“Ang totoo niyan, hindi lang iyon ang pakay namin dito. Nabanggit ni Ising na gusto mo nang matapos ang sumpa. Kung hindi nakakahiya, gusto ko sanang malaman kung sino sa amin ang napili mo. Siguro ako na iyon dahil hamak na mas guwapo naman ako dito sa kapatid kong si Basilio.”
“Anong ikaw?” bulalas ni Basilio. “Hindi ba girlfriend mo na si Ising. Bakit kailangang ikaw ang pakasalan ni Meredith? Ako ang karapat-dapat sa kanya.”
Pinanlakihan ito ng mata ni Ciriaco. “Hindi ko girlfriend si Ising. Siya lang ang nanliligaw sa akin pero hindi ko siya sinagot. Si Meredith ang gusto ko.”
Itinaas niya ang dalawang kamay. “P-Pwede huwag kayong mag-away?” saway niya. “Hindi pa naman ako nakakapag-desisyon kung sino ang pakakasalan ko sa inyo.”
Umayos ang dalawa. “Mahihirapan nga naman siyang mamili sa atin, Kuya Ciriaco.” Nakangiting sabi ni Basilio. “Palibhasa maganda ang lahi namin.”
Lumabas ang kanyang Tiya Constanza na may hawak na sandok. “Kayong dalawa, maari na kayong umuwi nang makapagpahinga naman ang pamangkin ko. Huwag na ninyong pagtalunan ang tungkol sa kasal-kasal na iyan.”
“Paano nga po pala makakapamili si Meredith sa amin?” tanong ni Ciriaco.
Napag-isip ang kanyang Tiya Constanza. Marahil ay nababasa nito ang isip niya at kung ano ang hirap na kanyang pinagdadaanan.
“Ganito na lang. Suyuin na lang ninyo ang pamangkin ko,” suhestiyon ng kanyang Tiya Constanza. “Manilbihan kayo para makita rin niya kung ano ang magaganda ninyong katangian at makilala niya kayong mabuti.”
“S-Sige, pumapayag kami,” sang-ayon ng dalawa.
“Kung ganoon, makakauwi na kayong dalawa,” anang kanyang tiya. “Bumalik na lang kayo bukas o kaya mamayang hapon. Depende kung kailan ninyo gustong simulan ang paninilbihan.”
“H-Hindi po ba ninyo kami aalukin ng tanghalian?” tanong ni Basilio.
Tinaasan ito ng kilay ng kanyang tiya. “Bakit hindi na lang kayo umuwi? Siguro naman ipinagluto kayo ng tanghalian ng tagaluto ninyo. Hindi kayo kasahog sa tanghalian namin,” mataray nitong sabi.
“Uuwi na kami, Meredith,” anang si Ciriaco. “Hanggang sa muli, mahal ko.”
Nanlulumo siyang napaupo nang makaalis na ang mga bisita. Parang noon lang siya nakaramdam ng matinding pagod. She was exhausted physically, mentally and emotionally. Ni hindi makatulong ang malamig na simoy ng hanging-probinsiya.
Tinabihan siya ni Constanza. “Handa ka na ba sa gagawin mo? Desidido ka na bang magpakasal sa isa sa kanila?”
Pumikit siya. “Kailangan po. Nauubusan na ako ng oras. Kailangan ko itong gawin para sa ating pamilya.”
Isang buwan lang ang ibinigay na taning ng magulang ni Emer upang mabuhay ito sa tulong ng mga aparato. Kung hindi pa rin ito gigising, tuluyan na itong mawawala. Sana ay makatulong ang sakripisyong gagawin niya.
Ginagap nito ang kanyang kamay. “Kung sa huli ay maiisipan mo pa ring umurong, gawin mo. Huwag kang matakot. Mas mabuti nang sundin mo ang itinitibok ng puso mo kaysa gumawa ng bagay na pagsisisihan mo sa bandang huli.”
Wala na siyang oras pa para magsisi. Nakapagdesisyon na siya. Anuman ang kalabasan ng lahat, wala na siyang babalikan. Wala nang tibok ng puso pa siyang susundin dahil iniwan na niya ang kanyang puso kay Siege.
“ISING, kaninong kotse ang nakaparada sa tapat?” tanong ni Meredith. Galing sila sa pamamalengke nang madaanan ang itim na BMW na naka-park sa harap ng gate ng mga Melencio. Bigla siyang kinabahan nang makita iyon dahil parang sasakyan ni Siege. Katulad ng modelo.
Tatlong araw na siyang nananatili sa San Miguel. Kailangan niyang manatili doon upang makapamili kina Ciriaco at Basilio na masigasig pa ring nagpapaligsahan. Wala pa rin siyang napipili sa dalawa kahit pareho itong masipag at mabait. Malabong ma-in love siya sinuman sa mga ito.
“Baka kamag-anak nila Mang Ambrosio,” wika ni Ising. “Kasi maraming dumadalaw na ibang kamag-anak nila na mayaman din at de-kotse.”
“Ganoon ba?” nanlulumo niyang sabi. “Pumasok na tayo sa loob.” Imposibleng mapadpad si Siege doon. Marahil ay nakokonsensiya siya dahil sa pag-iwan niya dito.
Naka-indefinite leave siya. Pansamantala ay ibinilin niya sa associate editor niya ang trabaho. Sinabi niyang maari siyang tawagan sa San Miguel kung kailangan siya. Subalit wala na siyang balak bumalik oras na maikasal siya. Wala nga siyang planong imbitahan sa mga katrabaho. Baka kahit kay Brazile ay wala siyang mukhang maiharap. Napakasaklap ng kinasadlakan niya.
Hindi lang si Siege ang nawala sa kanya nang akuin niya ang misyon ng pagputol sa sumpa. Pati ang trabaho na pinaghirapan niya sa loob ng mahabang panahon ay nawala rin sa kanya.
“Ate Meredith, may napili ka na ba sa kanila?” Inginuso ni Ising sina Ciriaco at Basilio na tumutulong sa hardin kasama ang kanyang Tiya Constanza. Masigasig ang mga ito sa trabaho. Bawat isa ay nagpupursigi upang mapili niya.
“Sa ngayon, wala pa.”
Nagpatiuna siya kay Ising sa kusina upang ayusin ang mga pinamili. Dapat ay hindi na siya umasang mababago pa niya ang lahat. Hindi na niya kailangan pang isipin si Siege. Dapat na niya itong kalimutan dahil sa mga oras na ito ay maaring kinalilimutan na siya nito. Magiging masaya na ito sa piling ng iba.