“Sa wakas, natapos na din!” anang si Ailene at nag-inat ng mga kamay. Nakapaikot sila sa bonfire sa harap ng kubo ng lola silang magkakapatid kasama ang kanya-kanyang partners in life.
Tapos na sa wakas ang program para sa birthday ni Don Alfonso na matagumpay na naisagawa. Ang totoo ay gusto pa ngang maulit ng marami ang naturang programa. Nag-enjoy kasi di lang ang bata kundi maging ang mga magulang nito na maraming natutunan. Naging proyekto tuloy ng bawat isa na magtanim sa kanya-kanyang bakuran at ang nanguna pa sa mga ito ay ang empleyado ng Banal Mining sa Sagada na ipinagmamalaki ang naitanim nang mga puno at halaman ng mga ito.
Humilig si Kellan sa balikat kay Mabel. “I am not sure if I want to do it again.”
“Tse! Enjoy na enjoy ka nga na magpa-picture sa mga girls,” anang si Mabel at bahagyang itinulak ang ulo nito palayo.
“Of course not.” Ginagap ni Kellan ang kamay ni Mabel at kinintalan ng halik sa likod ng palad. “I only did it because I thought it would make you happy and for your grandfather. Pero kung hindi kita mapapasaya.”
“Maniwala ka sa akin. Nag-enjoy iyan, Boy Troso. Tulo laway pa nga,” biro ni Amira kay Kellan at nagkipagbungguan ng nakakuyom na kamao dito.
“Yeah! I like that Boy Troso,” tatango-tangong sabi ni Kellan. Matapos ang performance nito kanina ay gumaan na ang loob niya sa binata. Hindi naman kasi ito killjoy at suportado nito ang project niya.
“Ako basta enjoy chicken joy,” sabi ni Berry at pasimpleng pinagapang ang kamay sa hita ni Matthew. “Ang kinis pala ni Atorni.”
Mabilis na sinapo ni Matthew ang kamay ng kapatid para pigilan ito sa pag-explore. “Berry, huwag diyan!”
“May kiliti ka diyan?” nakangising dugtong ni Berry.
“Huwag diyan! May kiliti ako diyan!” sabay na kanta naman ni Eira at Vera Mae with matching sayaw. “Aw!”
“Harassment ang ginawa mo,” anang si Matthew at pinanlakihan ito ng mata.
“Mayaman ako,” nanunuksong sabi ni Berry at pasimple ulit na hinaplos ang hita nito. “How much is your legs, Atorni?”
“May SPG dito!” anang si Brian at tinakpan ang mata ni Angel. “Matulog ka na, baby. Nasa loob na si Lola at hinihintay ka.”
“Daddy, huwag po muna,” angal ni Angel.
“It is past your bedtime. Come on,” anang si Vera Mae at magkasama ang mag-asawa nang dalhin sa kubo ang anak.
Si Angel lang ang patutulugin nila sa loob pero sila naman ay sa tent sa labas ng kubo planong matulog. Ayaw pa niyang tapusin ang bonding nila sa araw na iyon at gusto rin niyang ma-appreciate ng mga ito ang ganda ng lugar at ang nature.
“Gusto ninyong ulitin ulit natin?” tanong ni Jairus. “Parang pagkaguwapo-guwapo ko habang nagpe-perform kanina.”
Itinaas ni Alex ang kamay. “’Yung fairy role na lang sa akin. Thank you.”
“Aagawan mo pa ng role si Angel,” natatawang sabi ni Eira.
“Ako okay lang na ulitin kahit na pagod,” sabi ni Jeremie.
“Gusto mong ulitin? Gusto ko sasayawan mo ako nang nakabahag kapag ikinasal tayo,” anang si Ailene at pabirong kinagat ang balikat ng binata.
Nangingiti na lang si Amira sa kulitan ng lahat. It was such a good day. Hindi niya inaasahan na magiging matagumpay ang araw na iyon.
Tinapik ni Yumi ang balikat niya. “Congratulations, Amira. Maganda ang project mo na ito. Di lang kami maraming natutunan at bagong karanasan. Nag-enjoy din kami.”
“Congratulations sa ating lahat. Di ko naman ito magagawa na mag-isa kung wala kayo. Saka bawi ko na lang ito sa inyong mga kapatid ko.” Lumabi siya. “I messed up our first bonding session. The first one was too boring. Ngayon naman sana masaya tayong lahat at di kayo madadala next time na mag-invite kayo.”
“Aprub sa akin kasi masarap ang pagkain,” anang si Berry. “Basta sa cupcakes ulit ako sa susunod.”
“Balita ko nga nagpaiyak ka daw ng bata,” anang si Matthew.
“Ayos na kami. Sinuhulan ko siya ng isang paketeng Chocnut. Di na daw niya ako irereklamo sa baranggay,” anang si Berry at pumangas ng barbeque.
“Gusto ba ninyo akong tulungan na mag-ihaw?” tanong ni Francois na lumabas mula sa kubo dala ang isang Tupperware na may laman siguro ng binabad na karne at isda.
“Pwede na rin ba nating simulan ang tapuy at basi?” tukoy ni Jairus sa rice wine at sa sugar cane wine na gawa sa Sagada.
“Oo nga. Nilalamig na rin ako e,” anang si Matthew.
Nagsitayuan naman ang mga lalaki. Di lang silang magkakapatid ang may bonding session kundi pati ang mga partners nila. Nakikita niya na nagiging malapit na rin ang mga ito sa isa’t isa. Natutuwa naman siya dahil malaki ang participation ni Francois para mapaglapit-lapit ang mga ito.
“Amira, ang ganda pala ng mga ninuno ni Lola Celestina. Nakita ko sa loob,” anang si Sky na lumabas mula sa kubo at inaaalalayan ni Pierce. Dahil isa itong neneng disgrasyada kaya naman nalaglag ito sa pilapil kaninang tumatawid sila sa rice terraces. Papalubog na kasi ang araw nang pumunta sila doon at medyo madilim na. Kaya naman naligo muna ito at nagpalit ng damit.
“Teka. Matingnan nga,” sabi ni Mabel na naunang tumayo.
Hindi na kasi nakita ng mga kapatid niya kanina ang kubo sa loob dahil abala sila sa pagkakainan sa labas. Masyado na kasi silang napagod at nagutom sa program kaya di na napagtuunan ng pansin ng mga ito.
Kanya-kanyang tingin ang mga ito sa mga picture na nakakuwadro. Meron din siyang nakuha sa photo album na may mga larawan ng ritwal na isinasagawa sa Sagada. Naaaliw siya dahil excited ang mga kapatid niya na malaman kung para saan ang mga ritwal o kung sino ang mga kamag-anak nila sa larawan at kung sino ang nahahawig sa kanila o kung may namana sila sa mga ito.
“Ate Amira, ang ganda-ganda naman dito sa rice terraces ni Lola Celestina. Tahimik at wala kang ingay ng sasakyan na maririnig. Nakaka-relax,” anang si Eira na dumungaw sa bintana ng kubo.
“Oo nga. Plano ko ngang taniman ng repolyo ang broccoli dito,” sabi niya sa kapatid. Ngumanga ito at inilabas ang dila na parang naduduwal.
“Salamat kasi idinala mo kami dito, Amira,” anang si Mabel. “Marami akong natutunan tungkol sa mga ninuno natin at kay Lola Celestina.”
“Marami akong natutunan sa araw na ito. Nalaman ko lalo kung gaano kahalaga ang pagiging natural at organic,” anang si Vera Mae. “Na kapag gumamit tayo ng mga gamit na may harmful chemicals pwede tayong magkasakit at nakakasira din sa kalikasan.”
“Mahirap pala ang trabaho mo lalo na kapag may ipinaglalaban,” sabi naman ni Sky. “Siguro nahihirapan ka rin sa proposal na ipe-present mo.”
“Oo nga. Malapit na iyon,” anang si Yumi.
“Sabihin mo lang kung may maitutulong kami. Basta doon na lang ako sa sasabunutan kapag may umaway sa iyo. Wala kasi akong alam sa presentation-presentation na iyan,” nakangising sabi ni Berry.
“Berry,” nagbababalang sabi ni Yumi.
“Dyok lang, ate,” anang kapatid niya at tumiklop agad.
“Sa iyo naman talaga ang boto ko, sister,” anang si Vera Mae na supportive talaga sa kanya.
Itinaas ni Ailene ang baba. “Basta galingan mo para iboto kita. Hindi ako madaling i-please.”
“Of course. Gagalingan ko talaga,” aniya sa kapatid.
“At hindi ako magpapatalo sa tea park wonderland na plano mo.” Nang makita ng kapatid niya ang plano ay nag-panic ito at gagawa din daw ito ng sarili nitong coffee park.
“Bring it on!” natatawa niyang sabi. Ang totoo ay healthy competition naman iyon dahil pareho silang magbe-benefit ni Ailene at ang mga taga-Sagada.
“Ate Amira, wala ba tayong film showing ngayon?” nakangising tanong ni Eira.
Natawa siya. “Masarap mag-stargazing dito dahil kitang-kita mo ang mga bituin. Perfect iyon habang nagkukwentuhan tayo.”
“Hindi mo ba ipi-pitch sa amin ang proposal mo?” tanong ni Ailene. “Magandang opportunity ito dahil good mood kami. It might be on your favor.”
Tipid siyang ngumiti at umiling. “No. Ayokong mag-isip ng trabaho para sa araw na ito.” Yumakap siya sa braso ni Mabel. “Bonding session natin ito. At gusto ko na mag-enjoy lang tayong lahat.”
“Group hug na!” anunsiyo ni Eira at nagyakapan silang lahat.
Hindi niya ipagpapalit ang araw na ito dahil nabuo silang magkakapatid. And she felt like they were really one. At anuman ang maging desisyon ng mga ito sa presentation niya ay hindi na mababago ang pagiging magkakapatid nila. Maaring mawala sa kanya ang Banal Mining pero di niya isusuko ang mga kapatid niya.
“PAPA, gising na po kayo. Nandito na po kaming mga prinsesa ninyo,” malambing na sabi ni Yumi nang haplusin ang buhok ni Alfie habang nakahimlay ito sa hospital bed.
Dinalaw nila ang ama sa ospital matapos ang tanghalian. Di na nila nakasama ang kanya-kanyang asawa at nobyo dahil may kanya-kanyang schedule din ang mga ito at gusto rin ng pagkakataon na magka-bonding silang magkakapatid. Si Angel ay isinama muna ni Brian para dalawin ang isang kamag-anak sa Besao na galing sa London. Mula nang saglit na magising mula sa pagkaka-coma ang ama nila mahigit dalawang buwan na ang nakakaraan ay ngayon lang ulit sila nabuong magkakapatid para dumalaw sa ama.
“Gusto na kayong makalaro ni Angel,” lambing ni Vera Mae dito. “Para naman makita ninyo kung gaano kaganda ang apo ninyo.”
“Papa, gusto ko po sana kayo ang maghatid sa akin sa altar kapag ikinasal ako,” ungot naman ni Sky.