Chapter No Me Ames: 20

Ipinangako niya sa sarili na hindi siya matutulad sa mga ito. Sana noon pa niya pinigilan ang pusong magmahal. Ilang beses na niyang sinabi sa sarili na hindi siya matutulad sinuman sa mga ito. Hindi niya maaring ipahamak si Siege.

“Meredith, listen.” Hinaplos nito ang kanyang mukha. “Wala kang dapat ikatakot. Mas makapangyarihan ang nararamdaman natin. Walang maaring maglayo sa atin.”

“Alam ko. Pero hindi sapat ang pagmamahalan natin para labanan ang sumpa.”

Kung totoong makapangyarihan ang pag-ibig kaysa anumang sumpa, bakit pumanaw ang kanyang Papa at iniwan ang kanyang Mama? Bakit hanggang ngayon ay umiiyak pa rin si Corrine dahil walang katiyakan na babalik pa si Emer. Kung wala nang malapit sa kanya na iiyak dahil sa pag-ibig, maaring maniwala siya na may makakatalo nga sa sumpa. Subalit nangangambang siya na Siege ang sumunod na biktima.

Huminga ito ng malalim. “Sige, ipagpalagay nating totoo ang sumpa. May paraan ba para maputol iyon?”

“Iyan ang aalamin ko. Kaya ako uuwi sa probinsiya namin dahil doon nagsimula ang kwento ng sumpa.” Tiyak na may ideya ang mga tao doon kung ano ang dapat na gawin. “Hangga’t hindi ko pa alam kung ano ang solusyon upang maputol ang sumpa, kalimutan mo muna ang tungkol sa kasal.”

Bumakas ang pagtutol sa mga mata nito. “Pero Meredith…”

Kinintalan ng isang mariing halik sa labi. “Kapag nakahanap tayo ng solusyon at naayos ang problema, babalik ako sa iyo. Pangako iyan. Maari na rin nating pag-usapan ang tungkol sa kasal.”

Ngumiti ito at inangkin ang kanyang labi. Parang ayaw nang matapos ang halik nito. Mahigpit din ang pagkakayakap ng mga bisig nito sa kanya. Animo’y wala na siyang balak pang pakawalan.

“Maghihintay ako,” anito sa pagitan ng mga halik.

Pansamantala niyang kinalimutan ang takot. Ang mga halik at haplos nito ay nagbigay ng ibayong lakas sa kanya. Gagawan niya ng paraan para mawala ang sumpa. Hindi lang para kina Corrine at Emer. Kundi para sa kanila ni Siege. Nara-ramdaman niya sa puso niya ang kakaibang alab. Hindi siya papayag na mawala ito.

“TITA CONSTANZA!” Nagmamadaling bumaba ng kotse si Meredith at sinugod ng yakap ang tiyahin na abala sa pagbubungkal ng mga tanim na bulaklak sa hardin.

“Meredith,” gulat nitong sabi nang makilala siya. Tinanggal nito ang suot na sumbrerong gawa sa buhi. “Pumasok ka muna sa loob nang makapagpahinga.”

Ito ang panganay na kapatid ng kanyang Mama. Ito lang din ang matandang dalaga sa kanilang pamilya. Kaya dito iniwan ang ancestral house ng mga Villegas gayun din ang pamamahala sa mga naiwang lupain ng kanyang lolo.

Marami ang nagsasabi na dito siya nagmana dahil matalino ito at may katigasan ang loob. Samantalang si Corrine ay nagmana sa kanyang Mama na malambot. Kaya naman nabuhay ng malaya ang kanyang tiya. Ito ang laging nagsasabi sa kanya na hindi kailangan ng isang lalaki para maging masaya ang isang babae.

“Wala pa rin po pala halos ipinagbago dito,” komento niya nang umupo sa antique na sofa na yari sa kamagong.

Walang ipinagkaiba noong bata pa siya tuwing nagbabakasyon sila. Halos lahat ng gamit ay yari sa antigong kahoy. Ganoon din ang yari ng halos lahat ng bahay doon. Ang mga bagong bahay sa lugar, kung hindi mga taal na nakatira sa lugar ay yumaman dahil nag-abroad kaya nakapagpatayo ng bagong bahay. Samantalang ang mga ancestral house na may disenyo ng arkitektura noon pang panahon ng Kastila o Amerikano ay mga kinikilalang may kayang pamilya sa lugar nila. kasama na roon ang pamilya ng mga Villegas, ang pamilya ng kanyang Mama.

Nang sumilip siya sa bintana ay nakatayo pa rin ang mga nagtataasang puno gaya ng mangga. Madalas nilang paakyatin doon si Christian kapag gusto nilang kumain ng mangga. Marami pa ring mga tanim na namumulaklak na halaman. Kaya naman hindi mukhang nakakatakot ang bahay na iyon kahit halatang itinayo pa noong panahon ng mga Kastila.

Nag-utos ang kanyang Tiya Constanza sa mga katulong na ipasok ang kanyang mga gamit at maghanda ng miryenda saka siya sinamahan. “Walang gustong ipabago ang Lola Cerafina mo. Bago siya pumanaw, kabilin-bilinan niya sa akin na panatilihin sa dati ang bahay na ito. Inaasahan din niya na ganoon ang gagawin ninyong mga apo niya. Kaya nga ginagawa ko ang lahat mamintena lang ang lahat.”

“Well, at least may kuryente na ngayon,” sabi niya at sinulyapan ang telebisyong ipinadala niya dito para may mapaglibangan ito.

Naalala pa niya ang reklamo nilang magkakapatid tuwing magbabakasyon doon. Walang telebisyon o radyo man lang dahil walang kuryente. Gusto yata ng lola niya na mamuhay pa rin katulad noong panahon ng Kastila kung saan gasera lang ang ilawan. Kung gusto nilang makinig ng tugtog ay nagpapatawag pa ito ng taga-gitara para tumugtog kung gusto nilang kumanta.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.