“Huwag mo akong baligtarin!” sigaw niya dito.
Mas gusto niyang magpakasal sa isang lalaking hindi siya mahal at hindi rin niya mahal. Kaysa malaman na mahal niya ang lalaki pero hindi naman siya nito mahal. Kaya lang ito hindi tumutol sa pagpapakasal sa kanya ay dahil gusto lang nito ang katawan.
“Anong baligtarin? Hindi talaga kita maintindihan.”
“Go to hell, Chase!” sigaw niya.
Pinigilan nito ang braso niya nang palabas na siya ng pinto. “Hindi pa tayo tapos mag-usap. Huwag ka munang umalis,” anitong may halong pagmamakaawa.
Ipiniksi niya ang kamay. “Huwag mo akong hahawakan, Chase. Sa totoo lang, ayoko nang makita ang mukha mo kahit kailan. The wedding is off.”
HINAYAAN ni Pepper na tangayin ng hangin ang kanyang buhok. Nakaupo siya sa batuhan na sinasalpok ng malakakas na alon. Hindi niya inalis ang mata sa malawak na karagatan. Masarap din ang pakiramdam ng pagtama ng malakas na dapyo niyon sa kanyang mukha. Nakakapagpakalma ng isip.
“Sinabi na nga ba’t nandito ka na naman. Hindi ka ba nagugutom?”
“Perry?” aniya at nilingon ito. Kahit babae na ang anyo nito ay tinatawag pa rin niya ito sa orihinal nitong pangalan. “Hindi ako nakakaramdam ng gutom kapag nandito ako.” Ang totoo ay nakakalimutan niya ang mundo kapag naroon siya.
Gusto niyang lumayo para makapag-isip at hanapin ang sarili. Naalala niyang may resthouse si Perry sa Gumaca, Quezon kung saan ito naglalagi. She needed a place where nobody can trace her. Walang sinuman ang mag-iisip na naroon siya.
Mula nang itakda ang kasal nila ni Chase ay maluwag niyang tinanggap sa kalooban ang pagkatao ni Perry. Wala na siyang maramdamang galit dito. Nangibabaw sa kanya ang pang-unawa. Isa pa, itinuring rin niya itong matalik na kaibigan. Bukod kay Diane, alam niyang ito lang ang taong nakakaintindi sa kanya.
Umupo ito sa tabi niya. “Hanggang kailan ka dito?”
Bahagya niya itong nilingon. “Itinataboy mo ba ako?”
Halos isang linggo na siyang nakikituloy sa isa sa mga cottage ng resort nito. He accepted her with open arms, no questions asked. Bagamat nai-kwento niya ang tungkol sa kanila ni Chase. Naintindihan nito na kailangan niyang mag-isip.
Laging ganoon si Perry. Nakikinig lang. Hindi ito nagpapayo. Hinahayaan siyang magdesisyon sa sarili niya.
“Bakit kita itataboy?” natatawang sabi nito. “Natutuwa ako na nandito ka. Pero baka nakakalimutan mo nang may totoong mundong naghihintay sa iyo. Baka nag-aalala na sa iyo ang mga naiwan mo.”
Nag-iwan siya ng sulat bago umalis. Sinabi niya na babalik siya kapag tapos na siyang mag-isip. Maybe her family would think that it was bridal jitters. At tungkol kay Chase na hindi marunong mag-isip, problema na nito kung bakit siya umurong. Simpleng mensahe lang hindi pa nito nakuha.
“Alam kong maiintindihan nila ako.” Kumuha siya ng bato at ihinagis sa dagat. “Sanay na sila sa akin. May mga oras na gusto kong mapag-isa para mag-isip.”
“Pero hindi ka nag-iisip. Isinasara mo ang isip mo. Pinipilit mong kalimutan ang problema. You came here to escape from the problem. Bakit hindi mo harapin?”
Pinuno niya ng hangin ang dibdib. “Dahil natatakot ako. Iniisip ko kung dapat ko pang ituloy ang pagpapakasal kay Chase.”
Minsan naiisip niyang malas siya pagdating sa lalaki. Una, si Perry na minahal niya sa loob ng ilang taon ay naging babae. Pangalawa, si Chase ay lumalabas na katawan lang ang habol sa kanya. Mukhang nakatakda nga siyang tumandang dalaga. Wala nang lalaking magmamahal sa kanya.
“I know you were waiting for those three magic words,” sabi nito. “Pero may iba talagang lalaki na hindi magaling magsalita. Bakit hindi mo siya tinanong?”
“Automatic iyon. Dapat sinabi na niya sa akin. I gave myself to him, Perry. Hindi ko na kailangan pang sabihin sa kanya ang dapat niyang sabihin.”
Bumuntong-hininga ito. “Alam nating pareho na hindi iyon ang totoong dahilan.”
Nakagat niya ang labi at napayuko. “Okay, aaminin ko na. Natatakot akong marinig mula sa kanya na hindi niya ako mahal. Alam mo ba ang pakiramdam na iyon?”
Minsan na niyang naranasan kay Perry. Ayaw na niyang maramdam pa ulit. Masakit na marinig ang totoo.
“Sa tingin mo ba tama ang ginagawa mo? Hinusgahan mo agad siya at iniwanan. Ni hindi man lang ninyo pinag-usapan. Walang mangyayari kung puro takot ang paiiralin mo. Nagagalit ka sa kanya dahil maaring hindi ka niya mahal. Bakit hindi mo muna tanggalin ang galit mo. Hindi ba nagawa mo iyon sa akin?”
“Magkaiba kayo, Perry. Sinabi mo sa akin ang dapat kong marinig. Samantalang siya, hindi niya masabi ang gusto kong marinig. Minsan pakiramdam ko pinaglalaruan lang niya ako. Isa pa, masyadong masakit ang ginawa niya. Walang kapatawaran. Wala na siyang ginawa kundi saktan ako.”
“Mali ka. Mas masakit ang ginawa ko sa iyo. Ilang taon kitang pinaasa. Maraming panahon mo ang sinayang ko. Kaya hindi ako matatahimik hangga’t hindi mo natatagpuan ang kaligayahan mo.”
“Perry…”
“Subukan mong tangga
lin ang galit sa puso mo. Lakasan mo ang loob mo at kausapin mo siya. Balikan mo ang gabing ibinigay mo ang sarili mo sa kanya. Bakit mo ginawa iyon?”