“Wala na ang lola mo kaya magpapakabit ako ng kuryente kung gusto ko. Pampalipas-oras din iyong TV. Siyanga pala, bakit ka napasugod dito?”
Natigil siya sa pagdampot ng kakanin na ihinain ng kawaksi. “Naaksidente po sina Corrine at Emer.”
“Naitawag nga sa akin ng Mama mo. Kumusta naman sila?”
“Okay naman po si Corrine. Walang masyadong pinsala. Pero si Emer po ang malubha. Na-comatose po siya. Hanggang ngayon po ay hindi pa nagigising.”
Napapalatak ito at uminom ng buko. “Napakabait pa mandin at napaka-galang ni Emer. Matalino pa. Hindi ba’t isa siyang engineer? Iyon ang kwento niya sa akin noong dumalaw ako sa inyo. Kumusta naman si Corrine?”
Humiwa siya ng halayang ube at inilagay sa platito. “Histerikal po siya nang malamang na-comatose si Emer. Iyak pa rin po siya ng iyak. Kaya nga po ako nagpunta dito dahil baka makatulong po kayo. Naisip ko lang po kasi na baka may kinalaman ang lahat ng nangyayari sa sumpa.”
Nagdilim ang anyo nito nang mabanggit ang sumpa. Tumayo ito at tumigil sa tapat ng lumang painting. Larawan iyon ng isang babae at isang lalaki. Nakasuot ng damit na noon pang panahon ng Kastila.
“Noong mga bata pa kayo, lagi ninyong tinatanong kung sino ang nasa painting. Sila ang Lola Eleonor at Lolo Esteban. Sila ang direktang kasangkot sa sumpa.” Ngumiti ito. “Noong 1963, nakatakdang ikasal ang Lola Eleonor mo kay Segusmundo Melencio. Ipinagkasundo sila ng kani-kanilang mga magulang dahil malaki ang utang ng pamilya niya kina Segusmundo. Pero lihim siyang umiibig kay Esteban, ang makisig niyang kababata nag-aral sa Europa. Lihim silang naging magkasintahan kahit alam niyang mortal na kaaway nila Segusmundo ang pamilya ni Lolo Esteban. Nang gabi bago ang kasal ay tumakas sila. Bumalik lang sila nang naikasal sila sa paring kakilala ni Lolo Esteban. Pagbalik nila, saka nila nalamang nagpakamatay si Segusmundo. Gusto pa ngang ipakulong ng pamilya ni Segusmundo ang lolo at lola pero ma-impluwensiya ang mga Villegas. Hindi nagawang kantiin ng mga Melencio si Lolo Esteban.”
Kung ganoon ay hindi kwentong gawa-gawa lang ang tungkol sa love story ng kanilang ninuno. May actual historical account mula mismo sa kanyang Tita Constanza.
“Totoo po ba na nag-iwan ng sumpa si Segusmundo bago siya nagpakamatay?”
May lungkot sa mga mata itong tumango. “Nag-iwan siya ng sulat bago siya mamatay. Parang suicide note. Sinabi niya na hindi kailanman liligaya ang mga babae sa ating pamilya. Nagsimula iyon kay Lola Eleonor. Pinagbintangan filibustero at subersibo si Lolo Sebastian. Sinasabi na plano niyang maglunsad ng isang rebolusyon laban sa simbahan. Palibhasa ay nakapag-aral sa Europa kaya siya pinag-initan. Ipinabitay siya sa plaza ng San Miguel. Noong una ay hindi pa masyadong naiisip ng pamilya na iyon ay dahil sa sumpa. Subalit nang pati ang mga babae sa sumunod na salinlahi ay minalas pagdating sa lalaki, saka umugong ang bulung-bulungan tungkol sa sumpa. Hanggang makaabot sa panahon natin. Lahat tayo ay damay.”
Mahigpit niyang niyakap ang sarili dahil nakadama siya ng panlalamig. Ang kanyang Tita Constanza, hindi man nakapag-asawa ay hindi rin nakatakas sa sumpa. Maaring hindi nga ito nagpakasal subalit malungkot naman ito at nag-iisa. Hindi rin ito nagkaroon ng kaligayahan sa piling ng isang lalaki.
“May paraan po para mawala ang sumpa?” tanong niya. Gusto niyang matapos ang paghihirap ng lahat ng babae sa kanilang pamilya. Ayaw na niyang makitang umiyak si Corrine. Ayaw niyang mawala si Siege. Karapatan din nilang sumaya.
“May paraan para maputol ang sumpa. Subalit dahil noong una ay walang naniniwala sa sumpa, walang nagtangkang putulin iyon. Kung kailan na nagdurusa ang mga apektado ng sumpa, huli na para malaman nila kung ano ang solusyon.”
Hindi siya katulad ng mga ito. Hindi pa huli ang lahat upang pigilan ang sumpa. Gagawin niya ang lahat para maputol ang pagdurusa ng mga babae sa pamilya niya. Para sa kaligayahan nila ni Siege.
“Kung ganoon po, sabihin ninyo sa akin ang paraan,” excited niyang sabi. “Kailangan ko pong putulin ang sumpa bago mahuli ang lahat.”
Nakabingit ang buhay ni Emer. Umaasa rin si Corrine. Hinihintay ni Siege ang kanyang pagbabalik. Malapit na niyang makuha ang susi upang malutas ang delubyo.
Lumungkot ang anyo nito. “Para maputol ang sumpa, kailangang magpakasal ang isang dalagang may dugong Villegas sa isang binatang Melencio.”
“Po?” Napalunok siya. “Sa loob ng mahigit isang siglo ay walang sinuman ang nagtangkang putulin ang sumpa?”
“Mayroon.” Bumadha ang sakit sa mata nito. “Pero hindi nagtagumpay dahil hindi natuloy ang kasal. Kaya hanggang ngayon patuloy pa rin ang sumpa.”
Gusto niyang sisihin sinumang babae ang nagtangkang magpakasal sa isang Melencio at hindi natuloy. Kung nagpakasal ito noon pa, sana ay naputol na ang sumpa. Hindi na sana sila naghihirap. Wala na sanang may dugong Melencio na iiyak.
“May mga kapamilya pa po ba ni Segusmundo dito sa San Miguel?”
“Diyan lang sila nakatira sa tapat natin.”
Sumilip siya sa bintana at pinagmasdan ang malaking bahay sa tapat. “Gusto ko po silang makilala.”