“Ako!” sabay na sagot nina Pierce at Alex na pareho pang nagtaas ng kamay. Naglaban ang tingin ng dalawa. Handang paglabanan ang most coveted role para lang di makapagsuot ng bahag ang mga ito.
“Bato-bato pick,” anang si Pierce at iniunat na ang braso.
“Paguwapuhan na lang,” sabi ni Alex.
“Bunong braso ang labanan dito sa Cordillera o kaya wrestling,” sabi ni Jeremie. “Ako ang referee.”
Itinaas niya ang kamay bago kung anong labanan pa ang i-launch ng mga ito. “Uhmmm… kay Angel ang fairy costume at excited na siya sa role. Kaya ba ninyong kunin ang role sa kanya? It would really break her heart.”
Bumagsak ang balikat ng dalawa. Walang kawala ang mga ito. Kailangang isuot ng mga ito ang costume.
Napansin niya na tulala si Kellan habang nakaupo lang sa isang tabi. “Are you okay?”
Hindi ito sumagot kaya niyugyog ni Francois ang braso nito. “Hoy! Kellan! Kausap ka ni Amira. Galaw-galaw naman diyan.”
“I… I don’t mind the costume. I don’t know how to dance. Baka mapahiya ako kay Mabel,” sabi nito.
Tumayo si Francois. “Halika! Tuturuan kita.” At nag-thumbs up ito sa kanya. Bahala na ito na pakalmahin ang mga kasama nito.
Nang matiyak niya na ready na rin si Angel at ang ibang cast sa play ay nagtungo sa unahan ng pew kung saan nakaupo ang mga kapatid niya. Naroon na rin ang mga estudyante na kasama sa workshop. Puno na ang simbahan ng mga tao at ina-anticipate ang papalapit na play. Wala kasing idea ang mga ito kung ano ang magiging palabas at kung sino ang mga gaganap.
“Nasaan na ang boys?” tanong ni Ailene.
“Magsisimula na ang play pero wala pa si Alex. Di pa ba tapos ang ginagawa nila?” anang si Eira na mukhang miss na miss na ang nobyo. “Marami kasi akong gustong ikwento sa kanya.”
Tinapik niya ang braso nito. “Maghintay ka lang.”
“Okay lang ba si Angel?” tanong ni Vera Mae na kinakabahan na para sa appearance ng anak nito sa play. May hawak pa itong handy cam para kuhanan ang nalalapit na pagtatanghal ng anak.
“Don’t worry. Angel is fine and excited about her role.” Ewan lang niya kay Brian kung kakayanin nito ang paglabas sa stage.
She went backstage just in time for the prayer. Lahat ng kasama sa play ay nakapaikot at nagdadasal. Hinawakan niya ang kamay ni Francois. It was cold. Akala niya ay malakas ang loob nito pero kinakabahan din pala ito.
Pinisil niya ang kamay nito. “You will be fine.”
Kinintalan nito ng halik ang dulo ng ilong niya. “Ginagawa ko lang ito para sa iyo. I want you to be happy.”
“Well, I am.”
Mukha lang confident si Francois at pinalalakas ang loob ng mga kasama pero kinakabahan din pala ito. At nakakataba ng puso na ginagawa nito ang lahat para sa kanya. Mula nang matanggap nito ang script at sinabi niya kung anong magiging costume nito ay hindi ito umangal.
Nagsimula nang tumunog ang mga gong bilang senyales na papasok na ang grupo nila Francois. Narinig niya ang sigawan ng mga tao dahil walong makikisig at guwapong lalaki ang nakasuot ng bahag ang nakahantad sa mga ito. Normal na lang ang nakabahag sa Cordillera pero hindi sa isang bagsakan ay may ganito kaguguwapong lalaki. Kahit naman siya ay napasinghap. They looked glorious and proud warriors. Kung kinakabahan man ang mga ito ay di halata.
Ang role ng mga ito ay mga tao na noong una ay kontento sa pamumuhay ng mga ito. Na kaisa ang mga ito ng kalikasan hanggang sa di na makuntento ng mga tao dahil sa pagdating ng sibilisasyon at teknolohiya. Na wala nang pakialam ang mga ito sa kung ano ang idudulot sa mundo. The concept was simple and playful so that kids will understand.
Sinilip niya si Francois nang pumailanlang na ang boses nito bilang isang pinuno na naging gahaman. Mabuti na lang at original ang piyesa kaya naman mas madali para dito na kumanta. Pero kahit siguro magkasintu-sintunado ito ay wala na siyang pakialam dahil pagkaguwapo-guwapo nito habang kumakanta. Kahit pa siguro kumanta lang ito ng French ay okay lang. At sa palagay niya ay iyon din ang sentimyento ng mga kababaihan na kinikilig dito.
Umusok ang entablado bilang senyales ng pagkalason ng hangin at polusyon. Nagkakagulo na sa stage ang lahat nang sa wakas ay lumabas ang munting diwata na si Angel na nagsisilbing bantay ng kalikasan. She looked so cute in her frothy white gown. She carried herself like a princess.
Napapalakpak siya sa gilid ng stage habang proud na proud na pinagmamasdan ang pamangkin. Ilang beses lang silang nag-practice pero nai-deliver nito nang maganda ang role.
Nagalit ito sa nakitang pagkasira ng mundo kaya naman pinarusahan nito ang mga tao. Nagkaroon ng baha, tagtuyot at taggutom para turuan ng leksiyon ang mga tao. Sa huli ay nagtanim ang mga tao at nilinis ang mga basura para ipakita ang pagbabago ng mga ito. Hindi nawala ang setting ng mga ito in Igorot costume dahil ibig sabihin ay di lang sa lungsod maaring mangyari ang kaunlaran at pagkasira ng kalikasan. Kahit saan ay pwedeng mangyari iyon.
Standing ovation ang nakuha ng mga ito. And she felt proud. Kahit na di naman professional na artista ang nagsiganap ay magagaling ang mga ito. She had her sights on Francois who received tons of “I love you, Chef Aklay” from the female and feeling female audience when he took a vow.
Nang matapos ang palabas ay kanya-kanyang pagpapa-picture ang mga audience sa mga ito. Niyakap agad niya si Angel na cute na cute sa fairy costume nito. “You did great, baby. Bagay na bagay kang maging fairy.”
“Thank you, Tita Amira. Can I keep my dress?”
“Of course. Si Tita Mabel ang tumahi niyan para talaga sa iyo.”
Pumalakpak ito sa tuwa. “Yehey!”
“Pwede po ba akong magpa-picture?” tanong ng isang pamilya na nanood.
“Sure,” aniya at iniwan ang mga ito.
Bukod kay Angel ay pinagkaguluhan din ang grupo nila Francois. But her sisters were not happy about it. Nakita niya ang nagbababalang tingin ng mga kapatid niya sa mga nobyo at asawa ng mga ito kapag may lumalapit at nagpapa-cute. Habang si Francois naman ay hinayaan lang niya. He knew how to hold his fort. Tanggap na niya na may pagka-flirty ito. It was part of his nature.
“Chef Aklay, pwedeng mag-kiss?” tanong ng isang babae na mukhang walang kalamig-lamig sa katawan dahil naka-sleeveless pa na red dress samantalang malamig sa Sagada noon.
Inabangan niya kung anong gagawin ng nobyo. Ngunit ngumiti lang ito at tumuro sa direksyon niya. “Iyon ang girlfriend ko. Tanungin mo na lang siya kung gusto niyang magpa-kiss ako sa iba.”
Ngumuso ang babae at umalis na lang dahil sa pagkadismaya. Nag-thumbs up pa sa kanya ang nobyo at in-accommodate ang sumunod na magpapa-picture.
Ang tanging pinayagan lang niya na humalik dito ay ang grupo ng mga senior citizens na fans nito. They were harmless after all.
“Amira, pinagbihis na namin ang mga boys, ha?” anang si Yumi at kasama na si Jairus na nakasuot ng jacket at pantalon. “Baka kasi mapulmonya.”
Nakita niya na nagpalit na rin ng damit ang iba at ginuguwardiyahan na ng kanya-kanyang nobya at asawa. Kanina pa alert ang mga ito mula nang makitang nakabahag lang sa stage ang mga nobyo at asawa. At para protektahan ang kanya-kanyang partners mula sa mga babae at feeling babae na nagpapa-cute sa mga ito ay binalot na ang mga ito.
“Hindi mo ba pagbibihisin ni Aklay?” tanong ni Vera Mae. “Baka mapulmonya ang boyfriend mo.”
Ngumiti lang siya. “Hindi napupulmonya ang mga makikisig. At para sa akin ay siya ang pinakamakisig na lalaki ngayon sa buong Sagada.”
“Hindi ka nagseselos na may iba kang ka-share sa kanya?” tanong ni Ailene na kuntodo ang kapit sa braso ni Jeremie. Bantay-sarado na ito kahit na nakabihis naman ang nobyo.
Umiling siya. “No. I am confident that Francois is mine. Only mine.”