“I miss you, Pepper. Matagal tayong hindi nagkita. Alam mo bang matagal ko nang hinihintay ang pagkakataong ito na makita ka ulit, friend.”
Naguguluhan siya at pilit na kumalas sa pagkakayakap nito. “Miss, sandali. Hindi kita kilala. Ngayon lang kita nakita. Ano ba ang pinagsasasabi mo?” Natawa siya. “Siguro kasabwat ka ni Perry para biruin ako, no? Sabihin mo sa kanya na medyo corny ang joke niya. Lumabas na siya dahil gusto ko na siyang makita.”
Kahit dati ay ganoon si Perry. Laging seryoso. Kapag nagpatawa ay laging trying hard. Hindi tuloy mabenta ang jokes nito.
Hinawakan nito ang braso niya. “Pep, ako si Perry.”
Umiling siya. “Hindi totoo ang sinasabi mo. At hindi na nakakatawa ang biro ninyo ni Perry. Naiinis na ako.”
Baliw ito para i-claim na ito si Perry. Na si Perry ay isang babaeng mas maganda pa sa kanya. Pakakasalan niya si Perry at imposibleng maging isa itong babae. Aaminin niyang insecure siya sa babaeng ito pero hindi siya maniniwala.
Nangilid ang luha sa mga mata nito. “Nagpa-sex change ako two years ago. Wala akong lakas ng loob na magsabi sa iyo dahil mismong pamilya ko ay hindi ako matanggap. Baka hindi mo rin ako tanggapin. Hindi ko masabi sa telepono o sa email. Mas gusto kong sabihin sa iyo ng personal para mas maliwanagan ka.”
Wala siyang nakikitang liwanag. Madilim sa kanya ang lahat. Ano ang kwentong sinasabi nito na ang kaharap niya ay si Perry at nagpa-sex change?
“No. Hindi ikaw si Perry,” mariin niyang sabi. “Sinungaling!”
Hinawakan ng palad nito ang kanyang pisngi. “Ako si Perry. Ako ang kaibigan mo. Wala pa ring nagbago, hindi ba?”
Parang nauupos siyang kandila. Namanhid ang buo niyang katawan pati na rin ang kanyang utak. “H-Hindi. Hindi ikaw ang Perry na mahal ko mula pagkabata. Impostor ka. Hindi niya ako magagawang lokohin tulad ng panlolokong ginagawa mo sa akin ngayon. Mula bata ay magkaibigan na kami. Naging boyfriend ko siya bago siya pumuntang Amerika. Nagtatawagan pa kami at nagsusulatan. Nangako ako sa kanya na hihintayin ko siya sa pagbalik niya. Naghintay ako. Pero kung hindi niya matutupad ang pangako niya sa akin dahil may iba na siyang mahal, sabihin niya sa akin ng personal. Hindi sa ganitong paraan. Masakit, e!”
Ginagap nito ang palad niya. “Pepper, tingnan mo akong mabuti sa mga mata ko,” naluluhang sabi nito. “Ano ang nakikita mo?”
Pamilyar sa kanya ang maaamong mata nito. Ang mga mata ni Perry.
Natakpan niya ng palad ang bibig sa labis na pagkabigla. Parang aatakihin siya sa puso. Hindi siya maaring magkamali dahil kilala niya ito.
“P-Perry? Ikaw nga si Perry.” Malayang nalaglag ang luha niyang kanina pa nagbabantang bumagsak. "H-Hindi! P-Paanong… Kailan mo pa ako niloloko?”
“Ito ang totoong ako. Hindi ko sinasadya. Noon ko pa ito nararamdaman. Nasa grade five pa lang tayo. Hindi ko masabi sa iyo dahil kahit sarili ko mismo ay hindi ko matanggap. Dahil para sa ibang tao, salot ang mga bakla. Ayokong laitin ng iba. Noong inalok kita para maging girlfriend ko, paraan ko iyon para patunayan sa sarili ko na maari akong maging tunay na lalaki. Baka nalilito lang ako at ikaw ang makakatulong sa akin para makatiyak ako sa gusto ko.
“Matagal kong nilabanan ang sarili ko. Na pilit kong idinidiin na isa akong lalaki. Pero hindi ko kinaya dahil ito ang tunay kong pagkatao. Nang sa wakas ay nagkalakas loob akong harapin ang sarili ko, nagdesisyon na rin akong magpa-sex change. Para akong nakalaya. Napakasarap ng pakiramdam. Sana naman intindihin mo ako, Pepper. Huwag mo akong kamuhian. Maging masaya ka para sa akin.”
Nanikip ang dibdib niya sa labis na sakit. “Labinlimang taon, Perry. Napakatagal na panahon mo akong pinaghintay. Ginawa mo akong tanga. Ginamit mo lang ako para pagtakpan ang pagkatao mo! Pinaasa mo ako sa wala.” Pinalis ang luha at tumuwid ng upo. Dahan-dahang naglaho ang sakit at napalitan ng labis na galit. Galit sa taong minsan niyang minahal. “Manggagamit ka! Hindi mo agad sinabi sa akin. Para nga naman kapag nagdesisyon kang maging tunay na lalaki, nandito pa rin ako at mukhang tangang paniniwalain mong mahal mo. Makasarili ka. Sarili mo lang ang inisip mo, Perry. O dapat pa nga ba kitang tawaging Perry? Dapat yata Penny na.”
Nakagat nito ang labi. “Naisip ko na baka mainip ka na sa paghihintay. Matagal ang labinlimang taon. Baka sa mga panahong iyon ay nakahanap ka na ng lalaking totoong magmamahal sa iyo.”
“Ngayong nagkamali ka ng akala, ano ang magagawa mo para sa akin? Siguro kung may lalaking para sa akin, nagpakasal na siguro siya sa iba o kaya ay nagpari na lang dahil tanga akong naghihintay sa iyo. Sabihin mo ngayon kung saan ako pupulutin? Sa palagay ko masyado nang huli para hanapin ko pa ang lalaking magpapasaya sa akin. Dahil sa iyo! Manloloko!”
Nagtatakbo siya palayo. Wala siyang pakialam sa direksiyon kung saan siya dinadala ng kanyang paa. Ang mahalaga ay makalayo siya dito at sa lugar na iyon. Hindi niya alam kung saan siya pupunta.
Parang bumagsak ang mundo niya. Isa siyang malaking katatawanan. Pakiramdam niya ay pinagtatawanan siya ng buong mundo. Matagal na niyang inasam na magkita sila. Para makasama ito. Pinangarap niyang bubuo sila ng pamilya. Pero naglahong lahat ang pangarap niya.
Wala sa sarili siyang tumawid ng kalsada. Halos hindi niya narinig ang pag-angil ng gulong at sigaw ng lalaking galit na galit. Gusto na niyang mawala ang sakit na kanyang nararamdaman. Siguro ay magpapasalamat pa siya kung hindi na nagpreno ang sasakyang iyon at tuluyan na siyang sinasagaan.
Anumang mangyari sa gabing iyon, kasalanan ni Perry ang lahat.