Napailing si Mang Ambrosio. “Hindi mo naiintindihan, hija. Hindi ko idinala si Siege dito para itaboy mo. Ni hindi ko alam na magkakilala kayo. Hindi ba nasabi ko sa iyo na may iba pa akong pamangkin na wala pang asawa. Pero hindi sila madalas magawi dito at wala silang alam sa sumpa. Isa si Siege sa mga pamangkin ko na iyon.”
NAGPAPALIT-palit ang tingin ni Meredith kina Mang Ambrosio at kay Siege. “P-Pamangkin ninyo si Siege?” naguguluhan niyang tanong. “M-Magkamag-anak kayo?”
Ni minsan ay hindi nabanggit sa kanya ni Siege na may kamag-anak ito sa San Miguel. Ang alam niya ay sa Bicol nagmula ang pamilya ng Mama nito bago nakapag-asawa ng Amerikano ang lola nito at nag-migrate sa Amerika.
“Oo,” sagot ni Mang Ambrosio. “Malayo kaming makamag-anak.”
Sinulyapan niya ang kanyang Tiya Constanza na tahimik lang nakikinig. “Totoo po ba na magkamag-anak sila?” tanong niya.
Nagkibit-balikat ang kanyang tiya. “Malay ko. Wala naman akong pakialam sa pamilya nila. Ngayon ko lang nakita ang binatang iyan, paano ko malalaman?”
Malaki ang gap ng mga Melencio at Villegas. Basta mga bagay na may kinalaman sa mga Melencio ay hindi pinakikialaman ng kanyang tiya. Kaya hindi niya makukumpirma kung totoong isang Melencio si Siege.
Hinarap niya ang dalawang lalaki. “Paano ninyo mapapatunayan na magkamag-anak nga kayo?” tanong niya sa mga ito.
“Ganito iyan, hija,” anang si Mang Ambrosio na walang ekspresyon sa mukha. “Ang ninuno naming si Segusmundo ay pinsang buo ni Iluminada Melencio. Pero nagpakasal siya sa isang Legaspi. Hanggang ang apo ni Iluminada na si Lorrinda ay nagpakasal sa isang Amerikanong konsulado kaya nakarating sila sa Amerika. Si Lorrinda ang lola ni Siege. Malinaw na ba, hija?”
Itinaas niya ang kamay. “N-Naguguluhan pa rin ako. Anong katiyakan ko na totoo ang sinasabi ninyo? Maaring niloloko lang ninyo kami.”
“Tama,” sang-ayon ng kanyang Tita Constanza. “Hindi naman talaga kapani-paniwala ang matandang hukluban na iyan. Hindi mo dapat pagkatiwalaan ang isang Melencio, Meredith. Lahi sila ng manloloko.”
“At kayo namang mga Villegas ay mga mangkukulam. Lalo na ka na, Constanza,” sigaw ni Mang Ambrosio. “Matandang mangkukulam!”
Namula sa galit ang kanyang Tita Constanza. “Matandang hukluban! Hindi kami mangkukulam.”
Wala siyang maunawaan sa pagtatalo ng dalawang nakatatanda. Napapitlag siya nang hawakan siya sa kamay ni Siege. “Mawalang-galang na po,” sabi nito. “Gusto ko po sanang makausap si Meredith ng sarilinan.”
“Ano bang kalokohan ang ginagawa mo?” gigil na bulong niya habang inaakay siya nito palabas ng bahay.
Pinaupo siya nito sa kawayang upuan sa hardin at tinabihan siya nito. “Hindi kalokohan ang tawag dito. Totoo ang sinasabi ko. Kung tutuusin, mas kapani-paniwala pa nga na may dugo akong Melencio kaysa sa sumpa.”
Tinitigan niya ito. Nakikita niyang sinsero ito subalit hindi pa rin niya matiyak kung nagsasabi ito ng totoo. “Paano kung gumagawa ka lang ng paraan para magpakasal ako sa iyo?”
Naihilamos nito ang palad sa mukha. “Meredith, nagpunta lang ako dito para tingnan ang ipinagbibili ni Tiyo Ambrosio na lupa dito sa San Miguel. Saka lang niya nabanggit sa akin ang tungkol sa sumpa. Ayaw ko pa ngang maniwala noong una. At ngayon ko lang din nalaman na ikaw pala ang ipapakilala niya.”
Pumikit siya at napailing. “E-Ewan ko, Siege. Naguguluhan ako.”
Kahit kailan ay hindi niya naisip ang posibilidad na isang Melencio ito. Mahirap paniwalaan lalo na’t pagbabasehan ang pagtatalo nila noong huli silang nag-usap. Nangako itong babawiin siya. Paano kung ito ang paraan nito para bawiin siya?
Hinawakan siya nito sa braso. “Sumama ka sa akin.”
“Saan tayo pupunta?” tanong niya nang matagpuan na naman ang sarili na sumusunod dito.
Bahagya siya nitong nilingon. “Patutunayan ko sa iyo na hindi ako nanloloko.”
Humantong sila sa bahay ng mga Melencio. Pagdating sa sala ay inilabas nito ang ilang album. “Ito ang picture noong family reunion nila Mama last year,” sabi nito at itinuro ang isang larawan. “Nariyan si Tiyo Ambrosio, kasama niya sa picture.”
Group picture ang kuha kasama ang mga kamag-anak ni Siege. Naroon nga si Mang Ambrosio sa likuran ng grupo. Sa bandang unahan naman ay ang Mama ni Siege. Ganoon din sa iba pang group picture.
“Kung hindi ka pa rin naniniwala, may iba pa dito,” sabi ni Siege at inilabas ang mas lumang album. Naroon ang larawan ng Mama nito noong kabataan nito. Sa likod ay may sulat na dedicated sa isang Tiya Eliza. Marahil ay iyon ang nanay ni Mang Ambrosio. May mga larawan din sa ibang album kasama si Siege at ang mga magulang nito sa Amerika.
“Kahit magkalayo, may communication pa rin sina Mama at ang mga Melencio. Malapit siya kay Tiya Magdalena, bunsong kapatid ni Mang Ambrosio. Sa Maynila siya nag-aral at kasama ni Mama sa unibersidad,” paliwanag nito. “Pangalawang beses ko pa lang nakauwi dito dahil hindi naman ako malapit sa kanila. Pero kamag-anak pa rin namin sila, hindi ba?”
Sinulyapan niya ito. “Talaga bang kamag-anak mo sila?”
Tumingala ito na parang nagsasawa nang magpaliwanag sa kanya. “Oo sabi,” pagod nang wika nito. “Ang Lola Iluminada ko ay pinsan ni….”
Tumayo siya at pinigilan ng daliri niya ang labi nito. “Shhh…” Ngumiti siya. “Natutuwa lang ako dahil nandito ka.”
Bago pa ito muling makapagsalita ay hinalikan niya ito. Ang simpleng halik ay lumalim. Parang dam na sumambulat ang lahat ng pagmamahal na pinigil niya sa loob ng ilang araw na parang isang taon silang hindi nagkita. Ang pangungulila at ang sakit na naranasan niya sa hindi nila pagkikita ay unti-unting naglalaho sa bawat halik nito. Subalit parang hindi pa sapat ang isang halik lang at ayaw na niyang matapos pa.