Itinuon niya ang paningin sa windshield sa harap ng sasakyan. “Wala na tayong dapat pag-usapan, Siege. Kalimutan mo na ang tungkol sa kasal.”
Tumawa ito na parang nagbibiro siya. “Ano ba ang sinasabi mo? Of course there will be a wedding. Saan pa ba tayo mauuwing dalawa kundi doon? For the meantime, we’ll set aside the issue. Pero kapag handa ka na…”
“Hindi ka ba nakakaintindi?” matigas niyang sabi. “Ayokong magpakasal!”
Pinagmasdan siya nito na parang nakita lang siya sa unang pagkakataon. “What’s wrong with you? I won’t marry your for wrong reasons. Hindi kita pakakasalan dahil may nangyari sa atin. I’m marrying you because I love you.”
Napapikit siya nang mariin. Iyon ang huling bagay na gusto niyang marinig mula dito. Dahil para iyong isang kamandag na sumisira sa isip niya.
“Take it back, Siege.”
Nilingon siya nito. “What?”
Nakuyom niya ang palad. “Don’t say you love me,” halos pabulong niyang sabi.
Masakit para sa kanyang iutos iyon. Mahal niya ito. At kahit anong pagpipigil ang gawin niya at anumang pagkakait sa sarili, matagal na niyang nahiling na marinig ang salitang iyon. Pero ngayon ay takot ang dulot sa kanya ng pagmamahal na iyon.
Masuyo nitong hinawakan ang baba niya at pilit siyang ihinarap dito. Puno ng emosyon at pagmamahal ang mga mata nito.
“But I love you. We shared an intimate night last night because I love you. I love you the first time I laid my eyes on you. And I know you love me too. Ano pa ba ang dapat nating gawin kundi ang magpakasal para pagtibayan ang pagmamahalan natin? Wala akong dapat bawiin dahil nagiging tapat lang ako sa nararamdaman ko.”
Iniiwas niya ang mukha. Ayaw niyang makita nito ang luha sa mga mata niya. Hindi niya gustong malaman nitong sa kabila ng kanyang katigasan ay nanghihina ang kanyang loob. Ayaw pa rin niyang isuko ang pagmamahal dito.
“Kung may dalawang bagay kang hindi pwedeng gawin, iyon ay ang mahalin at ang pakasalan ako,” aniya sa kontroladong tinig.
“Bakit?” tanong nito sa nasasaktang boses.
Hindi na niya napigil ang sarili at tiningnan ito. “Dahil mapapahamak ka lang, Siege. Isang malaking pagkakamali ang mahalin at pakasalan ako. Sinasabi ko ito habang maaga pa dahil ayokong mapahamak ka. Ayokong matulad ka kay Emer.”
Hinaplos nito ang mukha niya. “Meredith, huwag mo nang isipin pa ang nangyari kay Emer. Walang kinalaman ang nangyari sa kanya sa relasyon natin.” Bumuntong-hininga ito at itinigil ang sasakyan sa tapat ng building na kinalalagyan ng condo niya. “You’re just upset. Mabuti pa siguro kung magpapahinga ka muna. Sa susunod na lang tayo mag-usap. I won’t pressure you into marrying me. But we’ll talk.”
Hinalikan siya nito sa noo nang ihatid siya nito sa pinto ng kanyang condo. Parang normal lang dito na tumutol siyang magpakasal. Sana ay makuha sa pamamahinga ang problema niya. Sana paggising niya ay pwede na niyang sabihin dito na tinatanggap na niya ang alok na magpakasal dito.
Sana ay isang bangungot lang ang sumpa at magising na siya.
“EMER, gumising ka na, please. Nandito na ako,” umiiyak na sabi ni Corrine habang nasa tabi ni Emer sa loob ng intensive care unit.
Hawak nito ang kamay ng nobyo habang kinakausap. Ayaw pa sana nilang sabihin dito ang kalagayan ni Emer dahil tiyak na maghi-histerya ito. Nang bahagya itong mahimasmasan ay nagpilit itong makita si Emer. Siya ang nagbabantay dito kaya siya na ang sumama dito nang dalawin si Emer sa ICU.
Awang-awa siya habang pinagmamasdan ito. Umabot pa minsan na sinisisi nito ang sarili sa kalagayan ni Emer. Nakaligtas ito samantalang ang nobyo ay nasa malubhang kalagayan at wala pa ring malay.
Hinawakan niya ito sa balikat. “Corrine, halika na. Mas mabuti siguro kung bumalik ka na sa kuwarto mo. Kailangan mong magpahinga.”
Hindi ito bumitaw sa pagkakahawak sa kamay ni Emer. “Ayoko, ate. Dito lang ako sa tabi ni Emer. Hindi ko siya iiwan,” giit nito. Hinalikan nito ang kamay ni Emer. “Dito lang ako sa tabi mo hanggang magising ka, Emer. Gusto kong ako ang una mong makita sa paggising mo. Kaya idilat mo na ang mga mata mo, please?”
“Tama na,” bulong niya dito. “Hindi makabubuti para kay Emer kung iiyak ka. Hayaan na muna natin siya sa ngayon.”
Umiling ito. “Pero wala siyang kasama. Kailangan niya ako sa tabi niya. Baka may mangyaring masama sa kanya. Natatakot ako.”
“Corrine, sige na. Iwan na natin si Emer. Bahala na ang mga doktor at nurse sa kanya. Sa ngayon, sila lang ang makakatulong sa kanya. Saka ubos na ang oras na ibinigay sa atin ng doktor. Bumalik na lang tayo sa ibang araw.”
Nagpaalam silang dadalawin ito subalit sampung minuto lang ang taning nila upang makita si Emer. Naaawa na siya dito dahil wala na itong tigil sa pag-iyak. Minsan nga ay nahiling nito na sana ay ito na lang daw ang na-comatose.