Chapter BH: Amira 129

“Amira, totoo ba na nagpa-interview ka sa radio station laban sa Banal Mining?” tanong ni Vera Mae.

“Alam mo naman na may sakit si Lolo. Nampusa naman o! Gusto mo talaga siyang mamatay?” puno ng pang-aakusa na tanong ni Berry at hinampas ng palad ang sarili nitong hita. Sa itsura ng kapatid ay parang pinipigilan lang siya nitong sugurin.

“Kaya ka ba umalis noon sa mansion kasi gusto mong kalabanin si Lolo? Hindi ba okay naman na kayo noon?” sabi ni Mabel sa pagitan ng hikbi.

“Ano bang masamang nagawa ni Lolo sa iyo at ganyan ka kagalit sa kanya?” tanong ni Ailene na may ngitngit sa boses.

Nagsasalimbayan ang mga tanong ng kapatid ni Amira. Pinupuno ng galit na boses ng mga ito ang buong sala. Umaalingawngaw ang boses ng mga ito sa buong Banal Mansion Nahihilo na siya dahil di niya alam kung ano ang una niyang sasagutin. Nahihilo na siya. Umiikot sa paningin niya ang galit na mukha ng mga ito at mga akusasyon.

Hindi na siya makahinga. Hindi niya alam kung anong gagawin. Ano ba ang dapat niyang sabihin? Makikinig pa ba ang mga ito sa mga paliwanag niya? O mas mabuting umalis na lang siya bago pa siya mag-collapse doon. Nang mga oras na iyon, pakiramdam niya ay napakalaki ng kasalanan niya sa mga kapatid. At masakit iyon dahil ngayon pa ito nangyayari kung kailan malalapit na sila sa isa’t isa. Natatakot siya. Natatakot siya na mawala ang mga ito. Natatakot siya na ayaw na sa kanya ng mga ito bilang kapatid.

Umawat na si Yumi. “Sandali lang. Sisters, di tayo magkakaintidihan kung sabay-sabay tayong magsasalita. Di masasagot ni Amira ang mga tanong natin. Kailangan siguro nating kumalma at huwag magalit.”

“Paano akong hindi magagalit kung namatay si Lolo dahil sa kanya?” angil ni Ailene at pinalis ng likod ng palad ang luha.

“Doon tayo sa library mag-usap. This is a private affair,” Yumi declared in a firm voice. “Sasagutin ni Amira ang lahat ng tanong natin.”

Nakayuko si Amira na sumunod sa kapatid. Nasa bandang dulo siya at nakahiwalay sa ibang mga kapatid niya. She could feel the grief. But she could feel them seething as well. Pinagsalikop niya ang mga nanlalamig na kamay. Kailangan niyang magpakatatag. Kailangan niyang harapin ito. Kailangan ng mga kapatid niya na malaman ang totoo. Kung sino ang totoong siya.

Nahuli siyang pumasok sa library. Kanya-kanya nang posisyon ang mga kapatid niya paikot sa mahabang mahogany table. Ang tanging natitira na lang ay ang puno ng mesa at wala siyang nagawa kundi umupo doon. Pakiramdam niya ay napakainit ng upuan. Nakatutok sa kanya ang mata ng mga kapatid na bagamat may luha sa mga mata ay matalim.

Huminga ng malalim si Yumi. “Amira, gusto naming malaman kung ano ang nangyari sa araw na iyon. We want to hear your side,” mahinahong sabi nito.

Di agad siya sumagot at iginala ang tingin sa mga kapatid. Pati ang larawan ng mga ninuno nila na nakakuwadro ang painting at nakasabit paikot sa library ay parang nakatunghay din sa kanya at naghihintay ng sagot niya.

Kinagat niya ang pang-ibabang labi saka bumuga ng hangin. “Sa simula pa lang, gusto ko nang malaman ninyo na hindi ako nagpunta sa Sagada para makilala kayo o maging isang Banal. May imbitasyon ako na ilang beses kong tinanggihan.” Itinaas niya ang baba. “Nandito ako para tulungan ang local environment group ng kaibigan kong si Estephanie na pigilan ang operasyon ng Banal Mining dito. Papunta na ako dapat sa Sochi, Russia nang mapunta ako dito.”

“Kung hindi ka nandito para maging isang Banal, paano ka napunta sa mansion?” nakataas ang kilay na tanong ni Ailene.

“Uhmmm…. Lolo Alfonso sort of had me kidnapped. Pinasundo niya ako sa kay Francois at akala ko ay siya ang susundo sa akin papunta sa bahay ng kaibigan ko. Pero hindi pala niya ako dadalhin sa bahay ni Estephanie kundi sa Banal Mansion. Gusto ko nang umalis. Ayaw kong makilala si Lolo… o kayo. Pero sinabi niya sa akin na kung mag-i-stay ako sa Banal Mansion kahit sa dinner lang o matulog dito nang isang gabi at makilala kayo, pwede ko siyang kumbinsihin para ipatigil ang operasyon ng Banal Mining sa Sagada.”

Huminga siya ng malalim. “Pero napakaraming demands ni Lolo. Kahit na nagawa ko ang gusto niya, marami pa rin siyang gusto sa akin at wala pa rin siyang plano na ipasara ang minahan dito. Alam ko na ginagamit lang niya iyon na pain para manatili dito sa mansion. Para manipulahin ako.”

Nakita niya ang pag-ikot ng mata ni Vera Mae. Malamang ay alam na nito ang strategy na iyon ng lolo nila.

“So I decided to leave. May totoo akong misyon sa pananatili dito. Kahit na nakilala ko kayo o hindi ay parte ng trabaho ko ang interview sa radio station. Hindi ko ginawa iyon para sadyang saktan si Lolo. To start with, alam ko ang stand ko sa isyu na ito. I am against Banal Mining. Alam din iyon ni Lolo bago pa man ako tumapak ng Sagada,” aniya sa matatag na boses.

“Amira, bakit parang napakalaki ng galit mo sa pamilyang ito?” tanong ni Mabel. “Alam ko lahat naman tayo ay lumaki na walang ama. Alam ko maraming ginawang mali si Papa noong kabataan niya. Pero nararamdaman ko na iba ang lalim ng galit mo. Parang malaki rin ang galit mo sa Banal Mining.”

“Ang ama natin ang nagsimula ng gulong ito, Mabel.” Ikinuwento niya sa mga ito kung anong ginawang pang-aakit ng ama niya sa kanyang inosenteng ina para mapapirma ang mga Lambayan sa agreement sa minahan. Hanggang sa mamatay ang mga tao doon at mahati ang tribo. “And I was treated as a curse. Dahil anak daw ako ng sumira sa tribo.”

“Ibig sabihin naghihiganti ka sa kay Papa at idinamay mo ang lahat pati si Lolo Alfonso?” tanong ni Berry.

Umiling siya. “Walang kinalaman ang pagiging Banal ko sa nangyari. Ginawa ko lang ang trabaho ko at para sa matalik kong kaibigan,” giit niya. “Nang mamatay si Lolo, ayokong tanggapin ang mana niya. Pero sinabi niya sa proviso niya na kapag tinanggihan ko ang mana ko, mawawalan na ako ng pagkakataon na mabawi ang Kanayama at protektahan ito para sa mga Lambayan. Nasa ilalim pa rin ng Banal Mining ang Kanayama. Kasama sa pinirmahang dokumento na maaring i-explore ng kompanya. At mataas ang klase ng ginto na nandoon. Pinrotektahan iyon ni Lolo sa loob ng mahabang panahon pero sa pagpanaw niya, alam niyang walang makakapigil sa mga may hawak sa kompanya para minahin iyon. Kaya kung magagawa ko ang proviso ni Lolo at makukumbinsi ang board at shareholders sa presentation ko, ia-award sa mga Lambayan ang Kanayama. At alam ko na kailangan ko ring gawin iyon dahil sila na lang ang kulang sa pagkatao ko. gusto kong matanggap ulit nila ako at ang nanay ko. Ayoko nang maging sumpa. At alam ko na miss na miss na ni Nanay ang tribo niya. M-May sakit pa ang lola ko. Kaya alam ko na kailangan kong gawin iyon.”

“Kaya ka lang mabait sa amin dahil sa proviso ni Lolo? Gusto mo lang kunin ang loob namin para bumoto kami sa presentation mo?”

Hindi na galit ang tono ng boses ni Ailene sa pagkakataong ito. There was hurt. Kahit naman lagi pa rin silang nag-iinisan ng kapatid ay napamahal na sila sa isa’t isa. And what she did was betrayal on her sister’s part.

Umiling siya at tumayo. “No! Mga kapatid ko kayo. Ginawa ko iyon dahil… mahal ko kayo.”

“Mamahalin mo pa rin ba kami kahit na hindi mo makuha ang boto natin? O basta mo na lang kaming iiwan dahil wala na kaming silbi?” tanong ni Sky.

“No, don’t answer that, Amira,” anang si Yumi at may pakiusap sa mga mata na umiling.

Nauunawaan ng kapatid niya kung gaano kabigat ang tanong na iyon. At kahit saang anggulo niya tingnan, alam niyang siya ang talo.

“Hindi ako magpapanggap. Siguro parte ng pakikipaglapit ko sa inyo noong unang buwan ko ng pagkakakilala natin ay dahil sa proviso ni Lolo. Ginagawa niya ang proviso na iyon para mapalapit tayo sa isa’t isa. Lahat tayo.” At mariin niyang tiningnan ang mga ito. Iniwas ang mga ito ang tingin sa kanya. She knew that one way or another, they somehow felt the same. “Pero sa paglipas ng panahon at habang nakikilala ko na kayo ay napamahal na kayo sa akin. At kung may choice lang ako, ayokong maipit sa ganitong sitwasyon. Hindi ko gustong atakihin si Lolo dahil sa akin. Hindi ko gusto na maging magkakaaway tayo dahil lang sa mga bagay na pinaninindigan ko. I don’t even want to be born in this situation. Hindi ko gustong mabuhay sa galit sa loob ng mahabang panahon.

“Five months ago, I didn’t even know I have sisters. Sana lang hindi tayo umabot sa ganitong sitwasyon. Dahil kung may magandang nangyari sa lahat ng kasalanan at sama ng loob na idinulot ni Papa sa akin, kayo iyon. Dahil nagkaroon ako ng mga kapatid na mamahalin ko. At importante sa akin ang pagmamahal na iyon. Importante kayo sa akin.”

Umiiyak ang mga kapatid niya subalit walang gusto na tingnan siya sa mga mata. She could feel their confusion and distrust. At hindi naman niya masisisi ang mga ito. Ngayon lang nalaman ng mga ito na siya ang dahilan kung bakit inatake sa puso ang lolo niya. Na siya ang dahilan kung bakit namatay ang lolo niya. Wala siyang magagawa kung sisihin siya ng mga ito dahil kahit naman siya ay sinisisi din niya ang sarili sa nangyari.

Humikbi si Eira. “Naguguluhan ako.” And her youngest sister’s cry broke her heart. Nagsisisi ba ito na winelcome siya nito noon? Nagsisi ba ito dahil sinuyo-suyo siya nito at nakipaglapit sa kanya.

“Gusto ko pa sana ng oras para mag-isip,” anang si Vera Mae at tumalikod.

Tumayo naman si Ailene. “I need space.” Saka ito nagtungo sa bintana para buksan iyon at sumagap ng hangin.

Ang iba naman niyang kapatid ay ayaw siyang tingnan man lang. And she could hear her stepmother’s words ringing inside her head. Murderer! Murderer!

At iyon siguro ang tingin sa kanya ng mga kapatid ngayon. They didn’t even want to look at her. Couldn’t stand the sight of her.

Marahan siyang tumango. “Naiintindihan ko,” aniya sa nanginginig na labi habang pinipigilan ang sarili na maiyak na naman. “Aalis na ako.”

At mabigat ang mga paa niya na lumabas ng library. Tuloy-tuloy lang siya sa paglalakad na parang walang nakikita. Wala siyang pakialam kung naroon man si Caridad sa kung saan at nakikita siya na isang talunan. Wala siyang pakialam kung magpapapiyesta man ito. Sa plano nitong sirain siya ay nagtagumpay ito. Dito na ang kayamanan. Ang Kanayama ay kaya pa niyang ipaglaban sa ibang paraan. Pero ang mga kapatid niya, di niya alam kung paano mababawi pa.

“Ma’am Amira, ihahatid ko na po kayo,” sabi ni Manong George na malungkot na nakaantabay sa kanya sa pinto ng mansion.

Parang robot siya na sumakay sa likod ng kotse. Isang beses pa niyang nilingon ang mansion ng Banal kung saan naroon ang mga kapatid niya. Sa lugar na iyon nagsimula ang pagiging Banal niya. At ngayon din iyon nagtatapos.

Napabulalas na lang siya ng iyak. Wala man lang siyang magawa habang dinudurog siya ng madrasta niya kanina. At hindi niya alam kung ano pang gagawin niya ngayon.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.