Hindi na niya makapa sa isip ang pag-angkin nito sa kanya.
Umiling siya at pumikit nang mariin. “Hindi. Hindi totoo ang sinasabi mo,” mariin niyang sabi. “Walang nangyari sa atin. Sinungaling ka talaga!”
“Sinasabi mo lang iyan dahil wala kang maalala.”
Dumilat siya. “Naalala ko na ang nangyari kagabi. We may have been intimate last night but the most crucial part didn’t happen.”
“Hindi pa kumpleto ang memorya mo,” anito at dahan-dahang lumapit sa kanya. “I can help you remember anyway.”
Naalarma siya at naglakad paurong. “A-Ayoko!” sigaw niya at nagtatakbo siya palabas ng kanyang silid. Mabilis niyang isinara ang pinto at sumandal doon. Habol pa rin niya ang hininga.
“Anong nangyayari sa iyo?”
“Hindi kita papayagang sayaran ako ng daliri mo. I’ll kill you!”
Humalakhak ito. “Akala ko gusto mong makaalala. Bakit ngayon takot na takot ka? O baka natatakot kang malaman ang totoo?”
“Kung gugustuhin ko mang makaalala, hindi sa pamamagitan ng replay mo! Mapagsamantala!” sigaw niya.
“Hindi ba ikaw iyon?” nanunukso nitong tanong.
Mapagsamantala daw siya. Napakakapal ng mukha nito. Nagpupuyos niyang binuksan ang pinto. “Lumayas ka sa bahay ko! Ayoko nang makita ang mukha mo!”
“Wearing this?” tukoy nito sa slacks na tanging suot nito.
Nakalimutan niyang nasa isa siyang disenteng pamayanan. Baka mamaya ay ma-eskandalo ang kanyang mga kapitbahay. Tiyak na pagpipiyestahan ng mga ito ang paglabas sa kanyang bahay ng isang lalaki kalahati lang ng katawan ang natatakpan.
“Make yourself decent and get out of my house.”
Ngumiti lang ito at itinaas ang dalawang kamay. “Pwede bang maki-shower muna bago umalis? Baka gusto mo akong samahan sa shower,” alok nito na may kasamang kindat. Matalim niya itong tinitigan. Nagkibit-balikat ito. “Okay, kung ayaw mo akong sabayan, pwede bang ipagtimpla mo na lang ako ng kape? Black please.”
Nanggigigil niyang isinara ang pinto. Narinig pa niya ang maskuladong halakhak nito. Malaki ang problemang kakaharapin niya. Kailangang pakiusapan niya si Chase na huwag ipagsabi kahit kanino ang nangyari sa kanila. Kung totoo itong lalaki ay hindi siya nito itsi-tsismis sa iba. As long as her secret is safe, she has nothing to worry about.
Naidiin niya ang hawak sa sentido nang may nag-doorbell. Masyado maaga para magkaroon siya ng bisita. Laking gulat niya nang bumungad ang kuya at tatay niya.
“Happy Birthday!” sabay na bati ng mga ito at niyakap siya.
SHOCK si Pepper. Ni hindi niya nagawang sagutin ang bati ng mga ito. “Kuya? ‘Tay? Ano pong ginagawa ninyo dito?”
“Bakit parang nagulat ka?” sabi ni Mang Damian. “Natural lang na batiin ka namin dahil birthday mo ngayon.”
“Bakit po hindi kayo nagpasabing darating kayo?”
Pasimple siyang lumabas at isinara ang pinto. Nasa loob pa rin si Chase at nagsa-shower. Paano kung bigla itong lumabas? Tiyak na pareho silang mapapahamak.
“Gusto ka naming sorpresahin,” sabi ni Leonard. “Excited na si nanay na makibalita sa date ninyo ni Perry kagabi. At ipinatatanong din niya kung maidadala mo siya sa bahay mamaya para sa birthday mo.”
“H-Ha?” usal niya. Umaasa nga pala ang mga ito na may magandang resulta ang pagkikita nila ni Perry.
“Bakit nga pala dito tayo nagkukwentuhan?” sabi ni Mang Damian at pilit na sumilip sa bintana.
Mabilis niyang hinarangan ang tingin nito. Baka mamaya ay lumabas si Chase at masilip nito. “P-Pero Tay…”
Kumunot ang noo nito. “Bakit parang ayaw mo kaming papasukin ng kuya mo? May itinatago ka ba sa amin?”
“W-Wala po. Nakakahiya lang po na papasukin kayo dahil mamaya pa darating si Aling Mameng para maglinis. Magulo pa po sa loob.”
Pinisil nito ang balikat niya. “Wala iyon, anak. Sanay na kami sa iyo.”
Hindi na niya nagawa pang pigilin ang mga ito nang magtuluy-tuloy sa loob. Subalit ang Kuya Leonard niya ay hindi inaalis ang tingin sa labas.
“Pepper, kaninong kotse ang nakaparada sa tapat ng bahay mo?”
Nakagat niya ang labi nang makita ang silver na Toyota VIOS ni Chase sa harap ng bahay niya. “Ah, baka sa bisita ng kapitbahay ko. Minsan kasi diyan na nakikiparada sa tapat ko.”
“Pamilyar sa akin ang kotse,” puno ng hinalang sabi nito.
Abot-abot ang dasal niya na sana’y di lumabas si Chase kung gusto pa nitong mabuhay nang matagal sa mundo. Tiyak na hindi ito iiwang buhay ng tatay at kuya niya oras na mahuli sila.
“Kuya, bago ang ganyang model. Maraming ganyan.”
“Sabagay,” anito. “Hindi kami magtatagal. Ipinatatanong lang ni nanay kung may gusto ka pang ipaluto. Kami kasi ang pinamimili niya ng gagamitin sa handa mo.”
“Wala na,” agap niyang sagot para matapos ang usapan. Nagtungo siya sa pinto at binuksan agad iyon. “Tama na iyong napag-usapan namin noong nakaraang araw. Mag-ingat ka sa pagmamaneho, kuya. Magkita-kita tayo sa bahay mamaya.”
“Hindi ko pa nakukumusta ang date ninyo ni Perry,” tutol ni Mang Damian.
“Mamayang gabi na lang po, Tay. Para sabay-sabay na ninyong malaman.” Hinalikan niya ito sa pisngi. “Magpaguwapo kayo para sa akin.”
Nakahinga siya nang maluwag dahil sa wakas ay aalis na rin ang mga ito nang hindi nalalaman ang tungkol kay Chase. Sinuswerte pa rin pala siya. Pagkatapos nitong mag-shower ay ito naman ang susunod niyang palalayasin. Para kasama na rin ito kapag idinispatsa niya ang kanyang mga problema.
Palabas na ang mga ito nang marinig niya ang boses ni Chase. “Pepper, pwede bang ikaw na ang kumuha ng extra shirt sa kotse ko?” sigaw nito. Sumulpot itong basa pa ang buhok nito at walang suot na pang-itaas. Sa isang kamay ay hawak nito ang sirang polo. “Nasira mo kasi ito kagabi…”
Natigilan ito nang makita ang kuya at tatay niya. Na-estatwa lang ito habang nakatitig sa kanila. Nakamulagat naman ang kuya at tatay niya dito.
“Chase?” anang si Mang Damian.
Tumiim ang tingin ng kuya niya. “Anong ginagawa mo dito?”