Chapter No Me Ames: 18

Tumango ito. “Aalis na tayo pero magpapaalam lang ako kay Emer.”

Mabigat ang dibdib niya nang itulak ang wheelchair palabas ng ICU. Halos hindi matapos-tapos ang pamamaalam ni Corrine kay Emer. Kung hindi pa sila kinausap ng nurse ay hindi pa ito papayag na lumabas.

“Saan kayo galing?” tanong ng kanyang Mama nang pumasok sila ng silid. “Aba’y akala ko kung ano na ang nangyari sa inyo.”

“Dinalaw lang po namin si Emer,” sabi niya.

Umiiyak na yumakap si Corrine sa kanilang Mama. “Bakit po nangyayari ito?” tanong nito sa pagitan ng hibik. “Mahal na mahal ko si Emer, Mama. Ayokong mawala siya sa akin. Baka ikamatay ko iyon.”

Hinaplos ni Maristella ang buhok nito. “Alam namin, anak. Pero mga doktor na ang bahala sa kanya. At narito rin tayo para bantayan siya at ipagdasal siya. Iyon lang ang magagawa natin sa ngayon. Kaya tumigil ka na sa pag-iyak. Hindi matutuwa si Emer kung pababayaan mo ang sarili mo. Magpahinga ka na at maayos din ang lahat.”

Humalukipkip siya. “Mali kayo, Mama. Sa tingin ko hindi lang basta doktor ang solusyon dito. Epekto ito ng sumpa at wala tayong magagawa.”

Nalilito siyang sinulyapan ni Corrine at kumalas sa pagkakayakap sa kanilang Mama. “Anong sumpa, Ate?”

Umupo siya sa paanan ng kama nito. “Naalala mo ba ang kwento ni lola noong mga bata pa tayo? Na ang mga babae daw sa pamilya natin ay hindi liligaya kailanman sa piling ng lalaki. Lahat ng babae ay sawi sa pag-ibig.”

Nakakunot-noo nitong ibinaba ang tingin sa puting kumot. “Naalala ko na ang kwento. Pero puro kalokohan lang iyon. Kahit si lola hindi naniniwala sa kwentong iyon. Sumpa? Walang kinalaman iyon sa amin ni Emer. Hindi totoo ang sumpa.”

Nakadama siya ng pagrerebelde dahil salungat ito sa kanyang paniniwala. “Nangyayari na sa iyo ang sumpa. Hindi pa man kayo ikinakasal ni Emer, napahamak na siya. Sa tingin mo ba maari kong balewalain iyon?”

“Hindi!” sigaw ni Corrine at galit na ihinagis sa lapag ang kumot. Maging ang mga unan ay hindi nakaligtas sa galit nito at ipinagbabato rin. “Hindi totoo ang sinabi mo, Ate. Hindi ko ipinahamak si Emer. Walang katotohanan ang sumpang sinasabi mo. Nagsisinungaling ka lang. Sinungaling!”

Namutla siya nang makita ang galit sa mga mata nito. Malapit silang magkatapid mula pagkabata. Parang matalik na magkaibigan kung magturingan. Iniidolo siya nito sa maraming bagay. At kahit kailan ay hindi pa sila nag-away. Masakit para sa kanya na masabihang sinungaling kung nagmamalasakit lang siya dito. Alam niyang nasaktan ito sa sinabi niya. Subalit masakit pala ang kapalit ng pagsasabi dito ng totoo.

“Lumabas ka na, Meredith,” malumanay na utos ni Maristella habang pinipigilan si Corrine sa pagwawala. Ngunit hindi nakaligtas sa kanya ang galit sa mga mata nito sa kabila ng kahinahunan ng tinig. “Huwag mong nang babanggitin pa ang sumpang iyan. Kalokohan lang iyan. At pinahihirapan mo lang ang kapatid mo sa kahibangan mo.”

Nanikip ang dibdib niya nang lumabas ng silid. Maging ang kanyang ina ay nakalaban na rin niya. Galit rin ito sa kanya dahil sa sumpa.

Nagmamadali siyang naglakad habang tigmak ng luha ang mga mata. Naglakad lang siya sa paligid ng ospital hanggang makarating sa chapel. Sa tingin niya ay iyon lang ang tanging lugar na maari niyang takbuhan nang mga oras na iyon.

Nakatayo siya habang umiiyak. Wala siyang naipagdasal nang mga oras na iyon kundi ang kaligayahan ni Corrine. Kailangang mabuhay si Emer. Kailangang masira ng sumpa. Subalit hindi niya alam kung paano.

Napalingon siya nang may tumabi sa kanya. sinundan siya ng kanyang Mama. “Tulog si Corrine,” sabi nito.

“Galit po ba siya sa akin?”

Umiling ito. “Hindi. Ang totoo ay humihingi siya ng tulong sa atin para maibalik sa dati si Emer.”

Napayuko siya. “Pasensiya na kanina, Mama. Hindi ko na dapat pang binanggit ang tungkol sa sumpa.” Nakagat niya ang labi. “Pero natatakot po ako dahil tulad ni Papa, baka kunin din si Emer sa kanya. Ayoko na pong magpatuloy ang sumpa.”

Nakita niya kung paano itong nasaktan nang mawala ang kanyang Papa. Ang pag-iisa at ang lungkot. Ayaw niyang maramdaman iyon ni Corrine.

Nagkaroon ng lambong sa mukha nito. “Hindi kita masisisi. Hindi ko sinasabi sa iyo pero natatakot rin ako na maaring totoo ang sumpa. Hindi ko alam ang buong istorya dahil ayokong maniwala. Isinara ko ang isip ko. Kaya kung may solusyon man para maputol ang sumpa, wala akong ideya.”

Tuwing umiiyak si Corrine ay parang nakikita rin niya ang sarili na lumuluha. Hindi siya papayag na tuluyang mawala dito si Emer. Gusto niyang tumulong.

“Mama, may naiisip po ba kayong maaring makaalam ng tungkol sa sumpa.”

“Nagsimula ang sumpa sa bayan ng San Miguel. Sa probinsiya natin. Naroon ang Tiya Constanza mo. Maaring alam niya ang tungkol sa sumpa.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.