Chapter Pepper’s Chase: 17

“SOLD OUT!” tuwang-tuwang sabi ni Chase kay Pepper nang lumabas sila ng gallery kung saan idinaos ang glass sculpture exhibit. It is not a one-man show. May iba pa siyang artist na kasama. But she stood out dahil gawa niya ang unang naubos.

“Paanong hindi mabibili, inimbita mo yata lahat ng mga koneksiyon mo,” sabi niya. “Nagmakaawa ka pa yata sa kanila na bilhin ang gawa ko.”

Ayaw sana niyang dumalo sa exhibit dahil hindi siya mahilig makihalubilo sa maraming tao. Subalit pinilit siya nito at ipinakilala ang mga kaibigan at kakilala nito sa business circle. Lahat ng mga ito ay pinuri ang gawa niya. Ang hindi niya inaasahan ay bibilhin ng mga ito ang gawa niya.

“Wala ka bang tiwala sa sarili mo? When your works were declared sold out, some were even asking if they could commission you to work for them. Kahit ilan sa mga kliyente namin, gustong magpagawa ng glassworks. Instead of glass paintings, glass sculpture mo na lang ang gagamitin.”

Bahagya niyang ihinilig ang katawan dito. Kulang isang buwan ay ikakasal na sila. Malaki na ang ipinagbago ng pakikitungo nila sa isa’t isa. Mas naging close sila. Nag-iinisan pa rin sila paminsan-minsan pero nasasakyan na niya ang mga biro nito.

“Mahihintay ba nilang matapos ang kasal natin?” tanong niya.

“That’s exactly what they told me. Hihintayin daw nilang makabalik tayo sa honeymoon saka mo pwedeng simulan ang mga order nila.”

Ginagap niya ang kamay nito. “Thank you.”

“For what?” nagtatakang tanong nito.

She smiled softly. “For being there.”

He inspired her a lot. Kapag masama ang mood niya, pinapatawa siya nito. Kapag gusto niyang mapag-isa, hindi ito nangungulit at hinahayaan siya. Kung gusto niya itong makausap dahil wala siyang ganang magtrabaho, tinatawagan niya ito. Kinakausap siya nito kahit gaano pa ito ka-busy. Pagkatapos nilang mag-usap, nagkakaroon na siya ng panibagong lakas para magtrabaho.

He did not only try to understand her. He also opened doors para mas makilala pa siya at ma-appreciate ng ibang tao ang art niya.

Pinisil nito ang kamay niya. “It’s nothing. Basta makita lang kitang ngumiti, kahit wala nang thank you.” Binuksan nito ang pinto ng kotse. “Gusto mo bang lumabas tayo para mag-celebrate o gusto mo nang magpahinga?”

Napahikab siya pag-upo nito sa manibela. Gusto pa niyang makasama ito nang mas matagal pero sa tingin niya ay makakatulog siya sa sobrang pagod.

Tumawa ito at hinaplos ang buhok niya. “Mabuti pa matulog ka na lang at gigisingin kita kapag nasa inyo na tayo.”

“Sorry,” aniya sa namumungay na mata. May inilabas siyang kahon mula sa handbag. “Take this.”

“Para saan ito?” nagtataka nitong sabi. May kalakihan ang kahon at nagulat ito nang maliit na crystal sculpture ang laman niyon.

“This is my way of thanking you for everything. Sa pagpapasensiya kapag ginugulpi kita. Sa pagpapatawa kapag hindi ko gustong ngumiti. At siyempre, sa pagdadala ng pagkain.”

Siya mismo ang gumawa ng sculpture. It was made of crystal instead of glass. Gumagawa siya ng crystal sculpture para sa espesyal na tao. It was hand-blown. Napaka-sensitibo. Kaya kahit maliit ay puno ng foam ang lalagyan upang hindi masira.

Wearing a childish grin, he raised the glass sculpture to the light. “It’s cute,” parang batang sabi nito. “It’s like a little Pepper.”

Gulat siyang napalapit dito at pinagmasdan ang imaheng gawa niya. “That is an angel,” pagtatama niya. “Kita mo nga may pakpak. Bakit mo naman naisip na ako iyan?”

Hinawakan nito ang buhok niya. “Kulot kasi.”

Nagsalubong ang kilay niya. “Kulot pala, ha. Kurot, gusto mo?”

Natatawa siya nitong kinabig at kinintalan ng halik sa ibabaw ng kanyang buhok. “Thank you. Sana hindi ka na nag-abala. Pwede naman sa akin ang kiss.”

Lumayo siya dito at umingos. “Ayoko nga.”

He gave out a sexy laugh and turned on the ignition key. “Saka na lang kapag hindi ka na nahihiya.”

May halong inis niya itong tiningnan. Ungas, hindi mo man lang ako pinilit. Nagpapakipot lang ako, sumuko na naman agad.

He kissed her, alright. But those are harmless, affectionate kisses. It was either a peck on her cheek, her temple or at the top of her head. Subalit ni minsan ay hindi nito tinangkang angkinin ang labi niya sa maalab na paraan.

May pagkakataon na kakausapin siya nito nang magkalapit ang kanilang mukha at nasasamyo niya ang hininga nito. Akala niya ay hahalikan siya nito. Pero lalayo na lang ito sa kanya at iiwan siyang naghahabol ng hininga.

So much for chivalry. She thought it was too late for that. Ipokrita siya kung hindi niya sasabihing lagi niyang hinihiling na sana ay halikan ulit siya nito.

Humalukipkip siya. “Umuwi na tayo,” pormal niyang sabi.

Sinira na nito ang mood niya. Alam niyang kahit paano ay iginagalang siya nito. But that’s one thing that annoyed her. Nahiling niya na subukan nitong humingi ng halik sa kanya, hindi siya kokontra. Subalit sa palagay niya, siya ang hinihintay nitong lumapit.

“Okay,” kaswal nitong sabi at di na nakipagtalo.

Ipinikit niya ang mga mata. Kapag nakapag-ipon siya ng lakas ng loob, iyon mismo ang gagawin niya. Siya ang lalapit. It’s about time that she meets him halfway.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.