“Tao po!” sigaw ni Meredith habang kinakatok ang malaking bakal na gate ng mga Melencio. Ilang minuto na siyang kumakatok subalit wala pa ring sumasagot.
“Ate, gusto mo ba talagang pumasok sa loob at makipagkita sa mga tao diyan?” makulit na tanong ni Ising, isa sa mga matapat na katulong ng kanyang Tiya Constanza.
“Oo. Dahil importante ang sadya ko sa kanila. Kung ayaw mong sumama sa akin papasok, umuwi ka na lang.”
“Ayoko nga,” tanggi nito at nanghaba ang nguso. “Pagagalitan ako tiyak ng tiya mo. Alam mo namang parang dragon iyon kung magalit.”
“Kung ganoon, tumahimik ka na lang.” Muli niyang kinatok ang gate. “Tao po!”
“Sino ba iyang maingay?” galit na tanong ng isang mataba at pandak na lalaking nagbukas ng gate. Nakasuot ito ng lumang pantalon at berdeng long sleeve na ginagamit ng mga magsasaka kapag nagbubukid. Awtomatiko itong ngumiti nang makita siya. “Ay, pasensiya na. Anong kailangan mo magandang binibini?”
“Baka ako,” singit ng lalaking nasa likuran nito. Taliwas sa unang lalaki, matangkad at payat naman ito. Parang isang ihip lang ng hangin ay mabubuwal. Nakaputing T-shirt din ito at kupasing maong na pantalon na hanggang tuhod. “Siguro siya na ang babaeng ipinadala ng langit para pakasalan ako.”
“Hinahanap niya si Mang Ambrosio. Hindi ikaw, ambisyoso. Dahil aminin mo man o hindi, ako pakakasalan mo, Criaco,” sabat ni Ising at itinuro ang lalaking payat.
“Nasa loob si Tiyo,” nakangiting sabi ng lalaking maliit.
“Pumasok ka na, Miss,” ngiting-ngiting sabi ng lalaking tinawag ni Ising na Ciriaco. Inilahad pa nito ang kamay upang alalayan siya.
“S-Salamat,” aniya at ikinaway ang kamay upang sabihing hindi na siya nito kailangan pang alalayan.
Sumimangot si Ciriaco dahil nadismaya ito sa pagtanggi niya. Hinarang nito ang papasok nang si Ising na kasunod lang niya. “Hoy, babaeng nag-aambisyong magiging asawa ko. Dito ka lang sa labas. Mag-ilusyon ka na lang diyan na magugustuhan kita.”
“Kasama ako ni Ate Meredith,” giit ni Ising at nagpapadyak.
“Sino ba siya?” tanong ng lalaking mataba.
“Basilio! Ciriaco! Nasaan ba kayong mga damuho kayo?” tanong ng isang lalaki na bagamat may katandaan ay bakas pa rin ang tikas. Hamak na guwapo ito kaysa sa dalawang kaharap kahit mukhang nasa mid-fifties na ito. “Sino ba iyang mga kausap ninyo? Bakit hindi ninyo patuluyin?”
“Kayo po ba si Mang Ambrosio?” tanong niya.
“Ako nga,” anitong nakataas ang noo. “Anong kailangan mo, hija?”
Inilahad niya ang kamay. “Ako po si Meredith Garces.”
Kumunot ang noo nito at tinanggap ang pakikipagkamay niya. Subalit halos magsalubong ang kilay nito sa pag-iisip. “Garces. Wala akong kilalang Garces.”
“Villegas po ang nanay ko. Maristella Villegas. Pamangkin po ako ni Constanza.”
Sumambulat ang galit nito at parang napasong binitawan ang kanyang kamay. “Pamangkin ka ng matandang mangkukulam?” pasigaw nitong tukoy sa kanyang Tiya Maristella. Itinuro nito ang gate. “Umalis ka na. Walang karapatan ang sinumang Villegas na tumapak sa aking pamamahay.”
Itinaas niya ang dalawang kamay. “S-Sandali lang po. Huwag naman po ninyo akong itaboy. Galing pa po ako sa Maynila at importante po ang sadya ko.”
Dati ay nagtataka siya kung bakit hindi niya nakilala ang sinuman sa mga Melencio noong nagbabakasyon siya sa San Miguel. Kapag tinatanong niya sa kanyang Tiya Constanza kung bakit hindi sila pumupunta sa katapat nilang bahay, lagi nitong ang malaking bahay ay isang haunted house at aswang ang nakatira.
Ngayon ay naiintindihan na niya. Katulad ng sumpa, may labanan at galit pa rin hanggang sa bagong henerasyon. Sa pamamagitan ng pagpapakasal ng isang Melencio sa isang Villegas ay matatapos ang sumpa at ang away.
Humalukipkip ito at nang-uuri siyang pinagmasdan. “Anong kailangan ng isang Villegas sa isang Melencio?”
“Tungkol po sana sa sumpa.”
Humalakhak ito. “Mukha kang intelehente at modernang babae. Bakit kailangan mo pang magpapaniwala sa sumpa? Matagal nang panahon iyon.”
“Namemeligro po ang kasintahan ng kapatid ko. Kailangan ko po ng tulong.”
Mataman siya nitong tiningnan. Parang tinatantiya ang katapatan ng kanyang sadya. Maya maya’y lumambot ang anyo nito. “Sige, pumasok kayo.”
Bahagya siyang nagkaroon ng pag-asa. Kahit paano ay naging maayos ang pagtanggap ni Mang Ambrosio dahil nagpahain pa ito ng miryenda. Napag-alaman niya na gaya ng mga Villegas ay isa rin sa mayayaman ang mga Melencio sa bayan ng San Miguel. Maayos pa ring namamantini ang lumang bahay-Kastila ng mga ito.
Nagpalakad-lakad ito sa harap niya. “Alam mo na ba kung paano matatapos ang sumpa, hija? Handa na ba kayong tanggapin?”
Tumango siya. “Opo. Nasabi na po sa akin ni Tiya Constanza. Maari ko po bang malaman kung may mga pamangkin pa kayong binata.”
Sumilay ang simpleng ngiti sa labi nito. “Aba’y oo.” Dumungaw ito sa bintana. “Ciriaco! Basilio! Umakyat kayong dalawa dito.”
“Bakit po, tiyo?” tanong ng butiking-Pasay na ang pangalan ay Ciriaco.
“Gusto kayong makilala ng bisita natin.” Tinapik ito ni Mang Ambrosio sa balikat. “Ito ang pamangkin kong si Ciriaco. Siya ang namamahala sa aming manukan.”