Nang sa wakas ay sumara ang pinto ng boardroom ay kanya-kanyang upo ang lahat paikot sa conference table. Inakay ni Francois si Amira sa upuan. Saka lang niya naramdaman na nanlalambot ang tuhod niya nang sa wakas ay makaupo na siya. Hinawakan niya ang kamay ni Eira. May takot sa mga mata nito at nanlalamig ang mga kamay. Natatakot din siya pero kailangan din niyang lakasan ang loob dahil gusto niyang protektahan ang kapatid sa gulong ito.
Nanatiling nakatayo sina Romualdo at Caridad. They looked like a united front. Handang ipagtanggol si Caridad mula sa ama niya.
Nanlulumong napaluhod ang madrasta niya sa sahig ng conference room at humagulgol ng iyak. Animo’y isa itong manyikang basahan na isinantabi na lang. “Why are you doing this, Alfie? Why are you ruining me? Akala ko mahal mo ako. Sa loob nang mahigit dalawampung taon ay naging mabuting asawa ako sa iyo.”
“Bawiin mo ang sinabi mo, Alfie. Hindi masamang babae si Caridad,” anang ama ni Francois sa mabigat na boses. “Sabihin mo na gawa-gawa mo lang ang lahat. Wala kaming relasyon. Walang nangyari sa amin nang gabing iyon. Baka iba talaga ang naalala mo. Nakalimutan mong nasa coma ka.”
Pumalatak si Alfie. “You are defending my wife’s virtue? How gallant. Hindi siya masamang babae? Hindi siya marunong magsinungaling? Mukhang wala kang alam kung ganoon. Baka isa ka rin sa mga hangal na napaikot niya. Gusto mo bang isa-isahin ko ang mga kasalanan niya?”
Tumayo ang ama niya at naglakad paikot sa madrasta niya. “Una, alam ni Carrie kung sino ako sa simula pa lang. Nagpanggap siya na hindi niya alam na ako si Alfie Banal, anak ng isang bilyonaryo. Kunyari minahal niya ako bilang isang palaboy na walang patutunguhan ang buhay. Inayos niya ako. She gave a new meaning to my life. In-encourage niya ako na bumalik sa mga magulang ko. Oh! She even feigned innocence when I brought her to Banal Mansion for the first time. Nakuha niya ang loob ng mga magulang ko nang sa wakas ay pumirma siya ng pre-nuptial agreement at saka sila pumayag na magpakasal sa akin. Pero sa simula pa lang ay alam na niya kung sino ako.
“Hindi ko alam na siya pala ang matalik na kaibigan ng ina ni Amira na si Himaya. At dapat ay hahanapin niya ako para sabihin sa akin na hinahanap ako ni Himaya at may anak kami. Pero anong ginawa niya? Sa halip na sabihin niya sa akin ang totoo na kailangan ako ng mag-ina ko, nagkunwari siyang noon lang kami nagkakilala. She made me fall for her.”
Her father’s words were laced with venom. Bakas din doon ang sakit. At hindi marahil masakit na isa-isahin ang mga kasalanan na
Humikbi ang madrasta niya na parang aping-api. “Nagawa ko lang iyon dahil mahal kita.”
“Mahal? Nang mahalin kita, wala akong itinago sa iyo. Alam mo ang lahat at akala ko ay tinanggap mo ako nang buong-buo. Itinago mo sa akin ang anak ko. She ended up hating me and my family. Kaya natuto siyang labanan ang pagiging Banal niya. At dahil sa iyo, kaya inatake sa puso si Papa.”
Natigilan sa pag-iyak si Caridad. Nanlisik ang mga mata nito at dahan-dahang tumayo. “Ako? Ako pa ang sinisisi mo kung bakit inatake sa puso si Papa? Ako ang nag-alaga sa kanya mula nang malaman kong magkasakit siya. Si Amira ang may kasalanan. Siya ang pumasok sa buhay namin at nanggulo. Huwag mo akong pinagbibintangan ng kung anu-ano, Alfie.”
“Attorney, pwede bang ipakita sa kanila ang presentation natin?” kaswal na tanong ni Alfie na mukhang kontrolado na ang emosyon at sitwasyon.
Ipinakita doon ang video ni Don Alfonso sa loob ng library na nagsisilbing opisina nito. Naririnig sa video ang boses ni Amira habang ini-interview siya sa radio station. Her grandfather had an intent look on his face.
“Paanong…” anang si Caridad na nanlaki ang mata nang makita ang video. Bigla nitong isinara ang bibig nito.
“I got lucky to retrieve this file. For some reason, nawala ang original CCTV na kuha sa library nang mga oras bago atakihin sa puso si Papa.”
Iniwas ni Caridad ang mata. “Wala akong kinalaman doon. Baka may problema sa system ng CCTV o sa security.”
“If you want to put it that way. Good thing, Papa installed a backup CCTV with higher resolution and could capture sounds as well. Kaya kahit na mawala ang files para sa isang CCTV ay may isa pa.”
“Carrie,” anang si Romualdo at inalalayan ito para umupo sa isang bakanteng swivel chair. “Wala kang dapat ipag-alala kung wala kang kasalanan.”
“Wala akong kasalanan,” taas-noong sabi ng babae. “See? Narinig ni Papa ang interview ni Amira sa radio station kaya siya inatake sa puso.”
Subalit walang atake sa puso na nangyari. Bago matapos ang interview ay tumawag pa si Don Alfonso sa Vice President for Operations na si Mr. Kalaw. “I want to hold the operation of Banal Mining in Sagada. I want to do this for my granddaughter. Ipinangako ko sa kanya iyon. Pag-aralan din ninyo kung anong pwedeng magawa natin para sa mga tauhan kung tuluyang ipapatigil ang operasyon. Yes. Gusto kong mapamahal sa akin ang apo ko. Hindi ako natatakot malugi kung gagawin ko naman iyon para sa apo ko.”
Nahigit ni Amira ang hininga at natutop ng palad ang bibig. Ito ang sagot sa tanong niya kung paanong pansamantalang ipinatigil ang operasyon sa Sagada. Her grandfather did it for her. “Lolo,” aniyang napahikbi.
“Mahal ka niya kahit napaka-manipulative niya,” bulong ni Francois sa kanya at kinintalan siya ng halik sa noo.
“Ibig sabihin malakas pa si Lolo kahit nang matapos ang interview,” usal ni Sky. “Hindi siya galit kay Amira. Ipinatigil pa niya ang operasyon ng minahan.”
“Bakit inatake sa puso si Lolo?” tanong ni Mabel.
Maya maya pa ay nakita sa video na may kausap si Don Alfonso sa intercom at ipinapatawag si Caridad. May inilabas na envelope ang lolo niya mula sa drawer.
Nang pumasok ang madrasta niya ay nagbalita agad ito sa matanda. “Papa, kinakalaban kayo ni Amira. Narinig ba ninyo ang interview niya sa radyo? Sinasadya niyang ipahiya tayo. She hates us.”
“And I can’t blame her. Hindi siya lumaki na isang Banal. Binigyan natin siya ng dahilan na kamuhian ang pamilyang ito. Itinakwil sila ng tribo niya dahil sa kagagawan ni Alfie. Naagapan sana iyon kung sinabi mo agad sa simula pa lang na alam mo na may anak si Alfie kay Himaya Catindig! Itinago mo ang pagkatao ng apo ko. Kasalanan mo kung bakit ayaw niyang maging Banal. Kasalanan mo, Carrie!”
Narinig nila ang impit na iyak ni Caridad at biglang tumayo. “Itigil ninyo ang palabas na iyan. Itigil ninyo,” histerikal na sabi nito at akmang tatakbuhin ang projector para itigil ang palabas subalit huli na dahil nakita na ng lahat kung paanong inatake sa puso si Don Alfonso.
“Lolo,” narinig niyang usal ni Yumi at napahagulgol ng iyak. Maging ang ibang mga kapatid niya ay napaiyak na rin.
Natigilan si Caridad sa paglapit nang makita na nang lahat ang video. “No! No!” umiiling nitong sabi habang umuurong. Saka ito nagtatakbo papunta sa pinto subalit nakasara iyon. Kinalabog ng madrasta niya ang pinto. “Open the door! Open the damn door!”
“Hindi iyan mabubuksan kung wala ang instruction ko, Carrie. Hindi ka makakalabas sa silid na ito hangga’t di pa tayo tapos,” sabi ni Alfie sa may kalakasang boses. He was not a weak man. He was strong and dangerous. Kahit siya ay natatakot dito.
Napasandal si Caridad sa pinto at umiiyak. “Hindi ko sinasadya ang nangyari. Hindi kasalanan.”
“Hindi mo sinasadyang inatake si Papa pero ibinintang mo kay Amira ang kasalanan mo. And my daughter suffered for your lies again.”
“Ginawa ko iyon dahil… natatakot ako na hindi mo na ako mahalin. Kasi mahal na mahal kita.”
“That is another lie! Matapos kitang makita na kayakap ang lalaki mo? Kaya pala madalas mo siyang pinupuntahan. May ginagawa kayong milagro.”
“You mean you saw us having sex?” pagalit na tanong ni Romualdo.
“No. Pero narinig ko na sinabi ni Caridad na mahal ka niya. Huwag mong sabihin na hindi mo iyon alam.”
Nagsalubong ang kilay ng ama ni Romualdo. “Lasing ako noon. Paano ko malalaman? Para sa akin ay kaibigan lang ang turing ko kay Carrie. Mahal ko ang asawa ko.”
Ngumisi si Alfie at tumango-tango. “Friends. Yes. Ibang klaseng kaibigan ang asawa ko. Alam mo ba na siya ang nag-encourage sa akin para tulungan ka sa shares mo? Of course, she used her personal savings and the resources of Banal Foundation just to help you out. Para di mailit ang bahay mo. Para hindi mawala sa iyo ang ibang stocks mo sa negosyo. What a good friend.”
Nanatiling matiim ang anyo ni Romualdo. “Nagpapasalamat ako sa tulong niya at ng pamilya ninyo pero wala akong kinalaman sa mga ginawa niya para sa akin. Hindi ko iniisip na may ibang motibo siya para sa akin at lalong hindi ko pag-iinteresan ang asawa ng kaibigan ko o ng ibang lalaki. Wala akong ibang minahal na babae kundi si Liezl lang hanggang sa mamatay siya.”
“Anong tawag mo sa babaeng ito kung talagang si Mama ang mahal mo, Papa?” tanong ni Francois at inabot dito ang envelope na matagal na itong itinatago.
Nakakunot ang noo ni Romualdo nang tingnan ang mga larawan. “A-Anong ibig sabihin nito? Sekretarya ko lang siya at… wala kaming affair. Kahit naman sa ibang katrabaho niya ay malambing siya. Saan mo nakuha ito?”