Chapter No Me Ames: 19

“Saan ka pupunta?” tanong ni Siege nang puntahan nito si Meredith sa opisina.

Nag-file na siya ng leave of absence. Inaayos pa niya ang ilang kakailanganin sa paglabas ng The Bride bago siya magbiyahe kinabukasan.

Tinanguan niya si Kristine. “Lumabas ka muna,”utos niya sa sekretarya. Ipinaling niya ang upuan paharap kay Siege at sumandal. “Please have a seat,” alok niya.

Ni hindi nito pinansin ang paanyaya niya. Nanatili itong nakatayo. “Ipaliwanag mo sa akin ito,” sabi nito at inilapag sa harap niya ang leave of absence letter niya.

Pinagsalikop niya ang daliri. “Kailangan kong umuwi sa probinsiya namin bukas. Kailangan kong makipagkita sa Tita ko. Importante ang pakay ko sa kanya.”

“Kailan ka babalik?” tanong nito. Hindi ito nakatiis at umupo rin sa upuang inaalok niya dito kanina. “Gusto mo bang samahan kita?”

Umiling siya. “Siege, hindi na kailangan. Kaya ko nang mag-isa.”

“Aalis kang mag-isa? Hindi ako papayag. Paano kung mapahamak ka? Kung ayaw mo akong isama, kahit si Christian na lang ang isama mo.”

Hinawakan niya ang kamay nito upang pigilin sa halos pagiging histerikal nito. Daig pa nito ang inahing manok na pinoprotektahan ang sisiw. “Matanda na ako. Hindi mo na kailangan pang mag-alala pa para sa akin. Salamat sa concern mo.”

“Paanong hindi ako mag-aalala sa iyo samantalang girlfriend kita? Pinaplano ko na rin pati ang kasal natin. Iniisip ko na kung ano ang mga pagpipilian nating lugar sa…”

“Siege!” aniya sa tonong may halong pananaway. “Ano ba ang pinagsasasabi mo? Bakit nauwi na naman ang usapan natin sa kasal?”

Galit itong napatayo. “Hindi kita maintindihan. You are my girlfriend. Seryoso ako sa iyo at hindi ako nakikipaglaro. Natural lang sa akin na umasang hahantong tayo sa kasal. Handa naman akong hintayin ka kung kailan mo gustong…”

“Wala kang maasahan, Siege!” aniya at tumayo na rin. “At kung ipipilit mo lang sa akin ang kasal na iyan, mabuti pang maghiwalay na lang tayo. Bumalik na lang tayong dalawa sa dati. Doon sa hindi mo ako ipe-pressure na magpakasal.”

Hinaklit siya nito sa balikat. Halos bumaon ang daliri nito sa kanyang balat. Nagbabaga sa galit ang mga mata nito. “Hindi kita maintindihan, Meredith. Binigyan kita ng oras mag-isip. Pero ngayon, pag-uusapan na natin ang bagay na kinaayawan mo. Bakit ayaw mong magpakasal sa akin?”

Sa namamasang mga mata ay pinagmasdan niya ito. “A-Ayokong mawala ka sa akin, Siege. Kapag minahal mo ako, tiyak na ipapahamak lang kita.”

“Noong nakaraang nag-usap tayo, iyan din ang sinabi mo sa akin. Pwede bang ipaliwanag mo sa akin ang lahat?”

“I’m cursed, Siege!”

Lumuwag ang pagkakahawak nito sa kanyang balikat. “Curse?” Magulo ang ekspresyon nito. Hindi alam kung tatawa o magagalit. “Mayroon pa ba niyan sa panahon ngayon? O gumagawa ka lang ng dahilan para makalayo sa isyu ng pagpapakasal sa akin. Kung iyan ang rason mo, makabubuti pang mag-isip ka ng iba pang mas kapani-paniwala kaysa diyan.”

Tinalikuran niya ito. “Hindi ako umiimbento ng kwento. Noong panahon ng Kastila, may lola ako nakatakda nang ikasal at pero na-inlove siya mortal na kaaway ng pamilya ng pakakasalan niya. Mas mahal niya ang secret boyfriend niya at tumakas sila nang bisperas ng kasal. Nagpakamatay ang pakakasalan ng lola ko pero nag-iwan siya ng sumpa. Wala daw sinuman ang magiging masaya pagdating sa pag-ibig.”

“Ano ang kinalaman ng sumpa sa ating dalawa samantalang lumang kwento na pala iyang sumpang iyan? Baka nga hindi rin totoo ang tungkol sa kwento dahil panahon pa iyan ng Kastila. Maaring inimbento lang para may maidagdag sa mga kwentong pampatulog sa inyo ng lola ninyo.”

Hinarap niya ito. “Nangyayari pa rin ang sumpa hanggang ngayon. Lahat ng babae sa pamilya namin, kundi dalagang-ina, biyuda o kaya ay hiwalay sa asawa. Walang sinuman ang naging masaya. Nakita mo rin ang nangyari kay Corrine, hindi ba? Ayokong danasin mo ang nangyari kay Emer, Siege. Hindi ko alam kung kakayanin ko.”

“Shhh,” saway nito sa kanya. Tinuyo ng daliri nito ang luha sa kanyang pisngi. “Huwag ka nang umiyak. Hindi tayo sina Emer at Corrine. Aksidente ang nangyari sa kanila at hindi dahil sa sumpa. Hindi rin kita iiwan o lolokohin. Nandito lang ako. Kaya huwag mo nang isipin pa ang tungkol sa sumpa.”

Umiling siya. “Kahit ano pa ang sabihin mo, hindi mo ako makukumbinsi. Malakas pa rin ang paniniwala ko na totoo ang sumpa.”

Nakita niya kung paanong lumuha ang mga taong malalapit sa kanya. Alam niya ang pakiramdam ng mawalan ng ama. Nakita niya kung paanong magdalamhati ang kanyang Mama. Saksi siya kung paano umiyak ang kanyang mga tiya kapag binubugbog pagkatapos ay iiwan ng asawa. Narinig rin niya ang hinagpis ng mga pinsan niyang naging dalagang ina dahil hindi pinanagutan ng lalaking minahal nito.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.