Bumuntong-hininga si Christian. “I’m sorry, Ate. Kung naging babae lang sana ako. O kung nabaligtad ang sitwasyon at isang lalaking may dugong Villegas ang kailangang magpakasal sa kanila, ako na ang magsasakripisyo.”
“Pwes, hindi ikaw ang magpapakasal kaya wala kang magagawa,” sabi niya.
“Pwede namang huwag kang magpakasal, Ate,” sabi ni Christian. “Pabayaan mo na lang iyang sumpa na iyan.”
“Hindi pwede!” pasigaw na protesta ni Corrine. “Paano si Emer? Pababayaan na lang ba ninyo na mawala siya?”
Lumabas ng sala ang kanilang Mama. “Ano ba ang nangyayari sa inyo at nagsisigawan kayo?” nakapamaywang nitong sabi nito nang labasin sila. Nasa kusina ito kanina at naghahanda ng hapunan nang marinig ang sigawan nila. “Tama na ang pag-uusap ninyo sa kasal-kasal na iyan. Walang anak ko ang magpapakasal dahil lang gustong maputol ang isang sumpa. Tumigil na kayo.”
Nang mga oras na iyon ay naramdaman niyang kakampi niya ang kanyang Mama. Mahal niya si Siege. Wala siyang gustong pakasalan kundi ito lang. Tama ang kanyang Mama. Hindi niya kailangang magpakasal kung dahil lang sa sumpa.
“Paano naman si Emer, Mama? Isang buwan lang ang ibinigay na taning ng mga magulang niya sa akin para mabuhay siya. Kapag hindi pa siya nagising, tatanggalin na ang mga aparatong nakakabit sa kanya. Mawawala na sa akin si Emer.”
“At magagawa mong isakripisyo ang kaligayahan ng ate mo, Corrine?” may himig panenermong sabi ng kanyang Mama. “Maatim mo bang mabubuhay nga si Emer habang ang ate mo ay nagdudusa sa pagpapakasal sa lalaking hindi niya mahal?”
Lumakas ang hagulgol ni Corrine. Parang kinurot ang puso niya. Ayaw niyang makitang umiiyak ito. Lalo siyang nasaktan nang puno ng panunumbat siya nitong tiningnan. Puno ng galit ang mga mata nito.
“Nangako ka sa akin, Ate,” anito sa boses na puno ng hinanakit. “Sinabi mo sa akin na babaliin mo ang sumpa. Ibabalik mo sa akin si Emer.
Napapikit siya nang mariin. Nahahati siya sa pagitan ng pagmamahal sa kapatid at pagmamahal kay Siege. Kung hindi niya magagawang putulin ang sumpa, aanihin niya ang pagkapoot ng kanyang kapatid. Tiyak na hindi rin siya sasaya kay Siege dahil babawiin ito sa kanya ng sumpa. Ipapahamak lang niya ito. Bukod pa sa magpapatuloy ang sumpa sa mga susunod na henerasyon. Walang babaeng Villegas ang magiging masaya sa piling ng isang lalaki. Madadamay pati magiging anak niya.
Nangako siya kay Corrine. At kahit kailan ay hindi pa siya bumali sa pangako. Kahit gaano pa kahirap, lagi siyang tumutupad sa usapan.
Nakuyom niya ang palad. “Sige, magpapakasal na ako,” aniya sa tonong walang buhay. Nananakit na ang lalamunan niya sa pinipigil na luha. Pakiramdam niya ay pinirmahan niya ang kanyang kamatayan.
Tumalikod siya nang hindi na niya kayang pigilin pa ang luha. Hinawakan siya sa balikat ng kanyang Mama. “Anak, hindi mo ito kailangang gawin. Hindi kailangang ang sumpang iyan ang magdikta sa buhay mo.”
Napayuko siya. “Ma, kasalanan ko ito. Ako ang nagpilit sa inyo ng tungkol sa sumpa. Dapat lang na humarap ako sa responsibilidad.”
Pagsakay niya sa kotse ay mabilis niya iyong pinatakbo. Gusto niyang tumakas. Natatakot siya sa haharapin niya. Paano niya ito sasabihin kay Siege? Umaasa itong sa pagbabalik niya ay may maganda na siyang maibabalita dito.
Kailangan ba niyang iwanan ang lalaking mahal niya? Kailangan ba niyang isakripisyo ang sarili niyang kaligayahan para sa kapakanan ng nakararami?
Tumigil siya sa gilid ng kalsada dahil hindi niya kayang magmaneho nang umiiyak. Kinuha niya ang cellphone at tinawagan si Siege.
“Hello, sweetheart. Nasaan ka na?” malambing na tanong nito.
Pumikit siya at sumandal sa headboard ng driver’s seat. His voice was soothing her battered heart. Bumuti ang pakiramdam niya nang marinig ang boses nito.
Tumikhim siya upang hindi nito mahalatang umiiyak siya. “Pauwi na ako. And if you are not busy, could you please drop by my condo? I want to see you.”
“Okay. Kung hindi ka pa kumakain, magdadala ako ng dinner. Hindi pa ako kumakain dito sa dami ng trabaho.”
“Shall I meet you in my condo in a couple of hours?” aniya at pilit pinasigla ang boses. “Nami-miss na kita.”
“I miss you, too, sweetheart. Magkita tayo mamaya.”
ILANG minutong sinulyapan ni Meredith ang sarili sa salamin. Ineensayo ang ngiti habang hinihintay si Siege. Inubos niya ang dalawang oras upang ayusin ang sarili. Ayaw niyang mahalata nito ang kanyang pag-iyak o ang kanyang problema.
Mabilis siyang lumabas ng silid nang marinig ang doorbell. Nakahanda na ang ngiti niya nang pagbuksan ito ng pinto.
“Siege!” excited niyang sabi nang makita ito.
Hindi pa man nito naisasara ang pinto ay sinugod na niya ito ng yakap. Nang hindi sapat ang yakap nito ay kinintalan niya ito ng mariing halik sa labi.
“M-Meredith, sandali,” sabi nito habang pilit na kumakalas sa yakap niya. “Ibababa ko lang ang dinner natin.”
Lumawag ang yakap niya dito subalit hindi siya tuluyang bumitaw. “I really missed you, Siege. Ayoko nang mawala ka sa tabi ko. Kung pwede lang hindi na tayo maghiwalay,” malambing nitong sabi.
Kinabig ng isang kamay nito ang kanyang baywang. “Me, too. Na-miss rin kita nang dalawang araw kang nawala. Kumusta pala ang lakad mo.”
“Shhh…” Pinigilan ng daliri niya ang labi nito. “Ayoko nang pag-usapan ang iba pang bagay. I just want to be with you tonight.”
Nang hagkan niya ito nang maalab ay nabitawan nito ang hawak na plastic bag ng hapunan nila. But nobody cared. Pinalalim nito ang halik habang isa-isang hinuhubad ang damit. Gusto niyang makasama ito ng gabing iyon. Nais niyang kalimutan ang mga problemang nagbabanta sa kanila. Gusto niyang makasama ito sa buong gabing iyon nang walang ibang iniisip kundi ang nararamdaman nila para sa isa’t isa.
Sa gabing iyon, walang sumpang maaring maghiwalay sa kanila.