Chapter No Me Ames: 26

“Hindi ganyan ang sitwasyon,” protesta niya. “Given the choice, I’ll marry you.”

Wala na siyang pinangarap simula pa lang kundi ang alukin nito ng kasal. Sa mga panahong nakakalimutan niya ang sumpa, iyon ang lagi niyang hinihiling.

Ayaw rin niyang maging sacrificial lamb para matapos ang sumpa. Subalit siya lang ang maaring pumutol sa naturang sumpa. Wala siyang magagawa. Kailangan siyan ng kanyang pamilya. Marahil ay hindi talaga sila para sa isa’t isa. Hangga’t nakapagitan sa kanilang dalawa ang sumpa, hindi siya maaring magpakasal dito.

“You have a choice, Meredith,” he stated firmly. “Pwede mo akong pakasalan kung magiging matapang ka lang para harapin ang lahat ng hadlang sa atin. Pero malinaw na sa aking hindi mo ako kayang ipaglaban.”

Naluha siya nang marinig ang hinanakit sa tinig nito. “Gusto kong ipaglaban ka. Maraming beses kong inisip na suwayin kung anumang kapalaran ang nakahanda para sa akin. Pero ako lang ang may kakayahang pumigil sa sumpa. Mahal kita at si Corrine kaya ko ginagawa ito.”

“Itataya mo ang kaligayahan mo para sa amin? Parang pinatay mo na rin ako sa ginawa mo. Ikaw ang kaligayahan ko, Meredith. Paano naman ako? Paano na ang pagmamahalan nating dalawa?”

Sa kabila ng panlalabo ng paningin dahil sa luha ay pinagmasdan niya ang malungkot nitong mukha. Ayaw niyang makita itong nasasaktan. Gusto na niyang umurong sa pagsasakripisyo ng sarili sa sumpa.

Subalit kung gagawin niya iyon ay kailangan rin niyang ihanda ang sarili na maging katulad ng kanyang Mama. Katulad ni Corrine na nasasaktan habang pinapanood ang pagkawala ni Emer ngunit walang magawa. Habambuhay rin niyang ibabaon ang puso kapag nawala si Siege.

Ginagap niya ang kamay nito. “Kalimutan mo na ako, Siege,” aniyang may himig ng pakiusap. “Ituring mo na lang akong patay.”

Tutal, iyon rin ang mararamdaman niya oras na magpakasal siya sa isang Melencio. Ito ang buhay niya. Hindi siya liligaya sa piling ng iba.

Mahigpit siya nitong niyakap. Parang ayaw siyang pakawalan. “Babawiin kita.” Hinalikan nito ang kanyang noo. “Hindi ako papayag na mawala ka sa akin.”

Kumalas siya sa yakap nito. Kailangan niyang gawin o baka magbago pa ang kanyang isip at naising manatili sa piling nito. Baka hindi niya mapatawad ang kanyang sarili pagkatapos.

“Huwag mo na akong pag-aksayahan ng panahon, Siege. I guess this is goodbye. Makakalimutan mo rin ako kapag nakakita ka ng ibang mamahalin.”

Animo’y pinapatay niya nang maisip na nasa piling na ito ng iba. Subalit kasama iyon sa konsekwensiyang dapat niyang harapin nang magpasya siyang tanggapin ang misyon sa pagtapos sa sumpa.

“Hindi ako magmamahal ng iba. Dahil babawiin kita. Hindi kita basta-basta isusuko,” pangako nito bago siya iniwan.

Pinigil niya ang sarili na umasa pa sa pangakong iyon. Tapos na sa kanila ang lahat dahil ikakasal na siya sa iba. Subalit hindi na siya magmamahal pa kahit kailan. Dahil ang Meredith na ikakasal sa isang Melencio ay wala nang puso. Ibinigay na niya kay Siege ang kanyang buong puso, pagkatao at kaluluwa nang maghiwalay sila.

“WELCOME back, Ate Meredith!” tuwang-tuwang sabi ni Ising nang bumaba siya ng kotse. “Kanina ka pa hinihintay ng Tita Constanza mo.”

“Nasaan siya?” tanong niya.

“Nasa kusina. Ipinaghahanda ka ng hapunan. May mga bisita ka pa nga.”

“Bisita?” tanong niya. “Sige, pakipasok na lang ang mga bagahe ko.”

Bakit naman nagkaroon agad siya ng bisita samantalang kanina lang niya itinawag sa kanyang tiya na darating siya. Marahil ay mga kamag-anak niya na hindi niya nabisita noong nakaraan niyang pagpunta. Palibhasa ay sandali lang siyang tumigil sa pagkakataong ito ay plano niyang manatili ng mas matagal.

Matapos makausap si Siege ay wala siyang inaksayang panahon. Matapos isaayos ang panibagong leave ay umuwi agad siya ng San Miguel. Hindi sang-ayon ang kanyang Mama sa kanyang gagawin subalit malaki na raw siya. Responsable na siya sa bawat desisyon niya.

Pagpasok niya sa sala ay naroon sina Ciriaco at Basilio. Mabilis na tumayo si Ciriaco. “M-Meredith, magandang araw. Para sa iyo.” Inabot nito ang bulaklak sa kanya.

“Salamat,” sabi niya at tinanggap ang bulaklak.

Napatingin siya kay Basilio na halos mamuwalan sa pagsubo ng suman. “Basilio!” sabi ni Ciriaco at siniko ito. “Nandito na si Meredith.”

Napatingala ito sa kapatid at pagkatapos ay sa kanya. Mabilis itong tumayo at kumaway. Hindi ito makapagsalita dahil namumuwalan ang bibig. Binati na lang niya ito ng ngiti. Nang paupuin niya ang mga ito ay bumalik si Basilio sa pagkain.

“Kayo pala ang bisita na sinasabi ni Ising.”

“A, oo,” nakangiting sabi ni Ciriaco. Ngayon pa lang ay nagpapa-cute na ito. “Pumunta agad kami dito nang malaman naming darating ka.”

“Salamat sa pagbisita,” sabi niya.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.