para sa akin at hindi raw kami magpapakasal. Nagmamalasakit lang daw siya sa akin. Tapos nang ayaw ko pa ring maniwala basta na lang nag-walk out. Napikon yata.”
Bumadha rin sa mukha nito ang pagtataka. “That’s weird. Hindi basta-basta nagba-back out si kuya sa pag-iinisan ninyo.”
“Baka tinamaan sa pasaring ko. Sinabi ko na naiinggit siya sa mga taong in love tulad ko,” aniya at natawa. Nasabi lang niya iyon sa inis. Hindi niya alam na tatablan ito.
“Hay, naku! Matatanda na kayo para pa rin kayong mga bata. Nag-aaway pa rin kayong parang aso’t pusa.”
“Huwag na nating pag-usapan ang kuya mo. Tutulungan mo ba ako sa dapat kong gawin sa pag-uwi ni Perry? Ano ang gagawin ko?”
NAPAGSALIKOP ni Pepper ang kamay sa sobrang excitement. Nasa restaurant siya kung saan napag-usapan nila ni Perry na magtatagpo. Napaaga siya ng dating dahil gustong-gusto na niya itong makita.
Hindi niya ito sinundo sa airport at hindi rin siya nakipagkita dito nang dumating ito. Mas minabuti niya na makipagkita dito sa bisperas ng birthday niya. Gusto niyang pagtuntong ng mismong kaarawan niya ay sila ang magkasama.
Pinaghandaan niya ang araw na ito. Sa isang elegante at romantikong restaurant ang pinili niyang venue ng reunion nila. May kadiliman ang paligid at malamlam na ilaw lang mula sa lampara at lantern na nakasabit ang nagsisilbing ilaw. Karamihan sa mga kumakain doon ay pawang mga nagde-date. Bagay para sa mga nag-iibigan tulad nila.
Hindi naman siya nagpahuli. Nagpatulong siya kay Diane para maging maganda. Nakasuot siya ngayon ng isang green na backless gown na nagpalutang sa mala-porselana niyang balat.
Nagpa-makeover siya kaya lumutang ang itinatago niyang ganda. Na-emphasize ang kanyang mga mata lalo na ang malalantik niyang pilik mata. Gayundin ang kanyang mapupulang labi. Hindi rin nagrerebelde ang kanyang buhok dahil ipina-hot oil niya iyon. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagkaisa ang mga ito at hindi siya mukhang sabukot. Siya ang bagong Pepper.
Tiniyak ni Diane na kapag nakita siya ni Perry ay magmamakaawa agad itong para magpakasal sa kanya. Marahil ay bakla daw ito kung hindi ito maaakit sa kanyang kagandahan. Patunay ang mga lalaking lumilingon sa kanya na puno ng interes. Hindi tulad noon na nililingon siya dahil mukha siyang wirdo.
“Excuse me, Miss,” anang isang babae na nakatayo sa harap niya.
Umangat ang tingin niya dito. “Yes?”
Kulang ang sabihing magandang ito. Tuwid na tuwid ang mahaba’t itim nitong buhok. Tulad sa modelo ng shampoo. Maputi ito at matangos ang ilong. Maamo ang mga mata nito at palakaibigan ang magandang ngiti. Nakasuot ito ng simpleng itim na gown subalit mas maganda pa rin ito at mukhang elegante kaysa sa kanya.
“Pepper?” anito.
Ngumiti siya at tumango. “That’s me. And you are?”
“Perry,” anito.
Sa kabila ng ngiti ay dumagundong ang kaba sa kanyang dibdib. Hindi kaya nobya ito o asawa ni Perry. Isinama doon upang makilala siya. Huwag naman sana. Ayaw niyang masira ang natitirang pag-asa niya.
Kinalma niya ang sarili. Hindi siya dapat na mag-isip ng negatibo. Baka kaibigan ito ni Perry o kakilala sa States. Dapat pakitunguhan niya ito ng maganda dahil ang kaibigan ni Perry ay kaibigan din niya.
“Oh, please take a seat,” she said graciously. “Hinihintay ko rin si Perry. Baka na-traffic lang siya. Pasensiya na kung pandalawahan lang ang naipa-reserve ko. Hindi sinabi ni Perry na mag-iimbita siya ng iba. Pero okay lang iyon. Pwede tayong magpadagdag ng isa pang upuan. O kung naliliitan kayo, pwede tayong lumipat.”
Binalewala niya ang nararamdamang insecurities sa kagandahan nito. Maganda rin siya at alam niyang siya ang mahal ni Perry. Isa pa, baka ito ang sorpresa ni Perry sa kanyang birthday. Baka ang babaeng ito ang coordinator o planner para sa kanilang kasal. Isinama na sa dinner para hindi siya makatanggi. He’s so sweet!
Sa wakas maipapakita niya kay Chase na hindi siya tatandang-dalaga. Ikakasal na siya. Pwede rin namang ito ang unang bigyan niya ng imbitasyon para hindi nito sabihing nag-iilusyon lang siya.
Nagtaka siya nang nanatiling nakatayo ang babae sa harap niya. “Hindi mo naiintindihan, Pepper.”
“A-Ano ang hindi ko naiintindihan? May mali ba sa sinabi ko? Hindi naman ako mangangagat. Umupo ka na at hintayin na natin si Perry.”
Nagulat siya nang yakapin siya nito nang mahigpit. “I’m Perry.”