Chapter Pepper’s Chase: 13

“That’s me!” Binitawan nito ang kamay niya at binalikan ang alak. “Lasing ka na siguro kaya hindi mo ako nakilala. Ako, hindi pa ako lasing dahil nakilala pa kita.” Idinikit nito ang baso sa baso niya. “Tagay pa tayo!”

Natulala siya dito habang tinutungga nito ang double shot ng tequila at nagpa-refill sa bartender. Iba ang itsura nito kaysa sa Pepper na lagi niyang binubuska. She looked sophisticated. Hindi nagra-riot ang kulot na buhok nito. Mamula-mula rin ang maputing balat nito dahil sa nainom na alak subalit lalong tumingkad ang ganda nito.

At dahil namumungay ang mga mata nito, mukha rin itong nang-aakit. Ininom niya ang in-order na brandy at um-order pa ng panibago. Iyon lang ang magagawa niya para hindi maakit dito. She looked so seductive.

“Anong ginagawa mo dito? Bakit ka naglalasing?”

“Hindi ako naglalasing,” anito sa garalgal na tinig. “Nagsasaya ako.”

Kumunot ang noo niya. “Hindi ka nagsasaya. Naglalasing ka. Delikado ang ginagawa mo?”

Hindi marahil nito pansin ang malisyosong tingin ng mga kalalakihan sa bar. Hindi mabuti para dito na uminom nang mag-isa. Ni hindi naisip ang panganib na nakaamba dito kung ipagpapatuloy nito ang pag-inom nang mag-isa.

Inagaw niya ang baso mula dito. “Stop it, Pepper! Wala ka na sa sarili mo.”

Binawi nito ang baso mula sa kanya. “Akin ito! Um-order ka ng sarili mo.”

“Ano ba ang nangyayari sa iyo? Bakit ka nagkakaganyan?”

Ang Pepper na kilala niya ay hindi ang tipo ng babae na nagpapatalo sa alak. Masyado itong matapang para doon.

Humikbi ito. “Niloko ako ni Perry.”

He wanted to tell her ‘I told you so’. Hindi ito nakinig sa kanya nang balaan niya ito. Masyado na itong nasaktan para tuyain pa niya kaya hindi na niya itinuloy. Kung tutuusin ay wala siyang ideya na magkakatotoo ang pagsasabi niyang hindi ito pakakasalan ni Perry at tatandang dalaga ito. Iniinis lang niya ito. Nagi-guilty tuloy siya.

Ayaw niya sa lahat ay makakita ng babaeng umiiyak. He felt somewhat responsible. Lagi niya itong tinutuksong matandang dalaga. Parang kasalanan na rin niya kung magkatotoo iyon.

Gusto niyang kabigin ito sa kanyang dibdib at sabihing maaayos din ang lahat. Subalit pinigil niya ang sarili. Hindi niya maipapangakong mapangangalagaan ito. Mabuti nang hindi sumayad ang kamay niya dito.

“Alam mo bang pinaghandaan ko ang gabing ito? Gusto kong siya ang pinaka-unang makasama ko sa birthday ko,” salaysay nito habang nakatitig sa baso ng tequila. “Siyempre, inaasahan ko pa na magpo-propose siya ng kasal sa akin. Iyon lang ang naiisip kong dahilan kung bakit bumalik siya sa Pilipinas. Hinintay ko siya sa restaurant. Tapos may magandang babaeng lumapit sa akin at tinanong kung ako si Pepper. Iyon pala ang babaeng iyon ay…”

Naputol ang sasabihin nito at humagulgol. Mukhang hindi na nito kaya pang ipagpatuloy ang katotohanan kaya siya na ang lakas-loob na nagtuloy.

“Girlfriend ba niya?”

Umiling ito.

“A-Asawa?”

Humagulgol ito.”Hindi!”

“Pwes, ano ang dahilan kung bakit hindi ka niya maaring pakasalan. Kaanu-ano ba niya ang babaeng iyon?”

Humigpit ang hawak nito sa baso ng tequila. “Siya si Perry.”

Napaawang ang labi niya sa labis na pagkagulat. “Ibig sabihin isa siyang…”

Sumubsob ito sa bar at nag-iiyak. “Hindi na siya si Perry. Siya na si Penny. Mas maganda pa nga siya sa akin. Manloloko siya! Hinintay ko siya sa loob ng maraming taon. Umaasang pakakasalan ako at magkakaroon kami ng maraming mga anak. Pero hindi na magkakakatotoo pa iyon dahil nagpa-sex change na siya two years ago. Baka nga ang picture na ipinadala niya sa akin noon ang pinakahuli niyang picture bilang lalaki. Pero ilusyon na lang iyon. Babae na siya.”

Hindi niya napigil ang sarili at kinabig ito ng yakap. “Tumahan ka na. Everything will be okay,” pang-aalo niya.

Kumalas ito sa yakap niya. “Anong okay? Ilang minuto na lang at twenty nine na ako. Matandang dalaga na ako. Wala na akong tsansa na makahanap ng lalaking magpapakasal sa akin. Dapat magsaya ka dahil ito ang gusto mo. Nagdilang-anghel ka.”

Tinamaan siya sa pasaring nito. “Hindi totoo iyan. Hindi ko naman sinasadyang saktan ka,” aniya sa malumanay na tinig. Hindi niya hiniling na masaktan ito.

Umiling ito at pilit na ngumiti. “Hindi mo ako sinaktan. Ang totoo, ipinakita mo lang sa akin ang totoo. Sino nga ba naman ang magkakagusto sa akin? Pangit ako.”

Hinaplos niya ang pisngi nito. “Hindi ka pangit. Hindi mo lang alam kung ilalabas ang tunay mong ganda.”

Subalit ngayong nakita na niya ang totoo nitong ganda, ngayon mismo ay maraming maaring mag-propose ng kasal dito. It felt like a kick in the gut. Parang gusto niya itong itago sa mundo para huwag nang makita ng iba. He suddenly felt possessive.

Pumikit ito at idiniin ang pisngi sa palad niya. As if she was luxuriating his touch. “Totoo bang maganda ako?”

Gusto niyang bawiin ang kamay mula dito. Subalit hindi niya magawa. He liked to touch her soft skin.

“Oo. Kapag may nagsabing pangit ka, sasapakin ko,” aniya. Pilit siyang nagpapatawa upang mapagtakpan ang pagkaakit na nararamdaman para dito.

Dahan-dahan itong dumilat. Naramdaman niya ang paggapang ng kamay nito sa kanyang dibdib. “Gusto mo ba ako, Chase?” pabulong nitong tanong.

Nanuyo ang kanyang lalamunan. Inaakit siya ng tingin nito. Nahahati ang sarili niya kung dapat niyang sagutin ang tanong nito. Kapag sinabi niyang ‘oo’, baka hindi na niya magawang kontrolin ang mga susunod na pangyayari.

“Pepper…”

Lumayo ito sa kanya na anyong nasaktan. “Siguro bading ka rin tulad ni Perry kaya hindi mo ako gusto. Wala na bang natitirang totoong lalaki sa mundo? Talaga bang naubusan na ako?”

“Hindi ako bakla!” tutol niya.

Tinitigan siya nito sa nang-aakit na mga mata. “Patunayan mo.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.