May dalang kilabot kay Amira habang naglalakad sa hallway ng mansion na pag-aari ng amang si Alfie sa Baguio. Halos di siya humihinga dahil pawang portrait iyon ng madrastang si Caridad. Paintings lang ang mga iyon pero parang buhay na buhay. Pakiramdam niya ay sumusunod ang mga mata nito sa bawat hakbang niya.
Mula sa opisina ng Banal Mining Corporation sa La Trinidad ay doon sila tumuloy. Iyon ang unang beses niyang tumapak doon pero nakatatak sa bawat bahagi ng bahay ang marka ng madrasta niya. Na kahit na wala ito sa bahay na iyon ay parang kailangan pa rin niyang mag-jngat sa kilos niya. May iniwang trauma sa kanya ang ginawa nito sa kanya at sa pamilya niya. She never thought that she could meet someone as vicious as her stepmother. Hindi siya makapaniwala sa kayang gawin ng isang tao para lang sa pangalan ng kasakiman at paghihiganti.
Nakahinga lang siya ng maluwag nang sa wakas ay makarating siya sa puno ng hagdan. Mula doon ay narinig niya ang halakhakan ng kapatid niya at ang maskuladong tawa ng ama. Nagkukwentuhan ang mga ito sa harap ng fireplace. Ngayon pa lang nakilala ng ama niya ang ilan sa mga kapatid niya pero palagay na agad ang loob nito.
Dahan-dahan siyang bumaba ng hagdan at si Ailene ang unang nakakita sa kanya. “Ano iyan? Dinaig mo na ako sa pagiging fashionably late?”
“S-Sorry. Masyado kasing malaki itong bahay. Naligaw tuloy ako,” aniya nang makarating sa baba.
“Nagkukwentuhan lang kami tungkol sa celebration ng birthday ni Papa na ikaw daw ang nag-organize,” nakangiting sabi ni Alfie.
Maaliwalas na ang anyo ng ama niya na parang kaninang umaga lang ay isang matinding pagtutuos ang kinaharap nito sa madrasta niya pati na rin ang pagtatapos ng dalawampung taong pagsasama ng mga ito bilang mag-asawa. He looked surprisingly well.
Umusod ang mga kapatid niya para makaupo siya sa sofa nang makita niya kung ano ang nasa ulunan. Isa na namang portrait ni Caridad na nakaupo sa damuhan habang nakataas ang baba at akala mo ay isang reyna.
“Huwag kang mag-alala. Ipapatanggal ko na rin ang portrait na iyan. Ipapa-renovate ko ang bahay na ito. Bukas na bukas din ay ie-empake na ang mga gamit ng Aunt Carrie ninyo,” anang ama niya at dumilim ang anyo. Kung sana ay ganoon lang kadaling burahin ang bakas ng madrasta niya.
Hinawakan ni Yumi ang likod ng palad niya. “Amira, pasensiya na kung pinaniwalaan namin si Aunt Carrie at nagalit kami sa iyo. H-Hindi naman kasi namin alam na si Aunt Carrie ang may kagagawan.”
“Huwag ka sanang magalit sa amin, Ate Amira,” malambing na sabi ni Eira at yumakap sa baywang niya.
“Hindi ako galit. Pare-pareho lang naman tayo na inakalang ang radio interview ko ang dahilan kung bakit inatake si Lolo. Salamat din dahil pumabor pa rin kayo sa presentation ko kahit na ang alam ninyo ay kasalanan ko ang nangyari kay Lolo,” aniya at nakangiting tinignan ang mga kapatid niya.
“Hindi ka naman masamang kapatid sa akin. Naalala ko nang ipagtanggol mo ako kay Ailene nang masira ko ang damit niya,” sabi ni Sky.
Tumirik ang mata ni Ailene. “Kahit paano naman natulungan mo ako nang sabihin mo noon na baka may mabigat na dahilan si Marco kaya niya ako iniwan at naglaho na na lang na parang bula.”
“Saka tinulungan mo akong makipagpambuno kay Blondie. Di mo ako pinabayaan sa laban,” sabi ni Berry at nakipag-high five pa sa kanya. “Close na tayo dahil doon at alam ko sa susunod ulit…”
“Mulberry, hindi na kayo makikipag-away ulit ni Amira. At least not in a physical way. There are other ways to settle a war,” paliwanag ni Alfie dito.
“Huwait, Itay! Nosebleed!” nakatingalang sabi ni Berry at tumingala. Nagtawanan tuloy sila sa kakulitan nito.
“Masaya ako dahil kahit di kayo magkakasamang lumaki na magkakapatid ay magkakasundo na kayo ngayon. Ito ang pinakamahalagang pamana sa akin ni Papa. Ang magkasama-sama tayong lahat,” mangiyak-ngiyak na sabi ni Alfie. “Pagpasensiyahan na ninyo ang Papa ninyo, ha? Marami akong nagawang pagkakamali.”
“Papa, pinapatawad ka na namin. Di mo naman alam na anak mo ako, e!” anang si Berry.
“I am sure, kung natagpuan mo kami nang mas maaga, maibibigay mo rin sa amin ang pagmamahal na naibigay mo kay Ate Vera Mae at Ate Yumi,” sabi naman ni Ailene. “Pwede pa po kyaong bumawi sa amin.”
Natahimik si Amira. Hindi niya alam kung napatawad na niya ang ama sa lahat ng kasalanan nito. Oo, mas magaan na ang loob niya dito. Di na siya gaanong galit gaya ng dati. Pero di naman basta-basta mabubura ang mga pagkakamali nito. Isa pa ay di pa naman ito humihingi ng tawad.
“Pwede bang mag-request ako sa inyo? Ipagluto naman ninyo ako ng hapunan,” lambing ni Alfie.
“Walang problema, Papa,” sabi ni Yumi at tumayo. “Sisters, sa kusina tayo.”
“Amira, pwede bang maiwan ka dito?” tanong ng ama niya at tinapik ang isang settee sa tabi nito na inabandona ni Mabel. “Gusto kitang makausap.”
Tuwid ang upo niya nang tabihan ito. “How’s your head injury?”
“I am okay. Ikaw ang gusto kong kumustahin? Kumusta ka na? Siguro masyadong maraming hirap ang pinagdaanan mo nitong nakakaraang araw.”
“Yes. Gising na pala kayo noon. Hinayaan lang ninyo ako.”
Ginagap nito ang kamay niya. “Amira, hindi kita hinayaang mag-isa. Kung alam mo lang kung gaano kahirap sa akin na marinig ang mga iyak mo at sama ng loob mo pati na rin ang pakiusap mo na gumising ako. Mahirap sa isang ama na hindi ako makabangon para protektahan ka. Pero wala akong choice. Kailangan kong gawin iyon para makakalap ng ebidensiya na magpapatunay ng kasinungalingan ni Carrie. Kanina lang namin nakuha ang CCTV file na kailangan namin para patunayan na hindi ikaw ang dahilan ng atake sa puso ni Papa. At ihinabol din sa amin ang mga ebidensiya kung paanong si Carrie ang nagtutustos sa mga pangangailangan ni Romualdo para makabawi sa negosyo na pati ang pera ng Banal Foundation ay nadispalko niya.”
“P-Paano ninyo naitago ang lahat?” tanong niya. “Mahigit isang buwan ninyong naitago sa amin ang lahat.”
“Nang magising ako, si Attorney Ferrer agad ang ipinatawag ko. Paggising ko ay naalala ko agad ang pagtataksil ni Carrie sa akin.” Tumiim ang anyo nito. “Sa tulong niya ay nalaman ko ang ikinikilos ni Carrie pati na rin kayong magkakapatid. Naitago ang tunay kong kondisyon sa tulong ng mga nurse at doktor ko.”
Of course. Perks of having your own hospital. Kontrolado nito ang lahat.
“Amira, alam ko na marami akong kasalanan sa iyo. I was a haughty young man then. Marami akong gustong patunayan kay Papa. Gusto kong ipakita sa kanya na karapat-dapat akong humawak ng negosyo niya at hindi ako palamunin lang. It was my last chance to prove to him that I am worthy to be his son. Pero wala akong ibang naiisip na paraan kung paano papirmahin ang isang tribo kundi... kundi ang akitin ang nanay mo. Desperado na ako noon. Kapag hindi naituloy ang Lambayan project, palalayasin na rin ako ni Papa sa mansion. Itatakwil na niya ako at wala akong makukuha kahit na isang kusing. Di ko alam na magkakagulo. Akala ko ay papayag sila sa kasunduan na lahat ay bibigyan namin ng trabaho. Di ko alam na may ibang lalaban sa amin at ayaw ng minahan. Di ko alam na ganoon kahalaga ang lupa sa ibang katutubo. Na iyon ang tahanan ng kanilang mga anito. Huli na nang malaman ko iyon at may dugo na sa mga kamay ko.” Inilahad nito ang palad na parang nakikita nito sa mga palad ang dugo ng mga Lambayan na namatay sa karahasan sa minahan. “I lost my soul then, Amira. Doon ko naramdaman na wala nga akong kwentang tao. Itinakwil ako ni Papa. At nasa konsensiya ko rin si Himaya. Nalaman ko rin na itinakwil siya ng mga Lambayan at walang makapagturo kung nasaan siya. At kahit na matagpuan ko siya, wala akong mukhang maihaharap sa kanya. Saka lang ako nagkaroon ng lakas ng loob na hanapin siya nang gabing bago ako madisgrasya. Sinabi ko kay Papa ang tungkol kay Himaya. Gusto kong humingi ng tawad sa kanya. Pero nalaglag ang sinasakyan ko dahil na rin gulong-gulo ang isip ko sa pagmamaneho dahil nalaman kong di ako ang mahal ni Carrie. Sana mas maaga kitang hinanap. Sana mas maaga kong naituwid ang mga pagkakamali ko. Pangako, gagawin ko ang lahat para makabawi.”
Yumugyog ang balikat nito bilang senyales ng pagluha nito. Hinaplos niya ang likod ng ama. Mabigat sigurong dalhin sa konsensiya nito ang kasalanan nito sa loob nang mahigit dalawampung taon. “Papa, gusto ko lang malaman ninyo na wala kayong dapat alalahanin sa akin. Pinalaki ako nang maayos ni Nanay. Aaminin ko na malaki ang galit ko sa inyo at sa mga Banal. Akala ko may kinalaman si Lolo Alfonso sa nangyari sa Lambayan noon. Pero ang galit na iyon ang dahilan kaya nagsikap ako sa buhay. Nagkaroon ako ng mga pangarap at prinsipyo na alam kong hindi magliligaw sa akin ng landas.”
Umiling si Alfie. “Pero gusto kong makabawi sa iyo. Anong kailangan kong gawin?”
“Gusto kong protektahan ang Kanayama. Nangako ako sa kanila na hindi sila mahahawakan ng Banal Mining o kahit anong minahan. Gusto kong ibigay sa kanila ang proteksyon para makapamuhay nang ayon sa gusto nila. Iyon lang ang nakikita kong paraan para tanggapin ulit nila kami ni Nanay.”
“Mahalaga ito sa iyo?”
Marahan siyang tumango. “Kasing halaga ng pagiging isang Banal ko. Wala akong pinangarap mula pagkabata ko kundi ang maging bahagi ng tribo ng nanay ko. Nang huling dumalaw ako doon, inalok nila ako na pakasalan ang isa sa katribo nila para magtiwala daw sila sa akin. Tinanggihan ko iyon.”
“Anak, hindi mo kailangang isakripisyo ang sarili mo para lang tanggapin nila. Ako ang may kasalanan sa kanila kaya ako ang aayos ng gulong ito. Hindi mo na kailangang pagbayaran ang mga pagkakamali ko, Amira. Alam ko na mahirap burahin sa puso ninyong mag-ina ang mga pasakit na ibinigay ko. Pero kahit paano hayaan ninyong ituwid ang mga pagkakamali ko. Hayaan mo ako na maging isang ama sa iyo. At titiyakin ko na makakabalik ka na ng Lambayan. Tatanggapin ka ulit nila sa tribo nila.”
“Salamat po.” Kinagat niya ang pang-ibabang labi. “W-Wala po akong ibang pinangarap kundi mabuo ang pagkatao ko. A-At may isang ama na magtatanggol sa akin.”
Niyakap siya ng ama. “At tutuparin ko ang lahat ng pangarap mo, Amira. Hindi mo na kailangang laging lumaban para patunayan ang sarili mo. Nandito na ako para sa iyo.”
Pumikit si Amira nang sa unang pagkakataon ay naramdaman niya ang init ng yakap ng ama. Nalusaw ang lahat ng galit niya dito. Animo’y may isang bahagi ng pagkatao niya na unti-unting nabubuo. Isang ama. Akala niya ay di niya iyon kailangan pero ngayon ay na-realize niya na gusto niya na magkaroon ng isang ama.
Hindi ang Alfie Banal na sumira sa tribo ng kanyang ina. Hindi ang Alfie Banal na balewala lang ang mga babaeng ginamit at sinaktan nito. Ito ang ama na alam niyang ipaglalaban siya at iisipin ang kaligayahan niya.
At naramdam niya na napatawad na niya ito at handa na itong tanggapin sa buhay niya bilang ama niya.
“Amira, pasarapan tayong gumawa ng lumpiang ubod!” tawag ni Ailene sa kanya na sumilip pa sa sala habang nakasuot ng apron. “Tingnan natin kung sino ang ibibili ni Papa ng bagong Hermes Birkin bilang prize.”
“Ano daw iyon?” naguguluhang tanong ni Alfie.