Chapter Pepper’s Chase: 12

NAGSE-CELEBRATE si Chase kasama ang mga kaibigan noong high school. Nakapagsara sila ng isang malaking deal. Construction firm nila ang hahawak ng project para sa isang malaking theme park.

Pawang mga katropa rin niya ang kanyang kasama sa trabaho. Bago sila magtapos ng high school ay napagkasunduan na nila kung anong kurso ang kukunin sa kolehiyo. Para kapag nakakuha na sila ng experience at sapat na ang kanilang naipon ay makakapagpatayo sila ng sarili nilang negosyo.

“Cheers!” anang mga ito kasunod ng pingkian ng mga baso.

“Huwag pa tayong masyadong magsaya. Nagsisimula pa lang tayo. Marami pa tayong kailangang maipasang bid para lubusang makilala,” sabi niya.

Hindi madaling makipag-kompitensiya sa mga kompanyang matagal at matatag na sa bansa. Ang advantage nila ay maganda ang kanilang team work at makabago ang kanilang mga ideya.

Tinapik siya ni Ken. “Huwag kang masyadong seryoso. Nandito tayo para mag-relax at mag-celebrate. Isang malaking accomplishment na tayo ang manalo sa bidding.”

“Wala ka kasing girlfriend,” dagdag ni Allan. “Puro ka trabaho. Bakit hindi ka tumulad sa amin? Pagkatapos ng trabaho, may diversion.”

Napailing siya. Minsan ay nagsisisi siya kung bakit naging palikero ang mga kaibigan. Nahawa ng kalokohan sa kanya noong mga bata pa sila. Kaya hanggang pagtanda ng mga ito ay wala pa ring mga balak na magseryoso.

Samantalang siya ay wala pang balak na magkaroon ng seryosong nobya dahil nagsisimula pa lang siya na paunlarin ang negosyong itinayo. Kung papasok siya sa pakikipag-relasyon sa isang babae, titiyakin niyang hindi siya makikipaglaro. Treinta y dos na siya kaya dapat lang na ang hanapin na niyang babae ay hindi panandalian. Kundi ang babaeng ihaharap niya sa altar.

Gusto sana niyang sabihin iyon sa mga ito nang mahagip ng mga mata niya ang isang pigura babaeng nakaupo sa bar stool sa di kalayuan. Naka-berde backless gown. Naintriga siya sa mahaba at kulot nitong buhok na tumatakip sa bahagi ng likuran nito.

Parang may sumipa sa kanyang dibdib nang makita ang buhok na iyon. Mahilig siya sa mga babaeng tuwid at maitim ang buhok. Katulad ng mga commercial model ng shampoo. But there’s something about that hair that intrigued her. Isa pa, masyado itong pamilyar sa kanya subalit hindi niya alam kung saan niya nakita.

Tumayo siya. “Excuse me. May titingnan lang ako.”

Napasipol si Devin. “Babae ba?”

Ngiti lang ang nagawa niyang isagot at iniwan ang mga ito. Matagal na siyang nawalan ng hilig sa babae mula nang mangako siya sa sarili na uunahin muna ang pagpapalago ng negosyo bago makipag-relasyon. Ilang beses din siyang naakit subalit lagi niyang nalalabanan ang temptasyon. Ngayon lang niya hindi nalabanan.

Nagmamadali siyang lumapit sa bar nang hindi hinihiwalayan ng tingin ang babae. Kailangan niyang makilala ang babaeng pumukaw sa kanyang interes.

Um-order siya ng brandy sa bartender at bahagya itong sinulyapan. Maganda ang mga mata nito at malalantik ang mga pilik-mata. Katamtaman ang tangos ng ilong at mapula ang makipot na labi. Lumutang ang kaputian nito sa suot na dark green na gown. Lalo pa itong naging kaakit-akit dahil sa buhok nito.

Subalit mukhang hindi nito napapansin na kanina pa nito nakukuha ang atensiyon ng mga kalalakihan sa bar. Sunud-sunod ang pagtungga nito sa tequila. Parang nilulunod ang sarili sa alak.

Sa palagay niya ay malalim ang problema nito dahil bakas pa ang luha sa mga mata nito. Marahil ay nakipaghiwalay ito sa nobyo. Napakatanga namang lalaki ang gagawa niyon. Kung siya ay hindi niya pakakawalan ang ganitong babae.

“Hi, Miss. Are you alone?” aniya sa suwabeng boses na nagagawang makapag-palimot sa maraming babae ng pangalan nito.

“Obvious ba?” mataray na sabi nito. “Nakitang mag-isa lang, nagtatanong pa.”

Hindi niya alam kung matatawa o mapapangiwi sa katarayan nito. Bukod kay Pepper ay ngayon lang may nagtaray na babae sa kanya. Ni hindi ito naakit sa boses niya at hindi siya tinapunan kahit sulyap. Sa tingin niya ay nawawalan ng epekto ang kanyang karisma. Subalit hindi siya susuko. Hindi siya magiging si Chase Almenderoz kung hindi siya marunong magpaamo ng babae.

“May I join you then?”

“Bakit ba napakakulit mo?” Matalim siya nitong tiningnan. Maya maya’y namungay ang mga mata nito at ngumiti. “Chase, my friend!”

Nagulat siya nang yakapin nito at tapikin sa likod. Isang simpleng yakap iyon pero sapat na upang gisingin ang kanyang pagkatao. Sino ito? At bakit kilala siya nito?

“Miss, hindi ko alam…”

Kumalas ito sa kanya at lumabi na parang batang nagtatampo. “Miss? Hindi mo ako kilala? Close tayo di ba?” Pinagdikit nito ang dalawang daliri. “Ganito tayo ka-close.”

“Pero hindi kita kilala,” giit niya.

Kung ganito kaganda ang isang babae, imposibleng makalimutan niya. Wala pa siyang nagiging nobyang kulot ang buhok kaya malabong naging nobya niya ito. Saan ba niya ito nakilala? Hindi yata niya matandaan.

Humalakhak ito. “Tanga. Kilala mo ako. Ako ang may kagagagawan diyan sa peklat sa kamay mo.” Hinawakan nito ang kanang kamay niya at itinaas. “Ayan, o! Ngipin ko ang nakabakat diyan,” pagmamalaki nito.

Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa kamay at dito. “Pepper?”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.