Chapter BH: Amira 140

Kumalas siya sa pagkakayakap sa ama at pinahid ang luha niya. “Mahilig kasing makipagkompitensiya si Ailene sa akin. Just a little sisterly competition.”

“At para sa lumpiang ubod ay Hermes Birkin ang premyo?” di makapaniwalang tanong ng ama. “That is pretty expensive for a lumpiang ubod.”

Tumayo si Amira at pinagkiskis ang palad. “Mali ng hinamon si Ailene.” Nakalimutan yata ng kapatid niya kung sino ang nobyo niya. Isa sa pinakamagaling na chef sa bansa si Francois at marami itong naituro sa kanya pagdating sa pagluluto. Baka pagtatadtad pa lang ng gulay ay talo na niya ang kapatid.

“I don’t want an Hermes Birkin as a prize.”

“Anong gusto mo?” tanong ni Alfie.

“A guaranteed vote for my Skyland Haven project and school supplies for the kids of Kanayama. They badly need that.”

Napailing ito. “Hindi mo ako kailangang lutuan ng lumpiang ubod para lang makuha iyon. All you have to do is ask, princess.”

Natawa na lang siya sa sinabi ng ama. Hinalikan niya ang pisngi nito bago magtungo sa kusina. Mai-spoil siya nito.

ALAS diyes na ng gabi nang sa wakas ay matahimik ang mansion ng ama ni Amira sa Baguio. Sumuko na rin ang mga kapatid niya sa pakikipagkwentuhan at nagpahinga dahil sa pagod sa buong araw na iyon. Ang ama niyang si Alfie ay kailangang magpahinga dahil na rin sa utos ng nurse nito. Bagamat may clean bill of health na ito ayon sa doktor ay di pa rin ito dapat magpagod nang todo. Alalay lang ang kilos nito kahit pa ikine-claim ng ama na malakas na ito.

Dapat ay matulog na rin siya dahil sa tindi ng stress na dinanas niya pero di siya mapakali. Kanina pang hapon di sinasagot ni Francois ang tawag niya. Naisip niya na baka kailangan nito ng panahon para makasama ang ama. Matindi ang pinagdadaanan ng mga ito ngayon. Wala siyang balita dito maliban sa text ng nanay niyang si Himaya na dumating na daw ito bandang alas siyete ng gabi kasama ang amang si Romualdo. Hindi niya alam kung okay lang ang nobyo.

Nagpalit siya ng pantalon at long sleeve blouse saka pinatungan ng itim na overall coat. Dali-dali siyang lumabas ng silid. Pagbaba niya ng hagdan ay natigilan siya nang marinig ang boses ni Alfie Banal sa sala. “Saan ka pupunta, Amira?”

“P-Papa!” usal niya at nagulat nang makita itong nakaupo sa maroon na overstuffed chair malapit sa fireplace na walang sindi. Di iyon pansinin dahil madilim. Nasisinagan lang ito ng liwanag mula sa labas. “Bakit gising pa rin po kayo?”

“I can’t sleep. Siguro dahil nakatulog ako sa mahabang panahon,” anito habang hawak ang babae at nakatingin sa fireplace. Wala na sa ibabaw ang larawan ng madrasta niya. Ipinaalis na nito. “How about you? Bakit bihis ka yata?” His forehead crinkled when he spied her overnight bag. “Are you going out?”

Marahan siyang tumango. “Opo. Pupuntahan ko po si Nanay. Di ko na po siya napuntahan. Baka nag-aalala na po siya sa akin. Doon na rin po ako matutulog.”

Bigla siya nitong nilingon. “Pupuntahan mo si Himaya? Sandali. Magbibihis lang ako. Sasamahan na kita.”

Nanlaki ang mata niya. “H-Hindi na po, Papa.”

“Bakit naman? Anong problema? Kakausapin ko lang ang nanay mo. Sa palagay ko oras na para magkausap kami.”

Kay Francois tumutuloy ang kanyang ina. Doon sila nanatili sa loob ng dalawang linggo. Hindi niya alam kung ano ang magiging reaksyon ng ama kapag nagkita ito at si Francois. Di pa niya matantiya ang mood nito tungkol sa mag-amang Romualdo at Francois. Gusto rin niyang mag-ingat.

“Ahhh… next time na lang po siguro. Una po masyado nang gabi. Dapat nga nagpapahinga na kayo. Sa dami po ng pinagdaanan ninyo ngayong araw, di na rin muna kayo dapat umalis ng disoras ng gabi.”

“Pakiramdam ko ayaw mo akong isama talaga.”

Kinagat niya ang pang-ibabang labi. “Hindi po ako sigurado kung gusto kayong makita ni Nanay o makausap. Kailangan ko muna siguro siyang kausapin at ihanda sa pagkikita ninyo. Magpahinga na po kayo.”

“Sandali. Di pa ata nakahanda ang kotse.”

“Magta-taxi na lang po ako,” sabi niya.

Umiling ito. “Amira, hindi kita pababayaan na mag-isa. Ipapahatid kita kay George. And don’t argue with me. Delikado ang panahon ngayon. Huwag na natin itong pagtalunan. Ngayon lang tayo nagkasama. I don’t want to lose you. May tatay ka na ngayon na magpoprotekta at mag-aalaga sa iyo. Tandaan mo iyan.”

Humalik siya sa pisngi nito. “Salamat, Papa.”

Sa loob ng dalawampung minutong biyahe mula sa mansion ng mga Banal patungo sa bahay nila Francois ay napaka-weird ng pakiramdam niya. May tatay na siya. Bagamat may pagka-protective sa kanya ang ina at si Francois, they didn’t smother her. Sana lang ay ganoon din ang ama niya sa kanya. Pagbibigyan lang niya ito ngayon dahil gabi na. Normal lang na mag-alala ito sa kanya.

Si Manang Conching ang nagbukas ng gate sa kanya. “Ma’am, ginabi naman po ata kayo.”

“Pasensiya na po. Hindi ko lang po talaga matiis na di makita sina Nanay at si Francois. Gising pa po ba sila?”

“Si Sir Francois kanina pa po tulog. Si Ma’am Himaya po gising pa at nagsabi daw po kayo na dadating kayo.” Nang tumingala sila ay nakita niyang naghihintay na ang ina niya sa gitna ng hagdan. Nakabalabal lang ang shawl dito at di man lang alintana ang lamig ng gabi. “Nandiyan na po pala siya.”

Niyakap niya ang ina. “Nanay, si Francois po?”

“Nasa loob. Tulog na sila ng tatay niya. Gusto mo ba ng hot chocolate? Ipagtitimpla kita.”

Hot chocolate. Alam ng nanay niya na grabe ang stress na dinanas niya sa araw na iyon. Alam ng nanay niya na mas mabilis ma-uplift ang spirit niya sa hot chocolate. Francois had his own way of making her feel good, of course.

Nagulat si Amira pagpasok sa bahay nang makitang sa sofa sa rocking chair na kahoy sa harap ng fireplace nakatulog si Francois. Her heart clenched when she saw the lines on his face. Pagod na pagod ito at bakas pa rin ang pag-aalala sa mukha kahit na natutulog na ito.

Nilapitan niya ito at akmang hahaplusin ang buhok pero pinigilan niya ang sarili. Huminga siya ng malalim. “Nanay, bakit naman po hinayaan na ninyong dito matulog si Francois?”

“Para daw mas madali niyang mapuntahan ang papa niya. Pagdating kasi nilang mag-ama ay tumuloy agad sila sa attic. Emotional ang papa niya at iniwan niyang umiiyak habang yakap ang mga lumang damit ng nanay niya.”

Malungkot siyang tumingala sa taas. “Kawawa naman si Tito Romualdo.” At si Francois na rin.

“Ano ba talagang nangyari? Di kasi gaanong nakapagkwento si Francois sa amin dahil mukhang magulo ang isip niya. Basta ang sabi niya dumating si Alfie sa kalagitnaan ng meeting ninyo para bawiin ang boto ni Caridad. Totoo ba iyon?”

“Can we discuss it over hot chocolate? Kailangan ko po iyon at sa palagay ko ay kailangan din ninyo,” aniya at tipid na ngumiti.

Patingin-tingin siya kay Francois mula sa dining table dahil baka magising ito. “Hindi aalis si Francois diyan. Magkwento ka na. Nagising na ba mula sa coma ang tatay mo?”

Marahan siyang tumango. “Opo. Kalagitnaan ng botohan namin nang basta na lang siyang sumulpot. Binabawi niya ang voting power ni Aunt Carrie. Nalaman namin na isang buwan na pala siyang gising. Humanap pa siya ng ebidensiya para patunayan na inosente ako sa pagkamatay ni Lolo. Na hindi po talaga ako ang dahilan kung bakit inatake siya sa puso. May nakuha daw po silang CCTV footage.”

Nasapo nito ang dibdib. “Salamat naman. Ibang klase talaga ang ama mo. Gustong laging umeksena. Gusto may pasabog. Ano pang nangyari? Bakit parang depress na depress si Francois at ang tatay niya?”

Nag-aalala ulit siyang lumingon sa binata. Naiilang naman siyang pagkwentuhan ang mga ito sa mismong pamamahay ng mga ito pero kailangang maunawaan ng nanay niya ang pinagdadaanan ng pamilya ng nobyo. “Nang gabi po palang nadisgrasya si Papa, nakita niya na magkayakap sila Aunt Carrie at Tito Romualdo. Tapos sinabi daw po ni Aunt Carrie na mahal daw po niya si Tito Romualdo. E si Tito naman po lasing daw noon. Wala daw po siyang alam.”

“Sa palagay mo?”

Nagkibit-balikat siya. “Hindi ko po alam. Basta ang nalaman lang po namin si Aunt Carrie po ang dahilan nagpadala ng pictures na may relasyon sila Tito Romualdo at ang dati niyang sekretarya. Di rin sinabi ni Aunt Carrie na may sakit ang nanay ni Francois. In-insinuate niya na may ibang lalaki ang nanay ni Francois at hindi anak ni Tito Romualdo. At nadispalko daw po ni Aunt Carrie ang pera ng foundation para lang ma-maintain ang shares ni Tito Romualdo sa Banal Mining.”

Sinapo ng ina niya ang noo nito. “Ano bang tumatakbo sa utak ni Carrie? Malaking problema itong ginawa niya. Alam ko naman na ambisyosa siya noon pa pero hindi ko naman alam na aabot sa ganito ang lahat. Ano pa bang gusto niya? Nasa kanya na ang lahat. Siya ang pinakasalan ni Alfie. Hindi pa ba siya masaya sa magandang buhay na mayroon siya? Higit pa ito sa pangarap niya.”

Sumimsim muna siya ng mainit na tsokolate habang inaalala ang talim ng mga mata ng tiyahin. “Pakiramdam niya maraming umapi sa kanya mula pagkabata niya. Ginusto niyang maghiganti. Di siya tumitigil hangga’t di niya napapaluhod. Mula sa magulang niya na di naniwala sa kanya, sa mga taong nangmaliit sa kanya hanggang sa lalaking minahal niya at sa pamilya nito. Hindi sapat sa kanya ang mga taong nagmamahal sa kanya dahil sa paghihiganti.”

“O dahil sa pagmamahal. Pagmamahal na di naibigay sa kanya. Nagsakripisyo siya para kay Tito Romualdo dahil mahal niya pero kahit anong gawin niya ay di iyon nasuklian sa paraang gusto niya.”

“Anong ginawa ni Alfie sa kanya?”

“Magpapa-annul na po sila. May pre-nuptial agreement pala sila kaya kung namatay si Papa ay walang makukuha si Aunt Carrie kahit pa sa mga namana ni Papa kay Lolo Alfonso. Ngayon ihinanda na ni Papa ang settlement na ihahain sa kanya. She lost everything. Nawala sa kanya ang lalaking totoong nagmamahal sa kanya.”

Naghangad ng kagitla, isang salop ang nawala. Iyon ang kasabihan na aakma sa tiyahin niya. She became too greedy. Hindi ito nasiyahan sa kung anong mayroon ito. Wala talagang kasiyahan ang mga tao minsan. Kung nasiyahan lang sana ito sa kung anong mayroon ito ay mas maayos sana ang buhay nito. At least ay hindi ito iniwang pulubi ng kanyang ama.

Pero paano naman ang mga taong sinira nito ang buhay? Ayos lang si Amira. Naka-recover na siya mula sa ginawa ng madrasta. Nalinis na ang pangalan niya sa mga kapatid niya at sa tulong ng ama niya ay malaki ang posibilidad na muli silang makabalik ng ina sa Kanayama. Pero di niya alam kung ano ang mangyayari kay Francois at sa ama nito. Kung ano ang magiging status ni Romualdo sa Banal Mining Corporation matapos lumabas ang isyu dito at kay Caridad.

Inikot ng nanay niya ang mga mata. “Naku! Mabuti na lang ako naka-move on na sa tatay mo. Ayoko ng higa-higanti na ganyan. Galit lang ako sa tatay mo at sa mga Banal pero di naman ako gumanti.”

“Alam ko po, Nanay. Mas busy kayo na ayusin ang buhay natin.”

“Masyadong maraming pera at oras itong si Caridad para maghiganti. Sabagay karma na rin siguro iyan ni Alfie. Aba! Sa dinami-dami ng mga babaeng niloko, inanakan at pinaiyak niya, iyon pang minahal niya nang totoo at pinakasalan niya ang hindi siya totoong mahal at gusto lang siya dahil sa pera.”

May angst pa rin ang nanay niya sa tatay niya. Normal lang naman na maging bitter ito sa nangyari dahil malaki talaga ang hirap ng nanay niya dahil kay Alfie Banal.

“Ang totoo po gusto nga sanang sumama ni Tatay dito para makausap daw po sana kayo,” mahinay niyang sabi.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.