Chapter BH: Amira 131

“Amira, kanina pa tumatawag si Brynette sa iyo. Hindi mo daw sinasagot ang phone mo. I-check mo daw ang design ng Skyland Palace at ng Cloud Nine Garden para maipabago pa nila kung ayaw mo.”

Hindi pinansin ni Amira ang sinasabi ng kasintahan at nakahiga lang sa rug sa tabi ng fireplace habang nakatitiig sa apoy. Dalawang araw na siya sa Baguio. Nang iwan nila ni Francois ang Sagada ay tumuloy siya sa bahay nito sa Baguio. Di na siya lumabas ng bahay nito. Ni hindi siya lumalabas ng kuwarto. Wala siyang ganang kumain. Wala siyang ganang magtrabaho.

Naramdaman niya si Francois na umupo sa likuran niya at hinawakan ang balikat niya. “Amira, narinig mo ba ang sinabi ko? Kailangan mong tingnan ang design. Dalawang linggo na lang bago ang presentation mo. You have to polish everything. Being the perfectionist that you are, you must approve the designs.”

“Bahala na sila. Sila na lang ang magdesisyon sa design.”

Francois let out a sigh. “Amira, you can’t just do this. Importante ang project na ito sa iyo. You can’t just leave it hanging. So much is at stake here.”

Bumangon siya at hinarap ang nobyo. “Anong gagawin ko? Kahit naman magpakahirap ako, di ko makukuha ang boto ng board at ng mga kapatid ko. They will just set it aside. Kahit na gaano pa kaganda, walang kwenta para sa kanila. Nagsasayang lang ng pagod ang lahat. Hindi naman nila ako paniniwalaan sa project ko gaya nang di rin nila ako paniniwalaan nang sabihin ko na wala akong intesyon na saktan si Lolo Alfonso. Na di ko gustong atakihin siya sa puso.”

“Amira, don’t be like that. Nandito pa ako para sa iyo. Magkakampi tayo.”

“I am sorry,” nasabi lang niya sa nobyo at muli itong tinalikuran.

She lost the fight in her. Kukunin na lang niya ang Kanayama sa ibang paraan. But she was finished with Banal Mining Corporation. Sa simula pa lang, alam naman niyang palpak na ang lahat. Na walang mararating ang sakripisyong ito. Di siya magiging credible lalo na ngayon. Kaaway ang tingin sa kaniya ng lahat. Worse, she was a murderer. Hindi nga naman siya makukulong pero pakiramdam niya ay nasintensiyahan na siya ng reclusion perpetua o habambuhay na pagkakabilanggo. The real prisoners get pardoned. She had none.

“Sir Aklay, may bisita po si Ma’am Amira,” anang si Manang Conching.

“She’s here,” nausal ng nobyo.

“Sino?” nakakunot ang noo niyang tanong at tumayo. Wala siya sa mood na humarap sa kahit sinong bisita ngayon.

She was ready to bolt back to her room when she saw a familiar woman at the periphery of her vision. “Amira…”

Nakalimutan na niya ang pagtakas nang makitang ang inang si Himaya ang kasama si Manang Conching. “N-Nanay!”

Tumakbo siya palapit dito at mahigpit na yumakap. Pakiramdam niya ay nagkaroon siya ng bagong kakampi. Akala niya ay naubos na ang luha niya pero napaiyak siyang muli nang maramdaman ang init ng yakap ng ina. That was what she needed.

Umupo sila sa sofa pero di pa rin niya binibitiwan ang pagkakayakap sa ina. “Kumuha agad ako ng flight palabas ng Laos nang malaman ko ang nangyari. Kinailangan ko lang mag-delegate ng task sa mga maiiwan ko kaya ngayon lang ako nakarating.”

“Nag-abala pa po kayo para sa akin, Nanay.”

“Anong nag-abala? Alam mo naman na iiwan ko ang lahat para sa iyo.” Hinawakan siya nito sa magkabilang pisngi. “Ano bang ginagawa mo sa sarili mo, anak?” malungkot na tanong nito nang pagmasdan siya. “Sabi ni Francois ayaw mo nang asikasuhin ang special project mo. Akala ko ba importante ito para sa iyo at para sa Kanayama?”

“Di pa man po ako lumalaban talo na ako, Nanay. Alam na po ng mga kapatid ko na ako ang dahilan kung bakit inatake sa puso si Lolo Alfonso. Kaya kahit na gaano pa kaganda ang presentation o ang intensyon ko, tiyak ko na kakampi sila kay Aunt Carrie. Hindi na gugustuhin ng mga kapatid ko na mapunta sa akin ang mana ni Lolo. Ayaw na nilang maging kapatid ako.”

Pinunasan ng palad nito ang luha niya. Parang bata siya na pinatatahan nito. And at that moment, she felt helpless like a child. “Anak, hindi naman ganyan ang pagkakakilala ko sa iyo. Wala pa ang totoong laban ay umuurong ka na. Hindi ba di naman kita pinalaking talunan? Ang tunay na panalo, hindi natatakot na lumaban kahit na alam niyang talo siya. Ipaglalaban niya ang alam niyang tama. At hindi ko ito sinasabi dahil gusto kong protektahan lang ang Kanayama o makuha mo ang kayamanan ng lolo mo. Ito ang pinakamalaking laban sa buhay mo, anak. Oo, pwede mo ngang talikuran na lang ang labang ito at bumalik sa normal mong buhay. Pwede mong ipaglaban ang Kanayama sa ibang paraan. Pero kung tatalikod ka sa labang ito, sigurado ako na pagsisisihan mo ito buong buhay mo.”

“Pero Nanay…”

Magaan nitong tinapik ang pisngi niya. “Gusto mong mabawi ang mga kapatid mo, hindi ba? Then fight for them. Ipakita mo sa kanila na lalaban ka para sa pagkatao mo. Ipakita mo sa kanila ang lahat ng paghihirap mo. You are also a Banal, Amira. Claim it. Kunin mo ang dapat na para sa iyo.”

“Ayaw ninyong maging isang Banal ako. Gusto nga po ninyo matapos ito, kalimutan ko na ang lahat,” sabi niya.

“Oo. Nasabi ko iyon dahil natatakot akong maging Banal ka at kalimutan mo na ako. Pero hindi mo gagawin iyon. You are your own person. At kahit bali-baligtarin ko ang mundo, anak ka ni Alfie. Kunin mo ang dapat na para sa iyo. Hindi ang kayamanan. Hindi ang pera. Isa ka sa walong anak ni Alfie.”

“At kayamanan ko po ang mga kapatid ko.”

“Exactly. Huwag mo silang susukuan,” anang si Himaya sa matapang na boses.

Muli niyang niyakap ang ina. “Nanay, salamat po dahil nandito kayo.”

Kahit paano ay gumaan ang loob niya. Trust her mother to make everything alright. Lagi niyang nagagawa ang imposible basta kasama niya ang nanay niya. At ngayon ay nagkaroon na siya ng lakas ng loob para harapin ang mga pagsubok. She would have the mindset of a winner. Di niya sasayangin ang pinagpaguran niya sa loob ng anim na buwan. Lalaban siya.

“Tita Himaya, kumain po muna kayo,” yaya ni Francois dito. “Amira, sabayan mo na rin si Tita. Ilang araw ka nang walang ganang kumain.”

“Amira…” anang nanay niya sa may babalang tono.

“Kakain na po,” aniya at susukot-sukot na tumayo. Wala naman siyang magagawa pagdating sa nanay niya. Kahit malaki na siya ay kukurutin pa rin siya nito sa singit kapag nalamang nagpalipas siya ng gutom.

“I believe we haven’t been formally introduced,” anang si Francois sa ina.

“Yes. Not as my daughter’s boyfriend. Mukha namang may taste ang anak ko,” nakingiting sabi ni Himaya.

Inilahad ni Francois ang palad. “I am Francois La-Croix-Mosqueda. Pero mas kilala po ako bilang Aklay.”

“That is his Igorot name. Pero Chef Aklay po ang tawag sa kanya ng lahat,” pagmamalaki naman ni Amira. “Naku, Nanay! Oras na para matikman ninyo ang luto niya. Tiyak na pipikutin ninyo siya para sa akin.”

“Alam ko na po ngayon kung saan namana ni Amira ang kagandahan niya,” anang si Francois at pinakawalan ang pamatay nitong ngiti. He was charming her mother, alright.

Subalit nakatigagal lang si Himaya sa nobyo niya habang kinakamayan ito. Di niya alam kung natulala ito sa kaguwapuhan ng nobyo o natulala sa pambobola ng binata. “Y-You are a Mosqueda. And your mother is…?”

“Liezl La Croix. She’s French. Namatay po siya four years ago.”

Nahigit ni Himaya ang hininga at nasapo ang dibdib. “Oh! A-Ama mo ba si Romualdo Mosqueda?”

“Kilala po ninyo si Papa?” tanong ni Francois. “Magkaibigan po ba kayo?”

“N-No. No. Naiku-kwento lang sa akin ni Caridad noon. Si Romualdo Mosqueda ang first love niya. K-Kaso nagpunta ang ama mo sa France at pagbalik ay kasal na sa nanay mo…”

Nahigit ni Amira ang hininga. Si Romualdo Mosqueda ang lalaking tinutukoy ni Caridad noong malasing ito.

Nang bumalik siya dito, kasama na niya ang asawa at anak niya. Hindi na niya ako nahintay at ang masakit pa ay mahal na mahal niya ang babaeng iyon. Durog na durog ang puso ko. Nangarap ako dahil sa kanya pero binigo lang niya ako. Kaya naman nagsikap ako. At sa huli ay nagbayad sila. Naghirap sila. Tiniyak ko na maghihirap sila at sa huli ay magmamakaawa sila sa akin. Tiniyak ko rin na nagbayad ang babaeng umagaw sa kanya sa akin.

“Si Papa? First love ni Tita Carrie?” tanong ni Francois.

Nagulat na lang siya nang marinig nila ang pagkabasag ng isang bagay sa likuran. Nang lumingon siya ay nakatayo sa likuran nila si Manang Conching. Nakatulala ito at nakakuyom ang dalawang palad na parang hawak pa nito ang pinggan na ngayon ay basag na at nakakalat sa paanan nito.

“Manang Conching!” bulalas ni Francois at dali-dali itong dinaluhan. Inilayo nito ang matandang babae sa mga nagkalat na bubog.

Si Amira naman ay dali-daling kumuha ng walis at dustpan habang si Himaya naman ay pinulot ang malalaking piraso ng nagkabasag na plato.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.