Chapter No Me Ames: 28

“Saan ka ba napunta, Meredith? Basta ka na lang nag-leave. Ni hindi ka nagpaalam sa akin. Hindi ko alam kung saang lupalop ka ng mundo napadpad,” sermon ni Brazile habang kausap ni Meredith sa cellphone.

Nagkukulong siya sa kanyang silid. Wala sina Ciriaco at Basilio dahil nasa kabilang bayan. Kaya naman may oras siyang magpahinga nang walang nangungulit sa kanya. Kailangan din niyang kumustahin ang mga naiwan sa Maynila gayundin kung ano ang nangyayari sa publication.

Umupo siya sa tabi ng bintana. “Sorry na. Biglaan kasi ang pag-alis ko kaya hindi na ako nakapag-paalam. Kumusta ang staff?”

“Okay lang kami dito. Kaya naman ni Gracie ang trabaho. Kapag may problema nagtutulungan kaming ayusin. Kailan ka ba babalik? Hindi talaga kami sanay nang wala ka dito. Bumalik ka na,” anitong may himig paglalambing at pakiusap.

Hindi niya maiwasang malungkot. Hindi ang photographer ng Torch ang Brazile na nakikiusap sa kanya kundi ang Brazile na matalik niyang kaibigan. Nami-miss na rin niya ito subalit hindi niya masabi dito kung ano ang problema. Tiyak na maghu-hurumentado ito oras na malaman ang dahilan kung bakit siya magpapakasal. At malamang ay itakwil siya nitong kaibigan oras na makita ang pakakasalan niya.

“Hindi ko pa alam kung kailan ako babalik. Kumusta na si Sir Siege?”

Narinig niya pagbuntong-hininga nito. “Isa pa iyang lalaking iyan. Missing in action din. Nag-leave din siya at iniwan ang publication kay Keith. Hindi rin niya sinabi sa akin kung saan siya pumunta.”

Nakadama siya ng kurot sa puso. Marahil ay lumayo si Siege pansamantala para kalimutan siya. Maaring naghahanap na ito ng babae na ipapalit sa kanya. Na siya namang nararapat dahil hindi ito liligaya sa piling niya.

Ikakasal na siya sa isang lalaking hindi niya mahal. Kahit na mabuhay pa siya sa kalungkutan, iyon na ang pinili niya. Kahit piliin niya si Siege, mawawala rin ito sa kanya sa huli. Dahil sa sumpa. Walang kaligayahan si Siege sa piling niya.

“Meredith…”

Napakurap siya nang muling marring ang tinig ni Brazile sa kabilang linya. Pinahid niya ang namamasang mga mata.

“B-Bakit?” tanong niya.

Sa kaiisip niya kay Siege ay nawala siya sa sarili. Ni hindi niya napansin na umiiyak na siya.

“Akala ko ba okay na kayo ni Sir Siege. Hindi ba sweet pa nga kayo bago ka umalis. Nag-away ba kayo?”

“O-Of course not. Wala kaming relasyon,” kaila niya.

Hindi na niya nagawang ikwento dito na naging nobyo niya si Siege dahil natapos rin agad ang kanilang relasyon.

“Kasi nagtataka lang ako dahil sabay kayong nawala. Anyway, sana bumalik ka na agad. Kailangan mo akong tulungan sa kasal ko.”

Itinapik niya ang mga daliri sa balustre ng bintana. “Hindi ba nakaayos na iyan last month pa? Bakit natataranta ka?”

“Kapag ikaw ang ikinasal, matataranta ka rin.”

Ikakasal na pala siya. Ilang linggo na lang ang natitira sa kanya para piliin kina Ciriaco at Basilio ang pakakasalan niya. Pero wala pa rin siyang mapili. Ni wala nga sa isip niya ang pagpapakasal.

“Basta hindi kita pababayaan sa kasal mo,” sabi niya.

“Nandito na si Keith,” pabulong na sabi nito. Subalit hindi maikakaila ang excitement sa tinig. “Magde-date kami.”

Hindi niya maiwasang maiinggit dito. Mabuti pa ito, may kalayaang pumili kung sino ang lalaking dapat nitong pakasalan. Samantalang siya, kahit saan bumaling ay talo siya. Piliin man niya si Siege, iiyak din siya sa huli.

“Ate Meredith,” anang si Ising. “Ipinatatawag po kayo ng Tita Constanza ninyo.”

Binuksan niya ang pinto. “Bakit daw?”

Abot-tainga ang ngiti nito. Halatang kinikilig pa. “Kasi may bisita po kayo. Napakaguwapo! Siya na yata ang pinakaguwapong lalaking napadpad dito.”

Nagsalubong ang kilay niya. “May bisita akong guwapo?”

Nagmamadali siyang lumabas ng silid at tinungo ang sala. Pagbungad niya ay nakita niya ang kanyang Tita Constanza na nakahalukipkip habang nakaismid sa dalawang lalaki na nasa sala.

“Mabuti at dumating ka na. Kanina pa sila nagpipilit na makita ka,” nakaismid nitong sabi.

Ngumiti siya nang makita si Mang Ambrosio. Subalit naglaho ang ngiti niya nang makita kung sino ang isa pang lalaking katabi nito.

“Siege? Anong ginagawa mo dito?”

Ngumiti ito at tumayo. “Hello, Meredith! Dito ka lang pala nagtatago.”

Napaawang ang kanyang labi sa pagkabigla. She had an impulse to run to him. Na-miss niya ito dahil isang linggo na silang hindi nagkita. Galit pa ito sa kanya nang huli silang nagkausap.

Subalit pinangibabaw niya ang pagka-irita. Hindi na ito maaring manatili pa doon dahil lalo lang itong masasaktan. Wala nang katuloy pa ang pagmamahalan nila. Hindi na ito dapat pang umasa sa wala dahil hindi na magbabago ang isip niya.

Itinulak niya ito sa dibdib. “Umalis ka na, Siege,” mariin niyang sabi. “Tapos na ang lahat sa atin. Hindi pa ba malinaw sa iyo na ikakasal na ako sa iba?”

Pinagitnaan sila ni Mang Ambrosio. “Hija, huwag mo namang ipagtabuyan si Siege. Nandito lang siya para makatulong. Naisip ko kasi na nahihirapan kang magdesisyon kung sino kina Ciriaco at Basilio ang pipiliin mo. Kaya naman…”

Napatingin siya kay Mang Ambrosio. “Sa tingin ko po wala siyang maitutulong dito. Alam ninyo ang paraan para maputol ang sumpa. Kailangang sa isang Melencio lang ako magpakasal.”

Kung magkikita pa sila ni Siege nang hindi pa siya naikakasal sinuman kina Ciriaco at Basilio, tiyak na mawawala siya sa sarili. Baka hindi siya makapag-isip ng tuwid at kalimutan ang misyon niyang putulin ang sumpa. Baka sumama siya dito kahit ano pa ang maaring kahinatnan. Handa siyang kalimutan ang pamilya niya.

At hindi iyon makakabuti sinuman sa kanila. Marami siyang ipapahamak na tao. Marami siyang masasaktan. Hindi lang ang pamilya niya kundi maging si Siege.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.