Chapter BH: Amira 135

Biglang dumilat ang mata ni Amira nang marinig ang sagot ng kapatid. Tama na ang narinig niya? Bumoto ang lahat ng kapatid niya para sa proposal niya. Parang hindi totoo. Pumalakpak si Mrs. Fulgencio sa tuwa. Nang tingnan niya ang mga kapatid niya ay pawang nakangiti ang mga ito sa direksyon niya.

“A-Anong boto nila?” naguguluhan niyang tanong at tiningala si Francois.

“They voted for you,” anang nobyo niya na nakita niyang ngumiti nang totoo sa unang pagkakataon sa araw na iyon.

Namamanhid ang mukha niya dahil di siya makapaniwala sa nangyayari. Ibinoto siya ng mga kapatid niya kahit na alam ng mga ito na siya ang dahilan kung bakit inatake sa puso ang lolo nila. Ano kayang nakain ng mga ito at ibinoto siya? Di naman siguro ito pinakain ni Francois ng cake na may gayuma kaya nagsiboto sa kanya.

“Good job, Amira,” sabi ni Yumi sa kanya. “Susuportahan ka namin dito.”

“Di ko masyadong naintindihan ang mga sinasabi mo kasi English ang iba pero maganda naman ang droweng,” anang si Berry at pinagmasdan pa ang plano para sa park. “Oha! Oha! Saka maraming kainan. Di ako magugutom diyan.”

“Okay. Aaminin ko nang maganda nang slight ang project mo saka kikita ako ng pera nang tuloy-tuloy,” anang si Ailene na kunyari ay napipilitan lang sa pagsang-ayon sa project niya.

“Ikaw kaya ang unang um-oo,” sabi ni Sky at siniko ito.

“Shhh!” saway naman ni Ailene dito. Nagtawanan sina Vera Mae at Mabel saka ngumiti sa direksyon niya.

Kahit na malayo siya sa upuan ng mga kapatid niya, naramdaman niya na bumukas ulit ang pintuan ng puso ng mga ito para sa kanya. Parang bumalik na naman sila sa dati. Akala mo ay walang nangyaring gulo sa pagitan nila. Kung pwede lang sayang yakapin ang mga ito nang mga oras na iyon para ipaabot sa kanya ang pasasalamat niya.

“No! You can’t do this! How dare you ruin the memory of your grandfather? Nagawa pa rin ninyong paboran si Amira?” angil ni Caridad at binayo ang mesa. She lost her grace and was like a wild woman. Ngayon lang nila ito nakitang umakto na parang wala sa sarili. “Baka nakakalimutan na ninyo kung anong ginawa niya sa lolo ninyo?”

“This is nothing personal, Aunt Carrie. Business ang pinag-uusapan natin dito. And Amira’s proposal is a brilliant project that we can’t afford to pass up,” kaswal na sabi ni Vera Mae.

“At hindi po namin sinisira ang alaala ni Lolo. Ganitong klaseng project ang gugustuhin ni Lolo Alfonso na maging alaala ng kompanyang itinayo niya. His legacy. And Amira is a part of his legacy. Kung nandito siya, tiyak po na magiging proud siya kay Amira gaya nang pagka-proud namin sa kanya ngayon,” sabi ni Mabel na nakita niyang mukhang handang lumaban kahit madalas ay kimi ito at tahimik.

“Ante, ipaliwanag nga po ninyo kung bakit ayaw ninyo sa gawa ni Amira,” sabi ni Berry. “Kulang ba ng kainan? Dapat ba may parlor?”

“Shut up! Akala ko nagkakaintindihan na tayo na walang mabuting idudulot sa Banal Mining si Amira. Wala siyang mabuting idudulot sa pamilya natin,” angil ni Caridad at matalim na tiningnan ang mga kapatid niya. “Siya ang dahilan kung bakit inatake ang lolo ninyo. Nakalimutan na ba ninyo?”

“I am sure hindi iyon sinasadya ni Amira,” anang si Yumi na tuwid ang tingin.

“Pinapatawad ko na siya. At ang pagkakatanda ko, humingi din siya ng tawad kay Lolo bago namatay si Lolo. At kahit pa, walang kinalaman iyon sa project niya.”

“You can’t just forgive her!” tungayaw ni Caridad. “No!”

Tinaasan niya ng kilay ang madrasta. “Aunt Carrie, ano naman ang masama kung patawarin nila ako? After all, hindi naman talaga ako ang may kasalanan kung bakit inatake si Lolo. According to my witness, malakas pa si Lolo matapos ang interview ko sa radio station. Nagalit lang siya nang magkausap kayo dahil may isa yatang importanteng sekreto ka na itinago sa kanya sa loob ng dalawampu’t tatlong taon. At iyon ang dahilan kung bakit inatake sa puso si Lolo.”

Namutla ang babae habang nanlalaki ang matang nakatitig sa kanya. “Huwag kang umimbento ng kwento. Huwag mo akong baligtarin. You…”

“Everyone, calm down,” saway ni Romualdo na madilim na ang anyo. Hinawakan nito ang braso ni Caridad at pilit na pinaupo. “Carrie, hindi pa tapos ang botohan. You can continue your family issues after the meeting. Shall we proceed?”

Huminga ng malalim si Caridad at inayos ang buhok nito na di naman nagulo. “Yes. Proceed.” Saka ito uminom ng tubig.

“Mrs. Banal, your vote please,” anang taga-tally ng vote.

“I am voting for the Kanayama exploration. Gusto kong matiyak na makukuha natin ang kahuli-hulihang gold ore sa lupain na iyon. Wala tayong ititira,” anito sa malambing na boses at ngumiti na pa na parang hindi kaahindik-hindik ang suhestiyon nito at walang mga buhay na maaapektuhan.

Bumukas ang pinto ng conference room. “I am afraid that vote is null and void,” anang si Attorney Ferrer at inayos ang lapel ng suit nito. Parang bahagya pa itong hinihingal sa pagsasalita dahil mukhang tumakbo ito para makahabol lang sa meeting. “Wala nang karapatan si Mrs. Banal na i-represent ang boto ng asawa niyang si Alfonso Banal Junior.”

“You can’t do that! I will represent my husband while he is indisposed.”

“Not anymore, dear wife,” anang lalaki na kasunod na pumasok ni Attorney Ferrer sa conference room. “I am here.”

Nahigit ni Amira ang hininga nang makilala ang lalaki. Walang iba kundi si Alfonso Banal Junior.

“PAPA!” narinig ni Amira na tawag dito nina Yumi at Vera Mae.

“Gising na si Papa,” anang si Eira.

Marami pa siyang naririnig na nagsasalimbayang boses pero di makagalaw si Amira sa kinauupuan niya. Nakatitig lang si Amira sa ama niyang may isang taon din na nahimlay sa pagkaka-comatose at ngayon ay gising na. Mas may kulay na ang mukha nito di tulad dati na medyo maputla. He was wearing a blue grey business suit. Sa kabila ng matagal na pagkakahimlay ay naroon pa rin ang tikas ng pangangatawan nito. Mabagal ang lakad nito subalit inaalalayan ng isang nurse. He could use his legs. Mukhang normal ito at akala mo ay nakatulog lang nang mahimbing at walang gaanong pinsalang natamo mula sa pagkaka-comatose.

Iba pala ang pakiramdam na nasa harap niya ito ngayon, nakakalakad, nakakapagsalita, pwede na niyang makausap. At ang boses nito ay katulad ng boses na narinig niya noong inakala niyang magigising ito. Ganoon na ganoon.

Nakadama siya ng saya sa puso niya at pagkasabik sa halip na galit sa lalaking pinasakitan ang maraming tao – una na sila ng kanyang inang si Himaya. Wala siyang madamang pagkamuhi dito kahit katiting. She was just relieved. Parang gusto niyang lapitan ito at yakapin gaya ng ginawa ng mga kapatid niya. Hindi siya makagalaw sa kinauupuan.

“Papa, masaya po kami na gising ka na,” anang si Eira na mahigpit ang yakap dito. “Ako po si Eira. Ako po ang anak ninyo kay…”

“Alam ko. Alam ko kung sino ka,” anang si Alfie at hinaplos ang buhok ni Eira. Pinaligiran ito ng iba pa niyang kapatid at masaya nitong pinagmasdan. “Kilala ko kayong lahat. Alam ko ang mga pangalan ninyo.” May inapuhap ang mata ng ama niya at tumigil sa kanya. Ibinuka nito ang kamay. “Amira, hindi mo ba ako yayakapin?”

Bumuka ang bibig niya. Di niya alam kung anong isasagot dito. “Amira, go. Pagbigyan mo na si Tito Alfie,” pag-encourage sa kanya ni Francois.

Marahan siyang tumayo para lapitan ang ama. May ama na siya sa wakas. Isang ama na noong bata pa siya ay lagi niyang hinihiling at hinahanap-hanap. Isang yakap lang. Isang yakap lang kahit na di niya alam kung magiging kakampi ba niya ito o kaaway.

Ilang hakbang na lang siya sa nakabukang bisig ng ama nang maunahan na siya ni Caridad na yumakap dito. “Alfie! Alfie, masaya ako na gumising ka na sa wakas. Kung alam mo lang kung paano ko ipinagdasal na gumising ka para magkasama ulit tayo. I miss you, love.”

“Love? Mahal mo ako?” tanong ni Alfie na parang hindi kapani-paniwala ang sinasabi ng madrasta.

“Of course. Kung alam mo lang na halos mabaliw-baliw ako nang sinabi ng mga doktor na hindi daw nila alam kung kailan ka gigising. Dininig sa wakas ng Diyos ang panalangin ko na gumaling ka. Pinilit kong magpakatatag para sa iyo. Dahil umaasa ako na mangyayari ito,” naluluhang sabi ng madrasta at isinubsob ang mukha sa dibdib ng ama niya. “I am so happy that you are okay.”

“Bakit gusto mo akong magising? Para makagawa ako ng testamento ko kung saan ikaw ang pinapangalanan ko na tagapagmana ko?” nakangising tanong ni Alfie dito. “Of course, kung mamamatay ako, wala kang mamanahin kahit na isang kusing.”

Nahigit ni Caridad ang hininga at gimbal na tiningala ang asawa. “A-Alfie, ano ba ang sinasabi mo? You must have addled your brain while on coma. O baka nakalimutan mo na pinakasalan kita dahil mahal kita at hindi dahil sa pera mo? Kaya nga pumayag ako sa pumirma sa pre-nuptial agreement bago tayo magpakasal noon, di ba?”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.