“B-Bakit ngayon ka lang nagpakita kung kailan muntik na akong maikasal sa iba?” tanong niyang may himig paninisi. Kung alam lang sana niya na isa rin itong Melencio, hindi na sana nagkasakitan pa.
Hinaplos nito ang kanyang pisngi. “Maybe it is fate.”
Gusto niyang maluha sa tuwa at niyakap ito. “You made me happy, Siege.”
“Meredith, layuan mo ang lalaking iyan!” sigaw ng kanyang Tiya Constanza. Hinila siya nito sa braso at inilayo kay Siege. Dinuro nito si Siege. “At ikaw lalaki, huwag ka ngang makayakap sa pamangkin ko.”
“Pero Tita…”
Pinanlakihan siya nito ng mata. “Hindi porke’t guwapo ang lalaking iyan, pwede na kayong magyakapan. Isa pa rin siyang Melencio. At kung gusto niyang patunayan na seryoso siyang gusto ka niyang pakasalan, kailangan muna niyang patunayan na malinis ang intensiyon niya. Dadaan muna siya sa mga kamay ko.”
“PINAPUNTA ko kayo dito para sabihin na hindi na ninyo kailangan pang magsilbi dahil may napili na ako,” sabi ni Meredith kina Ciriaco at Basilio. Pagdating ng mga ito mula sa pagdalaw sa kamag-anak sa kabilang bayan ay ipinatawag niya ang mga ito. Kailangang sabihin niya ang desisyon sa lalong madaling panahon.
Kumislap ang mga mata ni Ciriaco. “Ehem! Ako na ba ang maswerteng napili mo, Meredith?”
Pilit siyang ngumiti at umiling. “H-Hindi.”
Napatayo si Basilio. “Ibig sabihin ako iyon?”
Umiling siya muli. “Hindi rin, eh.”
“Kung hindi kami, sino?” tanong ni Ciriaco.
Tinawag niya si Ising at iniutos na papanhikin ng bahay si Siege. Makalipas ang ilang sandali ay umakyat na ito. “Bakit, Meredith?” tanong nito.
Iniyakap niya ang braso sa baywang nito. “Basilio, Ciriaco, siya si Siege, ang pinsan ninyo. Siya ang napili ko.”
Ngumiti si Siege at inilahad ang kamay. “Ikinagagalak ko kayong makilala.”
Namula sa galit si Ciriaco at hindi pinansin ang pakikipagkamay ni Siege. “Pinsan ka namin?” bulalas nito. “Paanong nangyari iyon? Hindi kita kilala.”
“Malayong kamag-anak ninyo ako,” paliwanag ni Siege. “Nakadalaw na ako dito sa San Miguel pero sa kabilang probinsiya pa kayo nakatira noon at ibang pinsan natin ang madalas kong kalaro sa may bukid. Kaya siguro hindi ninyo ako kilala. Pero nai-kwento kayo ni Tiyo Ambrosio sa akin. Kahapon ako dumating pero nasa kabilang bayan daw kayo at dinalaw si Adelfa. Ano ang anak niya?”
“Babae,” sagot ni Basilio at kinamayan ito. “Natutuwa akong makilala ka.” Natigilan ito. “Ano na nga ulit ang pangalan mo?”
“Siege,” sagot niya. “Siege Matthews. Isa siya sa mga pinsan ninyo na lumaki sa ibang bansa at sa Maynila nanirahan pagbalik.”
“Sandali,” anang si Ciriaco na hindi maipinta ang mukha. “Paanong siya agad ang napili mo samantalang kahapon lang kayo nagkakilala? Dahil ba sa galing siyang ibang bansa o dahil may kaya siya?”
Humilig siya kay Siege. “Siya talaga ang boyfriend ko. Naghiwalay ako dahil kailangan kong magpakasal sa isang Melencio. Hindi ko naman nababanggit sa kanya ang apelyido ninyo kaya nagkagulatan na lang kami nang magkita kami dito.”
Ginagap ni Siege ang kamay niya at kinintalan ng halik ang likod ng kanyang palad. “At hindi ako papayag pa na magpakasal siya sa iba.”
“Paano naman kami?” may hinanakit na tanong ni Ciriaco.
Tinapik niya ito sa balikat. “Huwag ka nang malungkot. Magiging magkamag-anak naman tayo. Magiging isa tayong masayang pamilya.”
Hindi pa rin nagpatalo si Ciriaco at dinuro si Siege. “Pero hindi siya malapit na Melencio. Kami ang derektang apo ni Lolo Segusmundo. Kami ang tunay na Melencio.”
Nagkibit-balikat si Siege. “Wala namang sinasabi na kailangang isang direktang apo ni Lolo Segusmundo ang kailangang pakasalan, hindi ba? Ang importante ay may dugong Melencio ang lalaking pakakasalan ni Meredith. At ako ang napili niya.”
Matalim na nagpapalit-palit ang tingin sa kanila ni Ciriaco. Parang may gusto pa itong sabihin subalit hindi na lang itinuloy. Humihingal ito sa galit na umalis.
“Pasensiya na kayo sa kapatid ko,” sabi ni Basilio. “Hindi lang talaga siya sanay na tumanggap ng pagkatalo. Basta ako, natutuwa ako para sa inyong dalawa.”
“Salamat, Basilio,” sabi niya. “Sana maging magkaibigan tayo.”
“Oo,” nakangiting sabi nito. “Basta imbitahan ninyo ako sa kasal ninyo at sarapan ninyo ang mga pagkain. Saka sana pwede ring mag-take home. Sige, uuwi na rin ako.”
Nangingiti niyang pinagmasdan ang pag-alis ni Basilio. Subalit nalulungkot siya para kay Basilio. Pero naniniwala siya na nakakalimutan din siya nito.
“Talaga bang pakakasalan mo ako?” tanong ni Siege. Nang lingunin niya ito ay hindi maipaliwanag ang kasiyahan sa mukha nito.
“Oo naman,” aniya at tinanggal ang dumi sa mukha nito.
Nakasuot lang ito ng ordinaryong long sleeve at kupas na pantalong maong. Naninilbihan ito sa kanila katulad ng ginawa nina Basilio at Ciriaco. Pawis na pawis ito dahil pinagtabas ito ng damo sa likod-bahay ng kanyang Tita Constanza. Hindi ito sanay sa mabibigat na trabaho subalit wala siyang narinig na reklamo mula dito.
“Pakakasalan mo ako, wala nang bawian?” paniniyak nito.
Tumango siya. “Wala nang makakahadlang sa atin, Siege.”
Mataman siya nitong tiningnan. “Pakakasalan mo ba ako dahil isa akong Melencio o dahil mahal mo ako.”
Ngumiti siya at iniyakap ang kamay sa leeg nito. “Walang kinalaman ang pagiging Melencio mo sa pagmamahal ko sa iyo. I always love you, Siege. Kahit sino ka pa o kahit saan ka pa nanggaling.”
Nang maghinang ang mga labi niya ay nakadama siya ng kalayaan. Ngayon ay malaya na nilang masasabi ang nararamdaman nila para sa isa’t isa. Sa wakas ay mapuputol na nila ang sumpa. Subalit mas masaya siya dahil ito ang lalaking itinakdang makasama niya sa pagputol ng sumpa. Ang lalaking mahal niya at ang nakatakda niyang makasama sa habambuhay ay iisa.