“Ano pong nangyari? Parang nakakita kayo ng multo,” anang si Francois.
“A-Alam din niya. Alam din niya ang tungkol sa kay Sir Romualdo at Ma’am Carrie. B-Bata pa ako noon kaya alam ko ang tungkol doon. K-Kasama akong naglilinis ng dati ninyong ancestral house si Ma’am Carrie. Ang totoo ay malayong kamag-anak ko siya. N-Nakikita ko kung paano siya kinikilig kapag nagkukwento tungkol sa pag-uusap nila ni Sir Romualdo,” anito sa nanginginig na boses.
“Nagkaroon ba sila ng relasyon noon?” tanong ni Amira.
Umiling ang babae. “E-Ewan ko po. Sabi ni Ma’am Carrie. Pero parang mabait lang si Sir Romualdo sa kanya dahil alam naman ng lahat na may nobya si Sir Romualdo sa France. Pero ayaw maniwala ni Ma’am Carrie noon. Kaya sobrang bigo siya nang umuwi sa Pilipinas si Sir kasama ang asawa at anak nila.”
“Ngayon ba may relasyon sila?” maingat na tanong ni Amira.
“Hindi ko po alam. Ako ang tagalinis sa bahay nila Sir Romualdo noon. Kapag nalalasing si Sir mula nang mamatay si Ma’am Liezl lagi pong si Ma’am Carrie ang nag-aasikaso at ako. E nang minsan pong malasing si Sir nakita ko po na magkayakap sila. Sabi ni Ma’am Carrie mahal na mahal daw po niya si Sir. Nagpanggap na lang po ako na walang nakita. Ayoko po kasi ng gulo.”
Naging matiim ang anyo ni Francois. His mood was starting to darken. “Ano pang alam mo?”
“W-Wala na pong masyado. Basta po ang alam ko nang malasing si Sir Romualdo minsan, nagpunta po doon si Ma’am Carrie para asikasuhin ulit siya. Nang magtanong po si Sir Alfie, nasabi ko po na sa bahay ninyo. Ayun po! Pagbalik ni Sir Alfie mukhang gulong-gulo ang isip niya. Nagpalaam lang po siya kay Don Alfonso. Hahanapin daw po niya ang isang anak niya. Umalis po siya kahit na disoras ng gabi. Doon na po siya nadisgrasya.”
Nanlambot siya lalo na nang makita niya ang madilim na anyo ni Francois habang kuyom ang palad. Bigla nitong binayo ang kahoy na dingding. “Damn them! They were having an affair! Kaibigan siya ng nanay ko.”
“Francois!” aniya at mabilis na hinawakan ang kamay ng binata na nasaktan sa pagbayo nito. “Please. Huwag mong sasaktan ang sarili mo. Hindi tayo sigurado. Hindi natin alam ang buong pangyayari.”
“Pero kaibigan siya ng nanay ko. Paano niyang nagawang sabihin na mahal niya si Papa?” angil ng binata. “Akala ko dinadamayan lang niya. Tapos si Mama pa ang pagbibintangan ni Papa na may ibang babae. Akala ko mabuti sa amin si Tita Carrie. Dinamayan niya kami at tinulungang makabangon sa negosyo si Papa. She helped me with her studies then this?”
“Hindi ako makapaniwala na gagawin iyon ni Caridad,” anang si Himaya na shock na shock rin ang anyo. “Nasa kanya na si Alfie. Siya na ang pinakasalan. Ano pa ba ang gusto niya?”
“Baka hindi niya totoong mahal si Papa. Kung nasasabi pa niyang mahal niya si Tito Romualdo…” Kumunot ang noo niya. “Francois, may naalala ako nang malasing si Aunt Carrie. Sabi niya ay pagbabayarin niya ang pamilya ng lalaking minahal niya. Napagbayad na daw niya ang babae. And she would make sure that the man would beg as well.”
Umiling si Francois. “H-Hindi ko maintindihan.”
“Hindi kaya may kinalaman si Aunt Carrie kung bakit inisip ni Tito Romualdo na may ibang lalaki ang mama mo? And that woman in the picture, paano kung si Aunt Carrie din ang may kagagawan kung bakit may picture ang papa mo kasama ang ibang babae. Pain lang niya para sirain sila ng mama mo.”
Humalukipkip ang binata. “Paano mo naman nasabi na wala talagang ibang babae si Papa?”
“Nagkausap kami. Nakita ko sa mukha niya na mahal niya ang mama mo. I could be wrong. Pero sa nangyayari ngayon na kasali na si Aunt Carrie sa equation, kahit ano ay posible. She is a very vindictive woman. Baka nga dapat mo ring pag-aralan dahil baka pati ang pagkalugi ng negosyo ng pamilya ninyo may kinalaman din siya,” hinuha niya.
“Pero tinulungan naman niya kami na umangat ulit,” anang binata.
“Dahil ganoon siya. Sarili niyang magulang pinaluhod niya sa harapan niya nang walang-wala siya,” sabi niya.
“Amira, saan mo naman nakuha iyan?” nagtatakang tanong ni Himaya. “Gagawin iyon ni Caridad sa sarili niyang mga magulang? Why?”
Nagpalakad-lakad siya habang hawak ang sariling baba. “I know this may sound absurd. Narinig ko lang iyon nang malasing si Aunt Carrie at ako ang nag-asikaso sa kanya. Noong una inisip ko lang na lasing siya kaya niya nasasabi ang mga iyon. Pero ngayong nakumpirma ko na totoo ang lahat ng iyon, ibig sabihin posible niyang gawin ang kahit na ano. She even apologized to me. Ayaw daw niyang sirain ang pagkakaibigan ninyo ni Papa at ayaw din daw niyang mawalan ako ng ama. Pero nang mga panahon na iyon, si Papa lang ang paraan niya para mapaluhod niya ang lahat ng umapi sa kanya dati.”
“Pati ang nanay ko na walang ginawa kundi ituring siyang kaibigan?” anang si Francois sa mapait na tono. “Hindi ko siya mapapatawad kapag nalaman ko na siya ang sumira sa pamilya ko. I will crush her.”
“Francois,” aniya at ginagap ang nakakuyom na kamao ng nobyo. Hinalikan niya iyon. “Huwag kang magpapakalunod sa galit mo. Malalaman din natin ang totoo. We will fix this. Please. Alam mo na kailangan kita ngayon. You need to be sane for me.”
Umamo ang mukha nito at bahagya itong kumalma. “I am sorry. Hindi ko lang matanggap ang mga natutuklasan ko ngayon. Masyadong masakit.”
“E, Ma’am Amira, hindi lang naman po iyon ang dapat ninyong malaman.” Pinagsalikop ni Manang Conching ang mga kamay at pinisil-pisil iyon. “Pwede ko na po sigurong sabihin na wala naman talaga kayong kasalanan sa pagkamatay ni Don Alfonso.”
“Pero inatake siya matapos ang interview ko sa radyo. Kasalanan ko iyon,” pag-ako ni Amira.
Umiling ito. “Nandoon po ako sa labas ng library. Tapos na po ang interview ninyo sa radyo at ako po ang inutusan niya para ipatawag si Ma’am Carrie. Galit na galit po siya noon. Tapos narinig ko po na pinapagalitan niya si Ma’am Carrie. Hindi daw po kasi kayo magagalit sa kay Don Alfonso at di kayo lalaki na kinamumuhian ang mga Banal kung sinabi po ni Ma’am Carrie kay Sir Alfie ang tungkol sa inyo.”
Nahigit ni Amira ang hininga. “A-Alam ni Lolo na naglihim si Aunt Carrie tungkol sa pagkatao ko?”
Marahang tumango si Manang Conching at maluha-luha ito. “Tapos narinig ko na lang po na basta na lang bumagsak si Don Alfonso. Doon ko na po naririnig na nagsisigaw si Ma’am Carrie at kailangan daw po ng tulong.”
“H-Hindi ko kasalanan ang nangyari? H-Hindi ako ang dahilan kung bakit inatake si Lolo Alfonso?”
Umiling si Manang Conching. “Hindi po. Malakas pa po si Don Alfonso matapos mapakinggan ang interview ninyo. Si Ma’am Carrie po talaga ang may kasalanan ng lahat. Siya po ang gumalit sa lolo ninyo.”
“H-Hindi ako mamamatay tao,” usal ni Amira at napapikit nang mariin. Nawala ang mabigat na bato na nakadagan sa dibdib niya. She felt liberated. Wala siyang kasalan.
“Si Caridad ang may kasalanan ng lahat,” angil ni Himaya at ipinadyak ang paa. “Ako na. Ako na lang ang bubura sa mukha ng babaeng iyon. Ang lakas ng loob niya na pagbintangang mamamatay-tao ang anak ko samantalang siya naman pala ang may kasalanan ng lahat. Siyempre nga naman itatago niya ang totoo kung hindi ay siya ang malilintikan. Wala na talaga siyang ginawang mabuti.”
Niyakap ni Amira ang ina. “Nanay, she’s not worth it.”
“Natitiis ko ‘yung pagtatago niya kay Alfie sa katotohanan. Nagawa kitang buhayin mag-isa sa loob ng mahabang panahon. Pero para pagbintangan ka na mamamatay-tao? Di ko mapapalampas iyon.”
“Amira, dapat siguro ay sabihin mo sa mga kapatid mo ang totoo. Nandito naman si Manang Conching para maging witness mo,” sabi ni Francois.
Malungkot na umiling si Amira. “Kahit na linisin ko pa ang pangalan ko sa kanila, di sila maniniwala sa akin. Nalason na ni Aunt Carrie ang isipan niya. Alam ko naman na hinintay niya para magamit niya ang huling alas niya sa akin sa pinakamasakit na paraan. My name is already tainted.”
“Hindi ko na po alam kung paano pa kayo matutulungan, Ma’am,” anang si Manang Conching na na-depress lalo. “Sana po noon ko pa sinabi para di na maging ganito kagulo ang lahat.”
“Huli na para magsisi pa tayo,” anang si Himaya. “Kung hindi ninyo gusto na sampalin at sabunutan ko siya kahit minsan, kailangan natin siyang matalo sa ibang paraan. Kung ako ang tatanungin, gusto kong matiyak na wala siyang makukuha na kahit isang kusing sa kayamanan na dapat ay para sa anak ko. That is a fitting punishment for a vicious woman like her.”
“Amira, tama naman si Tita Himaya. Kailangang mag-present ka pa rin sa board para sa special project mo. Di lang dahil gusto kong matalo mo si Tita Carrie kundi dahil naniniwala ako sa ganda ng project mo. Pinaghirapan natin iyon,” sabi ni Francois at hinawakan ang balikat niya. “Ito na ang pag-asa mo na patunayan ang sarili mo sa lahat. Ito na ang pagkakataon para buuin mo ang pagkatao mo.”
Iginala niya ang mata sa mga kasama. Determinado ang anyo ng bawat isa sa mga ito. Nasa kamay niya ang tagumpay basta hindi niya susukuan. Hindi ito ang oras para sumuko siya. “Francois, pwede bang tawagan mo si Brynette at ang mga staff mo? Sabihin mo na kailangan nilang maghanda dahil mag-o-overnight kami.”
“Pwede kayong magtrabaho dito,” alok ni Francois. “May library naman ako at sapat na ang space para makagalaw kayo. May white board din ako kung kailangan ninyong mag-brainstorming. I will even cook for you.”
“Amira, I can be your adviser. Iyon ay kung papayagan mo ako na ma-involve sa project ninyo,” alok ng ina.
“Siyempre naman po,” aniya at niyakap ito.
Ginagap naman niya ang kamay ni Francois na nakatayo sa likuran ng ina. He was smiling with so much love in his eyes. “Thank you,” buka ng bibig niya.
“I love you,” sabi naman nito.
At ang pagmamahal na iyon ang dahilan kung bakit handa siyang lumaban. Wala na siyang balak na umurong. Laban kung laban. Hindi na niya hahayaan pa na talunin ni Caridad sa marumi nitong laro.