Chapter No Me Ames: 23

“Hi!” ngiting-ngiting bati ni Ciriaco. Nang tanggapin niya ang pakikipagkamay nito ay hinalikan pa nito ang likod ng palad niya. Parang gusto niyang kilabutan.

Maya maya’y humihingal na umakyat si Basilio. Parang hindi mabuhat ang katawan sa katabaan. “Ano po ang mayroon, tiyo?”

“Bakit ba napakabagal mo? Ipapakilala kita kay Binibining Garces.” Bumaling sa kanya si Mang Ambrosio. “Hija, siya si Basilio na pamangkin ko rin. Siya ang namamahala sa bukirin namin. Si Ciriaco ang mas matanda sa kanilang magkapatid. Ulila na sila sa magulang kaya ako na ang kumupkop sa kanila. Wala akong asawa kaya itinuring ko na silang tunay na anak.”

Ipinunas ni Basilio ang palad sa T-shirt at inilahad sa kanya. “Masarap daw magluto ang mga Villegas. Sabi ni Tiyo Ambrosio pinakamagaling magluto ang Tiya Constanza mo. Sana imbitahan mo akong kumain sa inyo minsan.”

“Basilio!” saway ni Mang Ambrosio. “Mahiya ka naman!”

Pinagmasdan niya ang ngingisi-ngising si Ciriaco. Nakatingin ito sa kanya na may halong pagnanasa. Samantalang si Basilio ay wala yatang ibang mahal kundi ang pagkain. Isa ba dito ang nakatakdang tumapos sa sumpa? Isa ba dito ang magiging miyembro ang kanilang pamilya?

“Mang Ambrosio, maari ko po ba kayong makausap ng sarilinan?” magalang niyang tanong. Ayaw muna niyang makita ang dalawang kumag. Parang sasabog ang utak niya habang inaanalisa sa mga bagay.

“Kayong dalawa, maari na kayong bumalik sa trabaho,” utos ni Mang Ambrosio. “May importante kaming pag-uusapan.”

Umupo siya nang makaalis na ang dalawa. “Mang Ambrosio, huwag po sana ninyong mamasamain. Pero wala na po ba kayong ibang pamangking binata?”

Malungkot itong umiling. “Sila na lang ang natitirang malapit kong pamangkin na binata. Ang iba ay maagang nagsipag-asawa at may pamilya na. Iyong iba ay nasa ibang lugar sa Pilipinas o kaya ay nasa ibang bansa. Wala silang alam sa sumpa kaya mahihirapan kang magpaliwanag sa kanila. Kung talagang kailangan nang maputol ang sumpa sa lalong madaling panahon, wala ka nang ibang pagpipilian kundi sila.”

“Ganoon po ba?” nanlulumo niyang usal. Siguro ay nauna nang nag-asawa ang mga guwapong Melencio. Nakikita naman niya na may kakisigan si Mang Ambrosio. Bakit hindi na lang dito nagmana ang dalawa pang binatang pamangkin?

Nangako siya kay Corrine na gagawa siya ng paraan para matapos ang sumpa. Subalit parang hindi niya kayang tulungan ito kung ang nakataya ay ang pagpapakasal at pakikisama habambuhay sinuman kina Ciriaco o Basilio.

Nakagat niya ang pang-ibabang labi. “Wala na po bang ibang paraan?”

Umiling ito. “Wala nang iba pa. Magpapakasal ang isang Villegas sa isang Melencio o magpapatuloy ang sumpa.” Tinapik siya nito sa balikat. “Ikinalulungkot kong kailangan mong harapin ang ganitong problema, hija.”

Wala siya sa sarili na umalis sa bahay ng mga Melencio. Parang masisiraan siya ng bait. Mahal niya si Corrine subalit hindi niya maisip ang sarili na magpakasal sinuman sa dalawang iyon. Hindi niya ipagpapalit si Siege.

Napag-isip siya ng malalim. Sino kaya sa mga pinsan pa niyang babae ang maaring magsakripisyo para maputol ang sumpa?

“KAILANGANG magpakasal ang isang kapamilya natin sa kanila?” hindi makapaniwalang bulalas ni Corrine. Nakauwi na ito sa bahay dahil sabi ng doktor ay maayos na ang kondisyon nito. Kagagaling lang nito sa pagbabantay kay Emer.

Nasa sala sila ng bahay ng pamilya upang pag-usapan ang resulta ng pagpunta niya sa San Miguel. Doon siya tumuloy mula sa biyahe.

“Tama. Isang dalaga sa pamilya natin ang kailangang magpakasal sa isang binatang Melencio,” sabi niya.

“Wala na bang ibang solusyon, Ate?” tanong ni Christian.

Nanlalambot siyang sumandal sa sofa. “Sana ginawa ko na.” Kahit siguro lumulon ng buhay na manok ay gagawin niya para lang maputol ang sumpa. Para wala nang dalagang Villegas ang kailangan pang magpakasal sa dalawang kumag na iyon. “Iniisip ko nga ngayon kung sino ang pwedeng pumutol sa sumpa.”

Sino pa ba ang natitirang dalaga sa kanilang pamilya? Maari niyang makumbinsi ang isa sa mga ito na magpakasal. Kung hindi pa sana niya nobyo si Siege, pikit-mata siyang magpapakasal alang-alang kay Corrine.

Pinisil ni Christian ang balikat niya. “Ate, baka nakakalimutan mong dalawa na lang kayo ni Ate Corrine ang natitirang dalaga sa pamilya natin.”

Iniisa-isa niyang inisip ang lahat ng mga pinsang naikasal na at umiling. “Hindi ba dalaga pa si Ate Minerva? Baka pwede ko siyang kumbinsihin.”

“Dala na siya, Ate,” pagtatama ni Christian. Tinakbuhan ng lalaki ang kanyang pinsan at iniwang nagdadalang-tao. “Malabong pumayag siya sa gusto mo. Bukod sa takot siya sa lalaki, wala nang mas mahalaga sa kanya kundi ang anak niya.”

“Kung ganoon…” Nagkatinginan sila ni Corrine. “Nasa ating dalawa na lang ang pagpipilian.”

Natigagal ito at umiling. Ibig sabihin ay malabong ito ang magsakrispisyo. Mahal na mahal nito si Emer. Subalit hindi ito istupida para sumubo sa isang kasal kapalit ng buhay ng nobyo. Mas gugustuhin pa nitong mamatay kung mamamatay si Emer kaysa magpakasal sa isang Melencio. Siya na lang ang natitira. Obligado siyang magpakasal.

Nasapo niya ang noo. “Oh, no!” aniyang gusto nang panawan ng ulirat.

“Ate, would it be so bad marrying a Melencio?” tanong ni Christian.

“The entire Melencio clan isn’t that bad.” Nabanggit ni Ising sa kanya na may itsura ang mga Melencio na nagka-pamilya na. Bukod pa sa hindi dehado ang sinumang babae ang kabuhayan ang pag-uusapan. “Pero iyong natitirang Melencio, oo. Kung nakita lang sana ninyo.”

Hindi sa namimintas siya o nagbabase lang siya sa pisikal na aspeto. Pero kung magsasakripisyo lang din siya, sana naman doon na sa hindi siya masyadong dehado. Kung katulad sana ni Siege, walang problema. Hindi talaga niya ma-imagine na maikasal siya sinuman kina Ciriaco o Basilio.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.