“Natutuwa ako dahil naisama ka ulit ng anak ko,” nakangiting sabi ni Doña Aurelia, ang Mama ni Siege, habang naghahapunan sila. “Sinabi ko sa kanya na hindi ka niya pwedeng iharap sa akin nang hindi ka pa niya girlfriend.”
Saglit lang dumaan sa diwa ni Meredith ang sinabi nito. Binabagabag siya ng maari pang mangyari kina Corrine at Emer. Nang huling tumawag siya ay inaagapan ang pamumuo ng dugo sa utak ni Emer. Subalit walang katiyakang ibinigay ang doktor na makakaligtas ito matapos ang operasyon.
“Meredith, kinakausap ka ni Mama,” bulong ni Siege na katabi niya.
Nang umalis sila sa ospital ay hindi niya inaasahan na dadalhin siya nito sa bahay ng pamilya nito at sasabihin sa Mama nito na magkasintahan na sila. Ngunit wala siyang pagtutol. Ni hindi rin siya makausap nang matino dahil lumilipad ang isip niya.
“Ha?” gulat niyang sabi at napatingin kay Doña Aurelia na parang hinihintay ang reaksiyon niya sa anumang sinabi nito. Pilit siyang ngumiti. “Pasensiya na po. Hindi ko po masyadong narinig ang sinasabi ninyo.”
Nakakaunawa itong tumango. “Naiintindihan ko ang pinagdadaanan mo, hija. Nag-aalala ka siguro sa nangyari sa kapatid mo. I hope that everything will be okay.”
“Thank you po,” usal niya.
Kahit hindi na siya umaasang maaayos ang lahat. Ayaw niyang maging negatibo. Ayaw din niyang mapahamak si Emer dahil mahal ito ng kanyang kapatid. Subalit may magagawa pa kaya sila para pigilan ang masamang tadhana?
“Sa maniwala ka at sa hindi, ikaw ang first girlfriend ng anak ko,” kwento ni Doña Aurelia. “Hindi iyan nanliligaw noong bata pa. Napakapihikan kasi sa babae. Bukod pa sa malaki ang inaasahan ng Papa niya sa kanya. Mas gusto niyang mag-concentrate sa pag-aaral at pagtatrabaho. Pero nang makita ka niya noong nag-OJT ka sa Torch, sinabi niya sa akin na nakita na niya ang babaeng pakakasalan niya. Kaso torpe. Natatakot nga ako na tumandang binata siya sa tagal niyang manligaw sa iyo. Nainip na ako. Sa wakas girlfriend ka na niya. Kailan ba ninyo balak magpakasal?”
Ginagap ni Siege ang kamay niya. “Sa lalong madaling panahon po sana, Mama. We are not getting any younger. Gusto ko na po sanang magkaroon na kayo ng apo. But of course, si Meredith ang magde-desisyon kung kailan niya gustong magpakasal.”
Bumaling si Doña Aurelia sa kanya. “Meredith, kailan mo gustong magpakasal?”
Pinisil ni Siege ang kamay niya nang hindi siya makasagot. “Tinatanong ni Mama kung kailan mo raw gustong magpasakal.”
Napapitlag siya. “Kasal?” wala sa sariling usal niya.
Ginapangan siya ng kakaibang takot. Takot na noon lang niya naramdaman sa buong buhay niya. Takot na mas matindi kaysa tuwing nasasambit lang ang simpleng salita ng kasal. Dahil sa pagkakataong ito ay kasal na niya ang pinag-uusapan. Kumislap sa isip niya sina Corrine at Emer. Dahil sa nalalapit na ang kasal ng mga ito ay nakabingit ang buhay ng huli. Nagbabantang kuhanin ng kamatayan mula sa kapatid niya.
Pinagmasdan niya si Siege at nakita niya ang pagmamahal sa mga mata nito. Tinatanong siya nito kung kailan niya nais magpakasal. Kasal at pagmamahal. Dalawang bagay na maaring magpahamak dito dahil sa isang malupit na sumpa.
Umiling siya at ibinaba ang tingin. “A-Ayokong magpakasal,” direkta niyang sabi. Ganoon lang kasimple. Pigil ang kanyang emosyon. Walang eksplanasyon.
Narinig niya ang paghigit ng hininga ng dalawa. Naramdaman niya ang pagluwag ng pagkakahawak ni Siege sa kanyang kamay. Nararamdaman din niya ang mga mata nitong nakatuon sa kanya. Puno ng katanungan.
Tumikhim si Doña Aurelia. “Pasensiya na kung mukhang minamadali kita, hija. Mali nga naman ang timing ko sa pagtatanong sa iyo tungkol sa kasal. Bago pa lang ang relasyon ninyo at hindi ko kayo dapat madaliin. Lalo ka na. May problema pa sa pamilya ninyo. But you can’t blame me. Sampung taon ang ipinaghintay ko sa pangako ni Siege na magiging girlfriend ka niya. Hindi na ako bumabata. Nag-iisa ko siyang anak kaya siya lang ang makakapagbigay sa akin ng apo. Hindi bale. Hihintayin ko na lang ang panahon kung kailan ka handang magpakasal. Siege, I-kwento mo sa akin ang nangyari sa tour mo.”
Nanatili siyang nakayuko. Hindi niya magawang tingnan ang mga ito nang diretso sa mata at magkunwaring walang problema. Hindi kaila sa kanya na disappointed si Doña Aurelia. Mas lalo na si Siege.
Subalit hindi niya alam kung paano paglalabanan ang matinding takot na gumagapang sa kanyang pagkatao. Isang kahibangan ang sumpa ayon sa kanyang Mama. Kung may magagawa lang siyang paraan para matapos ang kahibangang iyon.
“PASENSIYA ka na kay Mama,” sabi ni Siege habang nagmamaneho na ito upang ihatid siya sa kanya condo. “Kahit ako pine-pressure niya sa pagpapakasal. Lagi niyang ipinaalala sa akin na mahigit thirty na ako. Ayaw niyang hintayin mag-forty ako bago niya makita ang mga apo niya. But of course, naiintindihan niya na hindi ka dapat madaliin. Hindi rin kita ipe-pressure, don’t worry. Saka na natin pag-usapan kapag ready ka na.”
Katatapos lang ng hapunan nila sa bahay nito. Ngunit taliwas sa kanyang natural na ugali na laging active sa mga usapan, kanina ay wala siyang kibo. Kung hindi siya tatanungin ay hindi siya sasagot. Naiintindihan nito at ng Mama nito na masyado niyang pinoproblema ang aksidente ng kanyang kapatid. Walang ideya ang mga ito na mas malalim pa doon ang bumabagabag sa kanya.