NATAGPUAN na lang ni Amira ang sarili sa harap ng Sagada Doctor’s Hospital. Hindi niya alam kung paano siya nagpunta doon. “Manong George…”
“Sinabi po ninyo na gusto ninyong makita ang papa ninyo,” sabi ng driver.
Hindi niya naalala iyon. Gulong-gulo ang isip niya kanina pag-alis ng mansion at wala siyang ibang ginawa kundi ang umiyak. Pero gusto ba talaga niyang doon magpunta? Gusto ba niyang makita ang ama?
“Ma’am, pwede ko naman po kayong dalhin sa ibang lugar. Sabihin lanng po ninyo kung saan. Gusto po ba ninyong dalhin ko kayo kay Sir Francois?”
Marahan siyang umiling. “H-Hindi po.”
May cooking class si Francois para sa ilang turista. She didn’t want to bother him. Problema ng pamilya ito. At sa mga oras na iyon, pakiramdam niya ay kailangan niya ng isang ama.
Bumaba siya ng sasakyan at nagtungo sa suite ng ama niya. In-assist siya ng nurse na mukhang nababahala sa pagkatulala niya. Kanina nga naman kasi ay masaya silang magkakapatid nang manggaling doon. Ngayon ay mugto na ang mga mata niya at tulala.
Nang makarating sa tabi ng nahihimbing niyang ama ay di niya maiwasang maibulalas ang sama ng loob dito. “Papa, malas ba talaga ako? Bakit po kung kailan buo na kaming magkakapatid at malapit ko nang magawa ang proviso ni Lolo, saka pa nangyari ito? Wala ba akong karapatan na mahalin at magkaroon ng buong pamilya? Parang lahat na lang ng pamilya ko na nakikilala ko, kung hindi ayaw sa akin, nawawala naman. Ang mga Lambayan, si Lolo Alfonso at ngayon naman pati ang mga kapatid ko. Mula ba nang ipanganak ako mali na? Ano ba ang dapat kong gawin para maging ama naman ang lahat. Di naman po ako masamang tao.”
Kinuyom niya ang palad habang pinipigilan na muling mapaiyak. “Kanina masaya kami na dumalaw kayo at nagpunta kami kay Aunt Carrie. Nakita niya na masaya kaming magkakapatid at di niya matanggap iyon. And what she did? Sinabi niya sa mga kapatid ko na ako ang dahilan kung bakit inatake si Lolo Alfonso. Ngayon iniisip na nila na pinatay ko si Lolo. Na sinadya ko siyang bigyan ng sama ng loob. Pati ang pagmamahal ko sa kanila ngayon ay pinagdududahan nila. Papa, anong gagawin ko? Hindi ko na po alam. Tulungan naman ninyo ako. Pagod na pagod na po kasi ako. Buong buhay ko kailangan ko na lang laging patunayan ang sarili ko. Kailangan kong pagdusahan ang mga bagay na di ko naman kasalanan. Hanggang kailan ko ba kailangang lumaban?
“Sana pala katulad na lang ako ni Aunt Carrie na walang pakialam sa mga taong masasagasaan niya. Basta kukunin niya ang gusto niya para lang maging masaya siya. Na wala siyang pakialam kung may matapakan o masaktan man siya. Basta parurusahan niya ang lahat ng umapi sa kanya kahit na manggamit siya ng tao. Kahit na gamitin ka niya. She’s a bitch. Pero marami siyang napapaniwala at sa akin ay wala.”
Napaupo na lang siya sa sahig at yumukyok sa tuhod niya. Wala na siyang pakialam kung anuman ang itsura niya. She was broken inside. Di niya alam kung paano pa itatama ang lahat ng pagkakamali sa buhay niya.
May narinig siyang boses. “Amira, anak…”
Tumigil siya sa pag-iyak at dahan-dahan na inangat ang tingin. May narinig siyang boses. Boses ng isang lalaki. Tumayo siya at pinagmasdan ang ama. Nahihimbing pa rin ito at walang katinag-tinag. Subalit nakita niya ang luha sa gilid ng mata nito na tumulo.
Nanlaki ang mata niya at sumasal ang kaba sa dibdib. “Papa! Papa, naririnig ba ninyo ako? Papa! Gumising kayo, Papa.”
Natatantang pinindot niya ang buton para sa nurse’s station. Humangos naman ang nurse at doktor ng ama kasama si Francois. Niyakap agad siya ng nobyo. Nalaman siguro nito mula kay Manong George na naroon siya.
“Miss Banal, anong nangyari?” tanong ng doktor.
“N-Narinig ko po na may tumawag sa pangalan ko. Tapos nakita ko na lang po na umiiyak si Papa. Baka po gising na siya.” Pakiramdam niya ay narinig siya nito. Narinig nito ang mga hinaing niya. Sana ay gising na ang ama niya. Kailangang-kailangan niya ito ngayon.
“Ma’am, mabuti pa po pumunta po muna kayo sa waiting lounge.”
Nagtungo sila ni Francois sa private waiting lounge para sa mga Banal. Hindi siya mapakali habang palakad-lakad. “Amira, stay put. Uminom ka muna ng chamomile tea.”
Saka lang siya umupo at tinanggap iyon. “Salamat.”
Noon lang niya naramdaman na tuyong-tuyo ang lalamunan niya. Sa dami ng naiiyak niya kanina, malamang ay na-dehydrate siya. Matapos inumin ang tsaa ay uminom siya ng tubig. Tahimik lang din ang nobyo niya at malamang ay tinatantiya ang mood niya. Di ito gaanong nagtanong.
“Bakit matagal ang doktor?” tanong niya. “Gusto ko lang naman malaman kung gising na nga si Papa. Gusto ko siyang makausap.”
“Maghintay lang tayo,” anito at hinila siya paupo.
Makalipas ang ilang minuto ay bumalik ang doktor. “Gising na po ba si Papa? Pwede ko na po ba siyang makausap?”
“Miss Banal, nasa coma pa rin ang ama mo. Kung nakita mo man siyang umiyak, iyon ay dahil naririnig ka pa rin niya. Kahit na nasa coma siya ay gumagana pa rin ang senses niya. Perhaps he was deeply affected by what you told him. Pero di ibig sabihin ay gising na siya.”
“P-Pero… Pero narinig ko po na tinawag niya ang pangalan ko.”
Kumunot ang noo ng doktor. “Nakita mo ba na tinawag ka niya?”
Marahan siyang umiling. “H-Hindi po.”
“Kung ganoon ay maaring imahinasyon mo lang iyon, hija. I believe you are under a lot of stress right now. Minsan may mga nakikita o naririnig tayo na wala doon. Magpahinga ka muna.” Tumango ito kay Francois. “Mr. Mosqueda, mas mabuti siguro kung pagpahingahin mo muna siya.”
“Hindi po. Dito po muna ako. Babantayan ko muna si Papa,” aniya at nagmamakaawang tiningnan si Francois. “Kung naririnig niya ako at nagre-react siya sa akin, baka makatulong ako para magising siya.”
“Okay,” anang binata.
Papalabas na ang doktor nang biglang dumating si Caridad kasunod ang mga kapatid niya. Nakita niya ang lungkot sa mata ng mga ito at di man lang nagtangka na lapitan siya. Malapit lang sila sa isa’t isa pero pakiramdam niya ay isang malawak na karagatan ang pagitan nila.
“Doc, how is my husband? Gising na ba siya?” tanong ni Caridad.
“Not yet, Mrs. Banal. Pero umiyak po siya. We think it is a good sign. Nag-respond siya matapos siyang kausapin ni Miss Amira.”
Binigyan siya ng malamig na tingin ng madrasta. “Ayokong nandito siya. Hindi niya pwedeng dalawin ang asawa ko.”
Nahigit niya ang hininga. “Pero anak po ako ni Papa. May karapatan din ako na dalawin siya.”
“Aunt Carrie, kay Ate Amira naman po nag-respond si Papa. Baka pwede pong huwag siyang umalis,” anang si Eira sa madiplomasyang tono.
“No. Wala akong tiwala sa kanya. She hates your father. Hindi ko alam kung anong pwedeng mangyari. Di ko pwedeng ipagkatiwala ang buhay ng asawa ko sa kanya. Baka matulad siya sa lolo ninyo. Nawalan na kayo ng lolo, baka tuluyan pa kayong maulila sa ama,” puno ng malisyang sabi ni Caridad.
That tore her heart. Ganoon ba siya kasamang tao? “Hindi ako mamamatay-tao,” mariin niyang tutol.
“Miss Amira, mabuti pa po kung magpahinga muna kayo. Babalitaan ko na lang po kayo kapag may development sa ama ninyo,” anang doktor ng ama niya.
“Amira, let’s go,” anang si Francois sa masuyong boses.
“Di ako mamamatay-tao. Hindi ako pinalaki ng nanay ko na masamang tao. Alam ninyo iyan. At kahit na gaano ako kagalit kay Papa o kahit gaano pa siya kasamang tao, di ko gugustuhing masaktan siya,” aniya sa matatag na boses at taas-noong lumabas ng silid habang nakahawak sa braso ng nobyo.
Matatag ang mga binti niya at nanlambot lang siya nang makarating sa sasakyan ni Francois at napasandal doon. Naninikip ang dibdib niya. “Francois, ayoko na dito.”
“Amira… kailangan ka ng papa mo.”
Umiling siya at hinayaang tumulo ang mainit na luha sa mata niya. “Alam ni Papa na galit ako sa kanya. Tama naman si Aunt Carrie. Baka sa susunod si Papa naman ang mamatay dahil sa akin. A-Ayoko nang mangyari iyon.”
Niyakap siya ng nobyo. “Amira, alam mo na hindi ka mamamatay-tao. Akala ko napag-usapan na natin ito noon. Wala kang kasalanan sa nangyari. Things just happen. Napatawad ka na ng lolo mo.”
“Pero hindi ako mapapatawad ng mga kapatid ko. Alam na nila na ako ang dahilan kung bakit inatake si Lolo. Galit na galit sila sa akin. Nakita mo naman ang tingin nila sa akin kanina. T-They couldn’t stand the sight of me.”
Bumuntong-hininga ang binata. “Kakausapin ko sila. I am sure they will see reason.”
Umiling siya at basa ang mga mata nang tumingala dito. “I appreciate it, Francois. But I don’t think your charm will work on them this time. Nasaktan ko ang mga kapatid ko at naiintindihan ko sila.”
“Pero di kita pwedeng hayaan na nasasaktan.”
“Ilayo mo na lang ako dito. Please. Wala nang natitira sa akin dito sa Sagada. Wala na.”