“Papa, gusto mong kantahan kita ng Aegis para magising ka?” tanong naman ni Berry dito.
“Huwag na,” sabay-sabay nilang sagot.
“Pwede ba nating dalawin si Aunt Carrie?” tanong ni Eira. “Wala pala siya dito ngayon. Di rin natin siya naka-bonding kahapon.”
“Oo nga. Umalis siya agad matapos ang program,” sabi naman ni Ailene. “Baka naman may iniiwasan.” At saka tumutok ang mga mata sa kanya.
“Kung gusto ninyo dalawin natin. Yayain pa nating mag-picnic sa Lake Danum para naman maka-bonding natin siya,” nakangiti niyang sabi.
Masyadong maganda ang mood niya para masira ang araw niya. Kaya naman niyang i-tolerate ang madrasta. Ganoon siguro kapag masaya ang isang tao at positibo sa buhay. Kapag walang galit sa puso niya, kaya niyang i-tolerate ang masamang ipinapakita sa kanya ng ibang tao kahit pa nga sabihing itinuring niyang kaaway. Sa boardroom ng Banal Mining lang sila maghaharap ni Caridad. Pero ngayon, gusto lang niyang mabuo sila bilang isang pamilya. Kaya niyang i-tolerate ang presensiya nito.
Matapos ang dalawang oras na pananatili sa hospital suite ng ama ay nagtungo na sila sa Banal Mansion. Ayon kay Manang Rosing nang tawagan ni Yumi ay narooon lang naman ang madrasta at walang balak na umalis.
Naabutan nila sa may sala si Caridad na nagbabasa ng fashion magazine habang nakaupo sa settee. She looked bored and uninterested.
“Mommy Carrie,” excited na sabi ni Eira at niyakap ito. “I miss you.”
Humalik ang mga kapatid niya sa pisngi ng madrasta at nakita niya na parang di man lang ito naaliw na makita silang lahat.
“Hindi na po namin kayo nakasama sa mga activities kahapon. Masaya pa mandin po. You should see the artworks done by the kids,” anang si Sky.
“Nag-enjoy din sana kayong mag-decorate ng cupcakes,” anang si Vera Mae.
“At kumain,” dagdag ni Berry.
Isang matabang na ngiti ang ibinigay nito sa kanila. “Mukha ngang nag-enjoy kayong lahat. Sa palagay ko naman ay di na ninyo ako kailangan doon.”
“Na-realize po namin na baka may mahalaga kayong inasikaso kahapon kaya umalis agad kayo. Pare-pareho naman po tayong busy at ngayon lang nagkakasama-sama. Kaya po ngayong pagkadalaw namin ni Papa naisip namin na puntahan po kayo at yayain namin kayong mag-picnic sa Lake Danum,” sabi ni Yumi.
Tumaas ang gilid ng labi ni Caridad. “Really?”
“Wala na kayong iisipin. Nagpahanda na po kami ng pagkain kay Manang Rosing. Just change into a fabulous dress and a wide-brim hat and you are ready to go,” pang-eengganyo pa ni Ailene dito.
“Pero kung ayaw ninyo pwede naman akong magpa-spa party ngayon,” anunsiyo ni Vera Mae. Isang spa party ang naging bonding session nilang magkakapatid courtesy of Vera Mae. And they enjoyed it a lot.
“Gusto ko rin iyan,” sang-ayon ni Mabel.
“We can spend the rest of the day as a family,” excited na sabi ni Eira.
Sinapo ni Caridad ang noo. “I am sorry. I don’t think I can play family with you today… or ever.”
“Bakit po? Masama po ba ang pakiramdam ninyo?” tanong ni Berry. “Sayang naman ang foods na ipinahanda kundi matutuloy.”
“Hindi ko yata kayang magpanggap na isang pamilya tayo habang may kasama tayong anay. Masisira ang alaala ng Lolo Alfonso ninyo. At hindi iyon kakayanin ng puso ko.” Nanlilisik ang mga mata ni Caridad sa direksyon ni Amira. “Hindi ko matatanggap sa pamilyang ito ang babaeng iyan.”
“Ano po ang problema kay Ate Amira?” tanong ni Eira.
“Aunt Carrie, kung tungkol naman ito sa presentation, di dahil magkakapatid kami ay sa kanya agad kami kakampi. Siyempre titingnan muna namin ang presentation niya,” paliwanag ni Ailene.
“Saka presentation pa rin iyon. Kahit ano pa iyan, di naman kailangang masira ang relasyon natin bilang isang pamilya,” depensa ni Sky.
“Look. Hindi naman ito tungkol sa Banal Mining. Ayoko ngang pag-usapan iyon lalo na’t labas naman tayo sa opisina. Gusto ko lang na magkasama-sama tayong lahat bilang isang pamilya,” malumanay na sabi ni Amira. “I am sure magiging masaya si Lolo Alfonso kung makikita tayong magkakasama na masaya. Kahit ngayon lang kalimutan natin ang rivalry na iyan o ang mana ko.”
“Shut up! How dare you speak about family? Baka nakakalimutan mo na ikaw ang dahilan kung bakit inatake si Papa.” Tumingin ito sa ibang kapatid niya. “Si Amira ang pumatay sa lolo ninyo.”
“NO! Hindi totoo iyan,” usal ni Amira pero pakiramdam niya ay walang lumabas na boses sa bibig niya. Parang nasa isa siyang masamang panaginip. Mula kahapon ay parang nasa langit siya habang kasama ang mga kapatid at ngayon ay mistulang ibinagsak siya sa impyerno.
“Amira…” anang si Yumi na nagtatanong siyang tiningnan.
Wala siyang nagawa kundi ang umiling lang pero kahit ang leeg niya ay di niya maigalaw. Ito ang isang bagay na ayaw niyang mabuksan. Subalit di niya alam kung paano sasabihin ang totoo.
“Paano naman mangyayari iyon samantalang wala na si mansion si Amira nang atakihin si Lolo?” tanong ni Ailene. “Kinabukasan pa mula nang umalis siya ng mansion nagka-heart attack si Lolo.”
Bakas sa mukha ng iba niyang mga kapatid na di rin makapaniwala ang mga ito sa naririnig. Handa ang mga ito na ipagtanggol siya kung saka-sakali.
“Amira, bakit hindi mo na lang sagutin ang tanong nila,” anang si Caridad na dahan-dahang tumayo. May mapang-uyam na ngiti sa labi nito. Of course, she was showing her ace now. Ito ang panlaban nito sa kanya. “Bakit hindi ka makakibo? Hindi ba hindi mo matanggap na ayaw ni Papa na ipasara ang mining operation dito sa Sagada. So what did you do? Like a kid on tantrum, you went to the local radio station and granted them an interview. Siniraan mo ang Banal Mining sa mga tao. You even launched a campaign about it.”
“Hindi iyon tantrums. Paninindigan ang tawag doon,” gigil niyang pagtatanggol sa sarili at sa paniniwala niya.
“Just the same. Salamat pa rin sa iyo dahil nang marinig ni Papa ang interview ay inatake siya sa puso. Wala nang sasakit pa sa isang lolo na ang apo niya na matagal na panahon niyang hinanap at tinanggap sa pamamahay na ito ay kakalabanin siya at sasaksakin sa likod. Murderer!” singhal ni Caridad at dinuro siya.
Galit ito subalit nakita niya ang kislap ng kaligayahan sa mga mata nito. She deliberately did this. Inilabas na nito ang alas nito. Kung kailan nagkakaayos na silang magkakapatid, kung kailan malapit na siyang magtagumpay ay saka naman sinira ng madrasta ang lahat. She felt helpless. Nakikita niya ang lahat ng pinaghirapan niya na nawawasak sa harapan niya.
Gusto sana niyang depensahan ang sarili niya subalit pinaikutan na siya ng mga kapatid niya. Karamihan sa mga ito ay galit ang anyo.
“Totoo ba na ikaw ang dahilan kung bakit inatake si Lolo?” tanong ni Sky.
“Dahil sa galit mo kay Lolo kaya ka nagpa-interview?” anang si Vera Mae at sinapo ang dibdib.
“Bakit ngayon lang ninyo sinabi sa amin, Aunt Carrie?” tanong ni Yumi.
Lumungkot ang anyo ng babae at tinutop ang bibig. “Sabi ni Attorney Ferrer huwag ko daw sabihin sa inyo. Ayaw daw ng lolo ninyo na mag-away-away at magkahiwa-hiwalay pa kayong mga apo niya. Ayaw daw niyang magulo ang pamilya. Kaya tiniis ko ang sekretong ito kahit na masakit. Nasasaktan na nakikitang malapit na ang loob ninyo kay Amira at di ninyo nalalaman ang kasalanan niya. Kung alam lang siguro ni Papa na gulo ang dadalhin niya sa pamilyang ito, tiyak ko na di niya dadalhin ang babaeng iyan dito. Wala siyang karapatan na maging bahagi ng pamilyang ito. Wala siyang karapatan na maging isang Banal.”
Umiling si Eira at humawak sa braso niya. “Huwag po ninyong sabihin iyan, Aunt Carrie. Sigurado ako na di iyon sinasadya ni Ate Amira. Di ba, Ate Amira?” tanong nito tumingin sa kanya ang tigmak sa luha na mata nito.
Walang nagawa si Amira kundi mapaiyak na lang at umiling. Nakita niya na nanlulumo din ang mga kapatid niya at pawang may luha sa mata. Gusto niyang magpakatatag. Gusto niyang ipakita na wala siyang kasalanan sa nangyari. Na di niya ginusto. Pero alam niya sa puso niya ay responsable siya sa nangyari sa lolo niya. Sa puso niya, alam niyang siya ang dahilan kung bakit namatay ito.
“Sinadya niya iyon. Ginusto niya iyon,” mariing sabi ni Caridad. Hinaklit nito ang braso ni Eira kaya napalayo sa kanya ang kapatid. “Tayo ang pamilya, Eira. Hindi niya tayo itinuturing na pamilya sa simula pa lang. Kaaway ang tingin niya sa mga Banal. Her family is Mother Nature, not us. Her loyalty will always be with her advocacy. Bakit hindi nito tanungin ang magaling ninyong kapatid kung ano ang mas mahalaga sa kanya – kung ang paniniwala niya o kayong mga kapatid niya?”
Binitiwan nito si Eira at saka naglakad palayo. Iniwan sila ng madrasta sa sala at isang ngiti ng tagumpay ang nakita niyang sumilay sa labi nito. At nagtagumpay nga ito. She just hit the final nail in her coffin. Ang lahat ng pinaghirapan niya, lahat ng pangarap niya pati ang relasyon nilang magkakapatid ay winasak na nito.
And she wanted to howl in hurt and pain. She was ruined.